Tila lumiit ang mundo natin mula nang magpataw ng lockdown bunsod ng mabilis na pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Hindi na natin magawa ang mga dati nating nagagawa. Lahat tayo, nakakulong sa kani-kanyang tahanan, umaasang makalipas ang sandaling panahon lamang ay babalik din sa dati ang lahat. Ngayon, isang taon na ang nakalipas at wala pa rin tayong natatanaw na dulo sa krisis na ito, patuloy tayo sa paghahanap sa alternatibong daigdig.
Bagaman masasabi kong hindi ako mainiping tao, makalipas ang ilang linggo’y agad din akong naburyo’t natuliro, lalo’t hindi na ako sanay manatili sa loob ng aming bahay. Nakadagdag pang pasakit sa akin ang tuluyang pagpapasara sa ABS-CBN, dahil hindi ko na magawang mapanood sa aming telebisyon ang mga paboritong programa’t palabas na aking sinusubaybayan.
Saka ko madidiskubre ang natatagong daigdig ng social media—ilang araw lamang, naaaliw na ako sa pabirong bangayan ng magkapitbahay na sina Mars at Aling Nena. Sinubaybayan ko rin ang malokong pag-iibigan nina Daddy Rob at Mommy Toni, pati na rin ang pagpa-prank nila kay Bhie, kahit na nauwi sila sa kontrobersyal na hiwalayan. Pati linggo-linggong paglalabas ng kanta ni Kween Yasmin, pinatos ko na.
Dahil bigo ang gobyernong maayos na lutasin ang pandemya, higit na mas madali para sa ating makaugnay sa kinathang daigdig na ito kung saan malaya pa rin tayong nakakagalaw nang hindi sinisita o pinagbabantaan kung lumabag sa batas ng lockdown.
Natatakam tayong panoorin ang mga nilulutong ulam ni Ninong Ry, bentang-benta ang mga jokes nina Sassa Gurl at Pipay, at aliw na aliw sa mga song cover ni Ms. Everything dahil madali tayong nakaka-relate sa mga kauri natin. Hindi na kataka-taka kung mabilis ang naging pag-usbong at pagsikat ng mga social media stars.
Marahil, kaya tumaas pa ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng social media ng 2020 ay dahil narito na ang buong buhay natin, mula sa pangangailangang maaliw hanggang sa pakikipag-ugnayan sa mga katrabaho. Ayon pa sa datos ng mga advertising firms katulad ng We Are Social, nangunguna ang Pilipinas sa buong daigdig sa paggamit ng social media—araw-araw, higit apat na oras ang inilalagi natin sa ating mga account, mas mataas ng 30 minuto sa bansang nasa ikalawang pwesto.
At ito marahil mismo ang nagtutulak sa mga creators na lumikha nang lumikha ng content, sa pag-asang mas lumawak ang kanilang tagasubaybay at kumita nang malaki. Kaya nga lang, kung minsan, hindi na nila natatasa ang mga implikasyon ng kanilang mga likha, hindi lamang sa kanilang sarili kundi sa kanilang mga audience.
Anupa’t marami na ang hindi natutuwa sa mga prank war, “unpopular opinion” ng mga influencers na kung hindi insensitibo’t politically incorrect ay, sa ubod, tagatrumpeta pa ng mga kasinungalingan at maling impormasyon ng estado. At dahil tila malapit sila sa’tin at iniidolo, madali nilang napapaniwala ang marami sa atin.
Nananatiling hamon para sa mga influencers ang maintindihang maraming mga mata ang nakamatyag sa kanilang bawat aktibidad online, kaya kailangang maging responsable ng bawat isa sa mga content na nalilikha. Bagaman hindi pa rin maiiwasan ang mga influencers na sinasadyang ibulid sa kasinungalingan ang madla, dapat maging mapagbantay ang mga users sa mga nakikita nila online, at maintindihang hindi lahat ng nakikita nila’y katotohanan at dapat paniwalaan.
Isang magandang halimbawa ng responsableng paggamit ng impluwensya ay ang “Gabi ng Bading” podcast nina AC at Yani—metikulosong pinag-iisipan at pinagpaplanuhan ang bawat content na inilalabas, at minsa’y may tindig pa sa mga mahahalagang isyung panlipunan, katulad ng ilegal na pag-aresto sa mga Lumad noong nakaraang buwan.
Matapos man ang pandemya, mananatiling integral na bahagi ng ating buhay ang social media. Kaya mahalagang gamitin natin ito sa ating bentahe kung ito ang magiging lunsaran ng pagpapaingay ng mahahalagang isyu labas pa sa social media, at pagpapanagot sa pamahalaan sa patuloy nilang pagpapabaya sa atin.