Nilangkap ko sa aking kwarto
ang mga pangakong pinitas
sa bibig ng mga trapo—ipinaskil
sa dingding, nilandas ng pananalig.
Lango akong tanaw iyong ipinanatang
ruta ng pagbabago sa telebisyon
habang namimintana
sa siwang ng kurtina ang mantsa
ng pananamantala ng estado.
Doon, pansamantala akong nalinga
bunsod ng sulasok sa simoy at
singaw
na labas-masok
sa ulirat. Naulinigan ang ulat ukol
sa pagnguso ng armalayt sa mga pangkat ng katutubo;
sa pagkupot ng posas sa mga organisador ng unyon;
sa paglagos ng punglo sa mga magbubukid ng nayon.
Hindi pamilyar sa akin ang tereno
ng digma sa labas ng aking silid.
Makitid ang langit sa kahong
humigit-kumulang dalawang taon nang
kinaangkupan ng sarili.
Ang kilala ko lamang ay ang pumpon
ng bulaklak sa bibig ng iilang personalidad.
Ngunit hanggang kailan pa kaya
iaantala
ang pagpupunit ng pader sa piitang
likha ng kanilang kawalang-
isang salita?