Tuwing paparating na ang Pasko, marami sa atin ang nag-aabang na ng mga regalo–mas personalized at mas pinagkagastusan at di pangkaraniwan, mas espesyal. Kaya naman minsan, tila nagiging tampulan pa ng tuksuhan ang mga nakakakuha ng pamaskong tipikal, tulad ng grocery package, notebook, lapis, ballpen, at iba pang gamit pang-eskwela. Ngunit para kay Katkat, isang Lumad, malalaking bagay na ang mga ito.
Hindi mamahaling mga alahas o damit ang nais matanggap ni Katkat, bagkus sako-sakong bigas para sa kanilang komunidad dahil kadalasan wala na raw silang makain. Kahit pa sabihing nakatira sila malapit sa malawak na kalupaan, hindi naman sila makapagsaka rito dahil hinaharangan at binabantayan ito ng mga militar. Kadalasan pa silang pinagbibintangang mga rebelde at saka hina-harass. Marami ring paaralan sa komunidad nina Katkat ang ipinasara dahil naniniwala ang pamahalaan na ang mga institusyong ito ang nagtuturo sa mga katutubong lumaban, mag-rebelde.
Dahil si Katkat lang ang nagkaroon ng oportunidad na makatuntong sa kolehiyo, isa na siya sa mga nagtuturo sa kanilang komunidad gamit ang kanyang mga natututuhan sa unibersidad. Bilang tumatayong guro, gusto rin sanang makatanggap ni Katkat ng mga papel, lapis, bolpen, krayola, notebook, na maaaring makatulong sa mag-aaral ng kanilang komunidad. Sa gitna ng pakikipaglaban ng mga Lumad para sa lupang ninuno, maigting ang pagpapahalaga nila sa edukasyon, dahil naniniwala silang sa pag-aaral at pagtuturo nagsisimula ang kamalayan ng mamamayan sa reyalidad ng lipunan.
Pinagsusumikapang matugunan ni Katkat, kasama ng kanilang mga guro sa komunidad, ang mga pangunahing pangangailangan sa edukasyon ng kanilang pangkat. Sa pag-aaral ng Ingles at Filipino, naniniwala silang mas madaling maiintindihan ang mga legal na dokumentong ihahain ng pamahalaan o ng mga pribadong sektor. Dagdag dito ang pag-aaral ng Siyensiya na makatutulong sa paglinang nila ng kanilang lupain at mga pananim.
Ngunit ang mga hiling ni Katkat para sa kanyang komunidad ay hindi lamang nila basta hinahangad. Gumugugol sila ng oras at lakas upang makamtan ang mga ito. Una nilang sinisiguro na ligtas at hindi maaagaw ang kanilang mga lupang ninuno, kasunod ang tamang pangangalaga sa kanilang lupain upang mapakinabangan ng mga susunod pang salinlahi. Higit sa sako-sakong bigas at gamit pampaaralan ang talagang nais ni Katkat: ito ay na sa dulo ng kanilang pagpupunyagi, sisikat ang araw na sila’y malaya na mula sa gutom at karahasan. ●