Lumang kwento na ang pagnanais ng tao na abutin ang langit. Kahit pa suntok sa buwan, marami nang nagbakasakaling sungkitin ang bituin sa pagnanasang makamit ang pangarap na kalinawan. Kaya naman nang lumapag sa lupa si Hesus, siyang maningning na tala sa umaga, muling nabaling ang pansin ng marami sa bakas na iniwan niya sa daigdig.
Ilang daantaon ang sumunod, patuloy pa ring iminamapa ng mga eksperto ang mga tanda ng simulain ng mundo. Interesado sa pagsisiyasat sa kasaysayan at umiiral na kaugalian, biyolohiya, kultura, lipunan, at wika ng tao, piniling pumasok ni Mae Anne, 21, sa kursong BA Anthropology sa UP Diliman. At sa nalalabing panahon niya sa kolehiyo, tanging hiling niya ang lumaya sa sikip ng mga dingding ng pandemya’t bigat ng mga pasanin ng pag-aaral.
Bagaman mula sa academic track na STEM, isa sa mga pangarap ni Mae Anne sa kolehiyo ang makapag-ambag sa intelektwal na tradisyon at produksyon ng panlipunang agham ng kanyang departamento. Lamang, makailang ulit na siyang dinatnan ng panghihinayang dala ng kakulangan ng kongkretong tugon ng mga namamahalang institusyon sa krisis ng pagkatuto ng kabataan. Kaya sa pagdaong ng Paskong kumukumot na naman sa kalibutan ang kay kakapal na kaulapan, sabay rin siyang natatabunan ng samut-saring tungkulin sa unibersidad.
Dati, pagtapak ng Disyembre’y naghahanda na si Mae Anne na subaybayan ang higa-higanteng parolang ipinaparada sa pamantasan. Ngayon, nakasilip na lamang siya sa siwang ng kanyang bintana; tangan ang dasal na makabalik sa pisikal na klase habang nag-aabang ng bulalakaw sa pagsasara ng taon.
Dahil sa banta ng pandemyang COVID-19 sa bansa, ang kadalasan sanang tatlong buwang immersion ng mga estudyante ay nauwi na lamang ngayon sa mga interbyu online. Malaking kabawasan ito sa disiplina ng antropologo dahil esensyal ang aktwal na pakikisama sa mga pamayanan. Sa kaso ni Mae Anne, tuluyan nang iniatras ang field work ng kanilang grupo sa katutubong pangkat ng Teduray sa Mindanao.
Sa kabila nito, patong-patong pa rin ang gastusin ng kanilang pananaliksik lalo’t hindi naman pinopondohan ng departmento o unibersidad ang field school ng mga mag-aaral. Ang communication expenses, halimbawa, ay nanggagaling pa mismo sa bulsa ng mga estudyante. Sila ang nag-iipon upang mapa-load-an ang mga miyembro ng komunidad na kanilang kinakapanayam. Kadalasan tuloy silang walang maibigay na pinansyal na pasasalamat, nahihiyang saad ni Mae Anne, sapagkat kaagad ring nasasagad ang inipon nilang pondo para rito.
Subalit hindi rito nagtatapos ang kalbaryo ni Mae Anne. Tulad ng kalakhang mga estudyante, gugugulin niya ang mga nalalabing araw ng taon hindi sa paglalagay ng bituin sa tuktok ng Christmas tree, kundi sa pagtutok sa iskrin ng selpon o laptop upang igaod ang semestre kahit bakasyon. “Yung break kasi sa unibersidad parang band-aid solution,” aniya bago bumuntong-hininga. “Di mo naman masisi entirely ang mga propesor dahil mayroon din silang sinusunod na mga deadline.”
Patunay lamang ang samut-saring hinanaing ni Mae Anne sa problematikong estado ng edukasyon. Tulak ng malalabong polisiya’t pahayag ng pamantasan, nasasagka ang panawagan ng mga estudyante ukol sa lehitimong ebalwasyon ng administrasyon sa sitwasyon ng bawat kolehiyo.
Kaya kung mayroon mang karagdagang nais si Mae Anne ngayong Pasko, iyon ang payak na pahinga sa lahat ng gawain sa paaralan. Ngunit lampas sa pawang hiling sa mga bituin, karapatan iyong nararapat igiit ng bawat estudyante—lalo’t wala naman sa kinang ng mga tala ang katugunan sa pangangailangan ng mga mag-aaral. ●