Ni LEE JACOB FABONAN
Pumapatak ang huling mga sandali ng taong 2009. Paunti-unti ngunit walang patid ang pag-ungos ng mga kwitis sa kalangitan. Ganito ang eksena sa kalunsuran tuwing sinasalubong ang bagong taon—sinasabuyan ng ilaw at kulay ng paputok ang hatinggabi. Tila di na ito mawawala sa kulturang Pilipino. Ayon sa mga Tsino na unang nakagawa ng pulbura para sa paputok, swerte ito sa pagtaboy ng mga masasamang espiritu at kamalasan upang di makapasok sa bagong taon.
Patok na mga Paputok
Sa pagpasok ng Disyembre, mas nagiging abala ang komersyo ng Santa Maria sa probinsya ng Bulacan. Dito ginagawa ang mga paputok tulad ng kwitis, five-star, fountain, at lusis, na ibinebenta sa iba pang bayan sa Bulacan at maging sa labas ng probinsya.
Mahigit 70 taon na ang industriya ng paputok sa bayan ng Santa Maria. Taong 1938 nang magbukas dito ang Santa Ana Fireworks, isa sa mga unang pagawaan ng paputok sa Pilipinas. Nang magsara ang pabrika matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig, tila kabuteng nagsulputan ang ibang mga pagawaan sa mga karatig bayan tulad ng Norzagaray, San Rafael, San lldefonso, Angat, Bocaue, at Baliuag.
Kung hindi yero, tolda ang nagsisilbing bubong ng mga maliliit na pagawaan. Itinayo gamit ang mga posteng kawayan, walang mga pader at lupa lamang ang sahig ng mga ito. Bukod dito, mayroon ding mga bahay-gawaan–tipikal na bahay ang itsura ngunit puro manggagawa, sangkap at materyales sa paggawa ng paputok ang makikita sa loob.
Sa mga pagawaan, nakahilera ang mga lamesa at upuan para sa mga manggagawa. Kung hindi kwitis, five- star ang karaniwang ginagawa sapagkat ito ang pinakamabenta. Maliban sa mga menor-de-edad, maaaring magtrabaho ang sinumang nangangailangan ng kita. Gayunman, laging may naka-ambang panganib sa araw-araw na hanapbuhay ng mga gumagawa ng paputok.
Sapagkat walang pader ang mga pagawaan, bukas ang mga maseselang materyales nito sa hangin, ulan, at init ng araw. Malaking sakuna ang maidudulot ng padaskol na pagpitik ng upos ng sigarilyo sa pagawaan. Maaari ring matangay ng hangin ang pulbura at masinghot ng mga tao sa paligid. Sa kabila ng mga ito, tila hindi alintana ng mga manggagawa ang mga posibleng sakunang dulot ng kanilang hanapbuhay.
Nailalagay din sa panganib ang mga kapit-bahay ng mga pagawaan. Subalit, dahil matagal nang naitatag ang katanyagan ng Bulacan sa paggawa ng paputok at marami sa mga taga rito ang umaasa sa trabahong naibibigay ng industriya, kinasanayan na lang nila ang ganitong kalakaran.
Eksenang Five-star
Karaniwang paputok na five-star ang ginagawa sa Santa Maria sapagkat ito umano ang pinakamabenta. Sa Malabon kinukuha ang mga sangkap sa pulbura na inaangkat mula sa ibang bansa gaya ng Inglatera at Tsina. Isa na rito ang colorato, na gamit din sa paggawa ng dinamita. Kabilang din ang devil o pinulbos na uling at sulfur na ipinagsasama upang magkaroon ng malakas na pagputok at usok ang five-star. Aluminum powder naman ang inihahalo upang magbuklod ang mga sangkap ng paputok.
Handa na ang pulbura. Nakahanda na sa mga lamesa ng mga manggagawa ang iba pang materyales. Kabilang dito ang tupi na tila matigas at makapal na manila paper na pinaglalagyan ng pulbura. Nakabukod ang mga manggagawang nag-aasikaso nito. Sa bawat 100-piraso ng tupi na magagawa, piso ang bayad. Kapag nilagyan na ng pulbura at mitsa ang tupi, isasarado naman ang lahat ng awang nito gamit ang pandikit.
Tila makina ang bilis ng kamay ng mga nagmamadaling manggagawa. Sampung piso ang bayad sa 1000 pirasong five-star na matatapos. Wala silang suot na uniporme maliban sa pulburang nakabalot sa kanilang kamay at damit. Nagmamadali rin ang mga may-ari ng pagawaan sa pakikipag-agawan sa ibang pabrika para sa mga maminili. Hinahabol din nila ang mga araw dahil mataas na buwis ang kailangan bayaran para sa patuloy na pagtakbo ng kanilang pagawaan.
Mataas na buwis din ang dahilan kung bakit maraming ilegal na pagawaan ang hindi nagbabayad nito. Bagaman patung-patong ang pangamba sa paggawa ng paputok, ito na ang hanapbuhay na kinamulatan ng mga taga-rito na tiyak na pwedeng pagkakitaan.
Halaga ng Panganib
Isa si Aling Beth* sa mga stay-in na gumagawa ng paputok sa isang pagawaan. Mahigit isang dekada na rin siya sa trabahong ito, at nakailang lipat na rin siya ng pagawaan. Minsan nang naaksidente sa trabaho si Aling Beth, kung saan sumabog ang mga nagawa na nilang paputok. Nagtamo siya at iba pa niyang mga kasamahan ng mga sugat mula sa pagkasunog sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sa kabila ng aksidente, hindi na nakaalis si Aling Beth at ang kanyang asawa sa trabahong ito. Kahit peligroso, napagtapos nila ng kolehiyo ang apat na anak. Ngunit, ani Aling Beth, kahit sa ligal na pagawaan ng paputok siya namamasukan, hindi siya magdadalawang isip na lumipat kung mabibigyan ng ibang mas ligtas na pagkakakitaan.
Tuwing bagong taon, pinakikinggan na lamang ni Aling Beth ang pagpapaputok ng kapitbahay. Bawas pa kasi sa kita niya kung magpapaputok din siya.
Ilang linggo makalipas ang unang araw ng 2010, muling mag-uumpisa ang paggawa ng paputok sa Santa Maria. Muling babalik ang presyuhan ng paputok sa normal at magsisimula nang mag-imbak ng paputok ang mga malalaking negosyante para sa susunod na bagong taon. Sa panahong ito, ipinagdarasal na lamang ni Aling Beth na maging ligtas siya sa muling pagbalik sa pagawaan.
Habang nananatili ang pagkahumaling ng marami sa mga naglalarong ilaw at dumagundong na pagsabog ng mga paputok, magpapatuloy din ang nagmamadaling mga buhay sa loob ng mga pagawaan dito sa Santa Maria. ●
*Hindi tunay na pangalan. Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong Enero 14, 2010.