Kung noon ay umaabot sa P300 bawat araw ang kinikita ni Wendel, 17, mula sa pangangapa ng mga isda, ngayon, halos wala pa sa kalahati nito ang nalilikom niya. Aniya, halos wala na kasing isdang natira sa kanilang lugar sa Malolos bunsod ng proyektong Bulacan Aerotropolis ng San Miguel Corporation (SMC).
Kabilang ang 2,500-ektaryang New Manila International Airport sa itinatayong Bulacan Aerotropolis na nakaapekto sa libu-libong mangingisda sa Bulacan. Bukod sa pagpapaalis ng SMC sa mga residente sa lugar na sakop ng proyekto, naapektuhan din ng reklamasyon at konstruksyon ang mga lamang-dagat dahil sa ginagawang paghuhukay sa karagatan.
Dahil dito, napipilitan ang maraming mangingisda mula sa iba’t ibang bahagi ng Bulacan na dumayo sa iba pang lugar, gaya ng Taliptip, Bulakan, kung saan mas malaki ang pag-asang makahuli ng mga isda.
Ngunit noong Oktubre 29, ang pag-asang makahuli ng maraming isda ay nauwi sa takot at kaba dahil sa pagdakip ng mga sundalo kina Wendel at mga kasama niyang mangingisdang dumayo sa Sitio Dapdap, Taliptip.
“Di pa kami nakakapasok ng pinangingisdaan namin, hinuli na agad kami [ng mga sundalo]. Hinarang kami at sinabi na ‘pag di pa kami aalis, bubutasin daw ang bangka namin,” salaysay ni Wendel.
Limitadong Pangisdaan
Kabilang si Wendel sa 40 mangingisdang inaresto at dinala sa isang detachment ng militar sa bahagi ng mga nabiling lupa ng SMC para sa proyekto nito. Dahil sa ginagawang Bulacan Aerotropolis, maraming parte na ng Taliptip, pati na ang mga palaisdaan, ang ipinagbawal ng SMC sa publiko dahil sa panganib umanong dala ng ginagawa nilang paghuhukay sa dagat.
Bilang parusa sa pagpunta ng mga mangingisda sa isinapribadong na lugar, pinagsibak at pinagpulot ng mga kahoy sina Wendel at ang mga kasama. Pinag-igib din sila at kinuhanan ng mga larawan bago palayain ng mga sundalo.
“Unang sama ko pa lang ito sa tito ko papuntang Taliptip ... kasi walang mahuli rito [sa Pamarawan]. Dati, dito ako nangangapa, marami ditong huli pero noong dumaong na yung barko (dredger) riyan, wala na, madalang na,” ani Wendel.
Sa murang edad, napilitang mangapa ng isda si Wendel upang tugunan ang kakulangan ng kitang inuuwi ng kanyang mga magulang mula sa pangunguha ng talaba. Ngayong kumikipot ang napagkukunan niya ng isda dahil sa SMC at sa paghihigpit ng mga militar, nangangamba si Wendel na dumating ang panahong hindi na maging sapat ang kita niya upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Kakarampot na Kita
Tulad ni Wendel, dama rin ni Teody Bacon, mangingisda at dating residente ng Taliptip, ang pagkalugmok ng kanyang kabuhayan bunsod ng Bulacan Aerotropolis.
Mahigit P1,500 ang kinikita noon ni Teody mula sa pangingisda sa Taliptip. Ngunit mula nang ilipat ng SMC ang kanilang tirahan sa Bambang, Bulakan, higit na malayo sa kanyang pangisdaan, bumaba na ang nauuwi niyang kita dahil sa gastos papunta pa lamang dito.
“Ngayon, ‘pag kumita kami ng sanlibo sa isang araw, mababawas pa riyan ang gastos namin gaya ng gasolina na halos P300, tapos pagkain, baon, pang-kape, asukal, bigas. Umaabot ng P700 ang gastos [namin], kaya wala nang natitira sa kinikita namin,” ani Teody.
Sa kanilang dating tirahan sa Taliptip, hindi na nila kailangang paggastusan ang ilan sa mga pinaglalaanan nila ng kita ngayon. Hindi na rin nila kailangan pang bumiyahe nang malayo kapag pupunta sa laot.
Bagaman may mga trabahong inaalok ang SMC para sa mga napaalis sa Taliptip, hindi naman ito magawang tanggapin ni Teody sapagkat hindi na ito kaya ng kanyang katawan, at tanging pangingisda lamang ang alam at nakasanayan niyang gawin.
“Katulad naming mga mangingisda na may edad na, ang hinihiling namin, mabigyan kami ng layang makapaghanapbuhay sa mga area na nabili na na hindi pa naman nila nagagamit,” ani Teody.
Bukod sa wala nang maiuwing kita, higit na lumalala ang kanilang sitwasyon dahil sa pananakot at pagbabanta sa mga mangingisda sa Bulacan. Ayon kay Teody, may mga mangingisdang nakukumpiska ang lambat dahil sa panghuhuli ng isda sa mga ipinagbawal na lugar ng SMC, dahilan upang mawalan ng kabuhayan ang ilan sa kanila.
“Ang sinasabi nila (SMC), kaya raw ipinagbabawal ang pangingisda sa ibang lugar ay para raw sa kaligtasan ng mga tao kasi delikado raw lumapit sa mga barkong naghuhukay sa gitna ng dagat,” ani Teody.
Pagsira sa Kalikasan
Nitong Hulyo, namataan na lamang ng mangingisda ang dalawang dambuhalang barko sa karagatan ng Bulacan na nagsasagawa ng dredging o paghukay ng lupa sa ilalim ng dagat. Ang pagdating ng mga barko ang simula ng pagkawala ng mga isda sa kanilang lugar, ayon kay Wendel.
Nagiging sanhi ng pagkabulabog ng mga isda at paglabo ng tubig ang isinasagawang paghuhukay ng SMC, na nagreresulta naman sa matumal na huli ng mga mangingisda, ayon sa pahayag ng AKAP KA Manila Bay - Bulacan, samahan ng mga organisasyong naglalayong protektahan ang Manila Bay.
Magiging sanhi rin ang dredging sa pagtaas ng trapiko sa karagatan na maaaring magdulot ng pagbawas ng trandisyunal na pook-pangisdaan ng mangingisda, anang AKAP KA, dahil hindi madaling makakaraan ang maliliit na bangka kasabay ng malalaking barko.
Isa pa sa mga dahilan ng pagkaubos ng mga isda sa ilang bahagi ng Bulacan tulad ng Malolos ang pagkawala ng mga bakhawan matapos putulin ang higit 600 na bakhawan noong 2018 pa lamang upang magbigay-daan sa Bulacan Aerotropolis.
“Mangroves serve as habitats and nursery grounds for various marine organisms. They are capable of buffering storm surges, and are found to be more efficient than man-made concrete seawalls. By destroying mangrove ecosystems, SMC will cause the decline of fish production, and increase the vulnerability of coastal communities to natural hazards,” anang Advocates of Science and Technology for the People (AGHAM) sa isang pahayag.
Upang diumano’y matugunan ang pagkawala ng mga bakhawan, at bilang rekisito sa pagkakaloob ng Environmental Compliance Certificate (ECC) sa kanilang proyekto, nagtanim ang SMC ng higit 5,000 punla ng bakhawan sa Bulacan. Ngunit natuklasan ng mga organisasyon ang ilang kamalian sa pagtatanim na ginagawa ng kumpanya, dahilan upang ipatigil ito ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Pangamba sa Proyekto
Dahil sa mga gawain ng SMC na nakasisira sa kalikasan at umaabuso sa karapatang pantao, hinimok ng AGHAM ang DENR na mas suriin pa ang pagpapatupad ng proyektong Bulacan Aerotroplis. Pinuna ng grupo na dapat kanselahin na ang ECC na ipinagkaloob sa kumpanya dahil sa mga paglabag nito sa batas.
“Scientists have warned countless times how the aerotropolis can impact marine biodiversity, fisheries production, migratory bird populations, and coastal geological hazards. This on top of [fisherfolk] being physically barred from fishing by SMC personnel,” saad ng grupo.
Maging ang mangingisda tulad nina Wendel at Teody ay tinututulan ang pagbabawal sa mangingisdang pumunta sa mga lugar nabili ng SMC dahil hindi lang ang kabuhayan nila ang nakokompromiso, kundi pati rin ang kanilang kaligtasan at kalayaang mangisda.
“Ang gusto lang naman namin, maging legal ang paghahanapbuhay namin kasi nakakatakot pumasok doon sa mga area na bawal dahil hinuhuli nila (SMC) at kinukumpiska ang mga lambat,” ani Teody. “Kung kukumpiskahin pa nila ang mga gamit namin, ano pa ang magiging hanapbuhay namin?” ●