Wala ring makapaniwala nang banggitin ang kanyang pangalan sa balita. Maski nang kumpirmahin ng iba't ibang estasyon ng radyo’t dyaryo ang ulat ilang linggo pagkaraan ng halalan, walang sinumang nag-akala na mailuluklok siya sa pinakarurok na kapangyarihan sa bansa.
May matatandang nauna nang nakiusyoso ukol sa nasabing alingasngas. Sabay sa paos nang tilaok ng mga manok ang kanilang magagaspang na bulung-bulungan. Hindi naman lingid sa kaalaman ng marami na salimpusa lang siya para sa tunay na nominado ng paksyon ng naghaharing partido, sa pagtatangkang ipagpatuloy ang taktika ng dating presidente noong 2016. Tuloy, hindi na napigilan ng matatanda ang kanilang tawa. Parang impit na tili ng tinitistis na biik ang kanilang pagkatuwa.
Dito naalimpungatan ang mga puyat at lasing at sabog sa Baryo Sto. Niño nang wala sa oras. Kundi man bwisit, marami sa kanila’y balisang siniyasat ang pinagmulan ng kaguluhan—at nadatnan nila ang gusgusing ngiti ni Ronald “Bato” dela Rosa sa iskrin ng telebisyon. Wala rin namang agad na natawa sa gayong tagpo. Bukod sa matatanda, ilang segundo pa ang inabot bago naigpawan ng marami ang pagkatulala upang mahuli ang punchline. Nang tamaan ang mga residente ng realisasyon, isa-isa silang humagikgik, humalakhak, hanggang sa tuluyan nang mapalitan ng pagbulalas ang kawalang-imik.
Akala ata ng bayan, nagbibiro ang midya sa kinalabasan ng eleksyon.
“Aba’t mangilabot naman kayo sa mga sarili nyo!” babala ni Tata Peding sa maiingay na telebisyon bago mabulunan sa sarili nitong laway. “Ang kalbong ‘yan ang panibagong demonyo!”
Pansamantalang natigilan ang mga residente sa kakabungisngis. Pero hindi rin nagtagal ay muling umalingawngaw ang panibagong koro ng tawanan ukol sa kakatwang pahayag ng matanda. Batid ng lahat na mula nang dukutin ang unica hija ni Tata Peding sa “buy-bust operation” ng mga militar, nawala na ito sa katinuan—laging nakasalampak sa tabi ng kalsada habang inuusal ang pangalan ng kanyang natatanging anak.
Magtatatlong taon na mula nang salakayin ng pulisya ang libreng COVID-19 swab test sa kanilang barangay hall. Wala nang nakasagap ng karagdagang tsismis hinggil sa kinahinatnan ng kaso bukod sa diumano’y kasabwat ng NPA ang dalaga, kaya ipinagsawalang-bahala na lamang ito ng barangay. Hindi rin naman nila mahagilap ang mga kaanak ni Tata Peding para kupkupin ang hukluban. Siguro patay na lahat. Ano't anupaman, isa lang ang tiyak ng bayan: kapag nasobrahan na si Tata Peding sa kakaprotesta sa kawalang-pakialam ng Baryo Sto. Niño, paniguradong dadapuan na ito ng topak at maghuhuramentado sa daan.
“Lagi na la’ang umaalulong na parang ulol,” ani Aling Edna habang ginigilitan ang sariwang karne’t tinatagpasan ito ng mga nakausling litid sa tabi. “Natatakot tuloy ang mga parokyanong dumalaw dito sa pwesto ko. Bwisit!”
Sumirit ang dugo ng lasag sa bandeha ng tindera. Ibinulagta niya ang palanggana sa estero ng palengke. Saka siya muling nagsalita, mas masigla kumpara kanina. “Mabuti na la’ang ‘ka mo’t bang ganda ng bungad ng umaga ko ngayon. Mantakin mo, panalo raw si Bato? Jusko! E ‘ala naman akong ni-isang kakilalang bumoto sa senador. Kaya mali talaga ng sinabi si Nora Aunor. Totoong may himala!”
“Patunay la'ang ito ng masidhing pagnanais ng milyong-milyong Pilipino na ipagpatuloy ang laban sa droga’t tumataas na krimidalidad sa bansa,” paliwanag ni Kapitan Magno sa isinagawang pagpupulong ng buong barangay, ilang araw matapos ng opisyal na pagkakaluklok sa bagong pangulo. “At bilang masugid hong tagasuporta ni presidente, ipinapangako ko hong lilinisin din natin ngayong taon ang natitirang kupal sa barangay! Kaya Tata Peding, mawalang-galang na la’ang ngunit mag-empake na ho kayo ng mga karatula bago pa kayo bisitahin ng mga tanod,” at nagkagulo sa tuwa ang lahat ng mga nagsipunta.
Sa kabila nito, nanatiling usap-usapan sa bayan ang kontrobersya hinggil sa diumano'y naganap na dayaan sa bilangan. Ito ang laging laman ng mga pahayagan lalo noong mga panimulang buwan ng paninilbihan ni Bato bilang ika-17 pangulo ng Republika ng Pilipinas. Pinasinungalingan naman ito ng kampo ng pangulo sa paggigiit ng makamasang karisma ni Bato.
Kumpara raw sa ibang mga kandidato, laki sa hirap ang kasalukuyang pangulo, at hindi na nito kinakailangan pang patunayan ang sarili na kwalipikado sa pwesto dala ng aktibo nitong pagseserbisyo maski ngayong pandemya. Dagdag pa ang imahen nito bilang pinunong may kamaong-bakal at pusong-mamon, hindi raw kataka-takang siya ang pinili ng madla upang ipagpatuloy ang pagbabagong sinimulan ng nakaraang administrasyon.
Subalit nang hindi pa rin ito tinanggap ng mga kritiko ng estado, personal nang nagpakawala ng malutong na biro si Bato sa kanyang kauna-unahang SONA: “Kung ayaw nyong pumalakpak, bukas pa-tokhang ko kayo sa pulis!” Hiyawan ang mga manunuod sa Baryo Sto. Niño sa kaangasan ng pinuno.
Natapos ang pambansang kumperensya nang walang nailalatag na kongkretong tugon sa kasalukuyang sitwasyong pandemya ang pamahalaan. Binatikos ng iba’t ibang sektor ng lipunan sa social media ang ganitong pangangapa ng gobyerno sa pag-aangat ng interes ng publiko.
Dinumog naman ng mga copy-paste troll farm ang comment section ng sinumang pumuna sa Presidente. “The Philippines doesn't have the worst gov't but the worst citizens,” tirada ng isang dummy account. Umani ito ng daan-daang sad at laugh reactions at replies. Mayorya rito’y mula sa kabataan ng Baryo Sto. Niño na kalauna’y nakisawsaw na rin sa bardagulang pinasimunuan ng mga keyboard warrior.
Sa kabila ng lahat ng kritisismong inani ni Bato, nagkibit-balikat lamang siya’t muling naglabas ng matalas na pukol: “Nanunuod kasi ako dati sa sine, tatanong ko lang sana sa inyo: pwede ba yung mga producer ng vaccine, sila-sila rin yung nagki-create ng outbreak para makabenta?” Namanhid ang panga ng buong barangay kakahagalpak sa komento ng pangulo. Tila piyesta lagi ng kasiyahan ang pagsubaybay sa pamamahala ni Bato.
Setyembre noon nang may nagtanong kumbakit sa paglaki ng pondo ng NTF-ELCAC, nanatiling plano ang panukalang kabitan ng body camera ang uniporme ng pulisya. Umiiling si Bato nang humarap sa kamera noong hatinggabing iniere ang kanyang pahayag sa lipunan. “Wala nga tayong budget,” diin niya. “Oo, sinabi ko ‘yan before election, pero sampal ‘yan sa ating judicial system, sa ating mga court. Tingin nyo ba may nangyayari crimes against humanity rito sa bansa?”
Laking halakhak ni Tata Peding nang madinig ang huling linyang binitawan ni Bato sa radyo. Halos hindi siya magkandaugaga sa pagbabatbat sa poste ng ilaw kung saan siya nakasandig. Panaka-naka siyang naghabol ng hininga sa labis na pagbungingis, nang dagling napundi ang kukurap-kurap na liwanag sa kanyang uluhan.
Pumilantik ang istatik na pinapakinggan ni Tata Peding sa hindi kalayuang tindahan. Nagsara ito ng tabing, at kay lalim na katahimikan ang sunod na umokupa sa kanto. Parang may bumunot sa saksakan ng kable ng kaluluwa ng Baryo Sto. Niño at animo’y nagsimatay ang lahat ng tao.
At nang maulinigan niyang hindi na lamang siya ang humahagakhak sa kalagitnaan ng nangangalawang na dilim, kagyat na bumaliktad ang puti sa mga mata ng uugod-ugod na matanda.
Tumikom ang kanyang mga labi. Sinipat niya ang kasingit-singitan ng mga eskinita sa pagtataka.
May papalapit, ukilkil ng kaba sa kanyang isip. Malapit na malapit na sa kanyang tabi.
Hinaplos ng kilabot ang kanyang batok. Subalit hindi na siya nakalingon.
Kinaumagahan, tila isang nagdaang bangungot na lamang ang pag-eeskandalo ni Tata Peding sa lansangan. Bakas ang mantsang iniwan ng patpating katawan nito sa gilid ng kalsada. Nagawa pa ngang magbiro ni Aling Edna na nasaksihan niyang lamutakin ng aswang ang matanda nang mag-brownout kagabi. Dinugtungan ito ni Kapitan Magno sa haka-hakang baka isinuka raw ng mga maligno ang bangkay sa talahiban nang magka-diarrhea dala ng sama ng lasa ng palaboy.
Subalit batid ng Baryo Sto. Niño ang tunay na pangyayari. Tanaw noon ng grupo ng mga lasenggo ang pagwawakwak ng sandosenang punglo sa dibdib ni Tata Peding matapos posasan at gulpihin ng dalawang nakaitim na lalaki. Masid ng ilang batang pauwi pa lamang sa gala ang pagbabalot ng tape sa bibig ng palaboy. Napasadahan pa ng isang motorista ang paggapas ng kutsilyo sa mga ugat ng leeg ng matanda bago isakay ang walang buhay nitong katawan sa trak na tambak ng mga bangkay.
Ngunit walang nagsalita. Masyado na kasing gasgas ang komikong tala ng pagpaslang para libangin ang pagal nang kaluluwa ng barangay. Kaya ibinaling na lamang ng Baryo Sto. Niño ang kanilang atensyon sa panibagong pahayag ng pangulo sa pambansang telebisyon.
Muling umalingawngaw ang pamilyar na hagakhakan sa kaibuturan ng bayan. ●