Madaling araw na ngunit hindi ko pa tapos baybayin ang mga naratibong nalikom mula sa mga biktima ng diktadurang Marcos. Kailangan kasi itong gawan ng sanaysay para sa klase. Walong oras ko nang hinihimay-himay sa isipan ang mga karahasang dinanas ng mga Pilipino noon, kaya nang tamaan ako ng pagod, binuksan ko ang radyo para makahinga sandali sa trabaho.
Habang nagtitimpla ng kape, humudyat ang entrada ng balitaan tuwing hatinggabi. “Never again, never forget,” panimula ng mamamahayag. “‘Yan po ang ipinaglalaban ng mga biktima ng Martial Law. Pero ang kabataan ngayon, tila nakakalimot na sa kasaysayan?” Nasaktong kakabit ito ng sinasaliksik ko. Tahimik akong naupo sa tabi’t nakinig.
Mayroong nakapanayam na limang mag-aaral ang mamamahayag sa segment. Halos pare-pareho ang opinyon ng bawat isa sa pamamahala ng yumaong diktador. Anila, napakaraming naipatayong imprastruktura ni Marcos. Kakabit ito ng kanilang pahayag na para raw sa taumbayan ang Batas Militar, lalo’t napakagulo ng panahon noon. Bilang tugon sa mga paniwalang ito, iniere rin ang mga testimonya ng ilan sa mga biktima ng karahasan noong dekada 70.
Ani Nilo Dela Fuente, isa sa mga tinortyur ng mga sundalo sa ilalim ng Batas Militar, umabot sa dalawampung araw ang isinagawang “interogasyon” sa kanya. “Interogasyong may matitinding physical and mental torture,” salaysay niya. “79 oras ata akong piniringan at paulit-ulit na pinaulanan ng suntok. Makailang ulit ding inumpog ang ulo ko sa pader. Nakabilog ang militar sa akin at sinipa-sipa akong parang bola. Kinuryente ako, kaya natustang dahan-dahan ang aking mga daliri, hanggang sa nakaakyat ito sa aking ulo. Noong nag-collapse lang ako nilubayan ng mga demonyo.”
“Sampal dito, sampal doon,” dugtong na kwento ni Lualhati Roque. “Ayan ang ginagawa nila sa akin kapag hindi ako sumasagot sa kanilang mga tanong. Binaboy nila ako. Piniringan at ipinosas sa kama.” Napatigil ako sa paglasap ng iniinom.
“Mula sa pagiging aktibista, binilanggo ako’t kinasuhan ng rebellion noong 1982,” balik-tanaw naman ni Chris Sorio. ”Ikinulong ako sa Bagong Bantay sa Intelligence Camp. Tinortyur, pinagdiskitahan pati aking ari.”
Ilan pa lamang ang mga ito sa libo-libong kuwentong dapat ibalita’t ilathala, anang mamamahayag. Pinatay ko ang radyo paglaon. Hinigop nang dahan-dahan ang natirang kape ngunit inaantok pa rin ako. Ambigat ng katotohanan sa isip. Nagdesisyon akong bumalik sa pagbabasa. Alas-dos na subalit hindi pa rin ako natatapos.
Naramdaman kong unti-unting gumaan ang aking katawan, at tuluyan nang nagdilim ang aking paningin.
Nagising ako sa silahis ng araw. Sinilip ko ang bintana’t tila maingay ang kalsada. Laking pagtataka ko nang makitang hindi na naka-mask ang mga tao. Ipinagsawalang-bahala ko ito. Baka may bagong balita na hindi ko pa nasasagap.
Lumabas ako para bumili ng rekados ng pananghalian mamaya. Habang naglalakad, nadinig ko ang magkumpareng nag-iinuman sa kanto. “Sabi sa’yo, panalo ‘yang manok kong si Bongbong!” masigla nitong banat. “Kita mo, malayo na tayo sa kasusuot ng pinagpapatong-patong na lintik.” Itinuro niya ang kanyang bibig. Natawa ako. Kay-aga-agang mga lasing.
“Ale, magkano ‘ho ang isang kilo ng baboy?” tanong ko sa tindera nang datnang nakalatag na paninda sa talipapa.
“140 piso, iha,” sagot niya. Sobrang mura! Sinuri kong maigi ang baboy. Baka double dead, madale pa ako. Natural na mala-rosas ang kulay nito. Parang may mali. Nitong nakaraang araw lang, 400 piso kada kilo ang presyo nito.
Pauwi na ako nang namanhid ang buong katawan ko. Ramdam kong uminit sa pisngi ko. Pumara ako ng dyip at pumuwesto malapit sa tsuper. “Manong, anong oras na ‘ho?” tanong ko sa drayber.
“Alas nueve pa lang, nene,” aniya. “Aga-agang tirik ng araw.” Wala rin siyang suot na face mask.
“Oo nga ho. Bakit po pala wala nang face mask ang lahat?”
“Iha, mabilis rumesponde ni Bongbong sa pandemya. Akalain mo, naikuha niya na tayong lahat ng bakuna laban sa COVID, may booster pa!”
Kagyat akong nahilo. Tila nasa iba akong dimensyon. Ngumiti ako kay manong tsuper, iniabot ang sampung piso. “Iha, sukli mo,” marahang sambit ni manong at inabutan ako ng tatlong piso.
Pagdating sa bahay, saktong bumisita ang nakakabata kong kapatid na si Rica. Ipinakita niya ang limang bituing itinatak sa kanyang kamay. “Ate, may discount ako sa school book fair dahil mataas ang iskor ko sa Araling Panlipunan.”
“Aba, nakabili ka ng libro?” Minuwestra kong halungkatin niya ang nakuha niyang aklat sa ilalim ng bag. Nang mahugot, agad kong napuna ang pamagatan ng libro na, “Sa Ilalim ng Magandang Pamamalakad ng mga Marcos sa Pilipinas.”
Dagling tumilaok ng manok at naalimpungatan akong bigla. Pawis na pawis ang katawan ko sa kaba. Nilibot ko ang mga mata ko sa kwarto. Hindi ako makahinga. Naalala kong hindi ko pa nasisimulan ang sanaysay magpahanggang-ngayon. Kinilabutan ako. Liban sa deadline, napagtanto kong maaaring dumating ang panahong muling isusulat ang kasaysayan ng Pilipinas sang-ayon sa interes ng pamilyang Marcos.
Ngunit higit na nakakatakot na magkatotoo ang aking panaginip—sa oras na manalo si Bongbong Marcos sa susunod na halalan, hawak na niya ang lahat-lahat ng kapangyarihang baguhin ang ating realidad. Kung kaya nga nilang doktorin ang mga “natamo” nila sa buhay, siguradong masisikmura ni Bongbong ang pagpapanggap bilang makamasang Pangulo upang burahin ang marahas na nakaraang idinulot ng kanyang amang diktador. ●