Ni MARY JOY CAPISTRANO
Hinihikayat ang mga Kristiyano na lumapit sa Nazareno sa paniniwalang bibigyang katuparan ng diumano'y naghihimalang imahen ang kanilang kahilingan—lunas sa karamdaman, pag-ahon sa kahirapan, pag-ibig, anak, kapatawaran sa mga kasalanan, at marami pang iba. Kaya naman kung sa iba'y sapat na ang masilayan ang imahen, marami pa rin ang buwis-buhay na nakikipaggitgitan para makalapit sa imahen, laluna kung Pista ng Nazareno.
Isa si Cristina sa mga deboto, isang sales lady sa tindahan ng mga cellphone sa Quiapo. Bitbit ang maliit na replika ng Nazareno, sumisigaw siya ng “Viva Señor” at tinatanaw ang imahen habang iwinawagayway ang isang maliit na tuwalya—tila sumasabay sa umaalong agos ng prusisyon. Ikalawang taon pa lamang ni Cristina at ng kanyang asawa sa pagiging deboto. Hindi na siya nakikipagsapalarang pang lumapit sa Itim na Nazareno dahil sa komplikasyon sa kanyang kalusugan.
"Hinahayaan ko na lang [ang asawa ko] na lumapit sa Nazareno. Maiintindihan naman ako ng Poong Nazareno at bibigyang katuparan ang pangarap naming mag-asawa na magkaroon ng anak," ani Cristina.
Samantala, sa edad naman na 42, dalaga pa rin si Aling Tina na inialay na umano ang kanyang sarili sa Diyos tulad ng pag-aalay ni Hesukristo ng kanyang buhay upang tubusin ang kasalanan ng mga tao.
“Isang malaking karangalan para sa akin ang makarating dito taon-taon dahil malaki ang pasasalamat ko sa Poong Nazareno lalo na’t ligtas ang mga kapatid ko sa Tacloban,” ani Aling Tina, isang dekada nang deboto ng Itim na Nazareno.
Traslacion
Tuwing ika-siyam ng Enero ipinagdiriwang ang Pista ng Nazareno. Taon-taon itong dinudumog ng mga debotong tulad nina Aling Tina at Cristina. Mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo, inililipat ang rebulto sa pamamagitan ng isang prusisyong tinatawag na traslacion.
Pinaniniwalaang nagmula ang imahen ng Nuestro Padre Jesus Nazareno sa isang nasunog na barko galing sa Mexico noong 1606. Ayon sa mga kuwento, himala itong nakaligtas subalit nagbago ang kulay nito kaya’t mula noo’y binansagang "Itim na Nazareno."
Simbolo ang Nazareno ng pagpapakasakit ni Hesukristo sa krus at ginugunita ito sa pamamagitan ng mga ritwal na isinasagawa ng mga debotong tulad ni Cristina—pagyayapak habang nagpuprisisyon at paghalik o pagpunas sa Nazareno at sa pasan nitong Krus.
Pamana ng kolonyalismong Kastila ang mga tradisyong gaya nito. Bago dumating ang mga mananakop na Espanyol sa Pilipinas, laganap ang pagsamba ng mga Pilipino sa mga anito, sa mga ispiritung naninirahan sa kalikasan. Politeistiko rin ang mga sinaunang relihiyon sa bansa–ang paniniwala sa marami at iba't ibang uri ng diyos at diyosa.
Taliwas ang politeismong ito sa monoteistikong Romano Katolisismo na kinakasangkapan ng mga Kastila sa pananakop. Upang mabaka ito, ipinangtapat ng mga kolonisador sa samu't saring diyos at diyosa ang kanilang Triumvirate (tatlong persona sa iisang Diyos), ang napakaraming mga santo, at ang iba't ibang imahen ng Birheng Maria at ni Hesukristo.
Sa sanaysay ng kritikong si Resil Mojares na "Stalking the Virgin," ipinakita niya kung paanong nilinlang ng mga fraile ang mga indio upang magpasaklaw sa Katolisismo at kolonyalismo. Diumano'y milagrosong sumulpot ang mga relihiyosong imahen tulad ng kay Birheng Maria sa mga lugar-panambahan ng mga indio, ngunit sa aktwal ay inilagak ng mga Kastila ang mga imaheng ito. Ang mga santo'y nagmistulang mga anitong milagroso. At gaya ng ibang relihiyosong imahen, ang itim na Nazareno ay nagmistulang mapaghimalang Kristo sa anyo ng isang rebulto.
Reduccion
Ang ganitong kultura ng kolonyal na manipulasyon ay bahagi ng geopolitikal na sistemang tinaguriang reduccion o sistemang pueblo. Ayon kay Robert Reed sa Colonial Manila, nagpatupad ang mga Kastila ng sistemang reducción na nagtatakda sa mga simbahan bilang sentro ng kolonyal na urbanisasyon. Ang lahat ay hinimok na dumugin ang mga cabecera, at manirahan sa kung saan dinig ang tunog ng kampana.
Kung gayon, ang debosyon sa Nazareno at ang paglalakbay tungo sa sentro ng reduccion—ang simbahan—ay bunga ng kolonyal na manipulasyon sa pag-iisip at pagkilos ng mga Pilipino. Mula sa traslacion at prusisyon hanggang sa mga nobena at pamamanata, ang reducción ay hindi lamang natali sa heograpiya at espasyo ng lugar kundi sumaklaw rin sa katawan at kamalayan ng mga Pilipino.
May tatlong siglo ang ganitong sistema upang maisakatuparan ang plano ng mga Kastila para sa mga Pilipino—pasunurin sa utos ng Kristiyanismo, ipatanggap ang kolonyal at pyudal na sistema ng pulitika at ekonomiya, at baguhin ang katutubong kultura ayon sa pamumuhay ng mga dayuhang mananakop.
Batay sa reduccion sa katawan at kamalayan ng mga Pilipino, nagsisilbing inspirasyon para sa mga Kristiyanong Pilipino ang ginawang sakripisyo ng Nazareno. Kung kaya naman handa nila itong suklian sa paniniwalang maliligtas sila o bibigyang katuparan ang kanilang mga kahilingan.
Sa dami ng suliraning kinakaharap ng mga Pilipino hindi maiiwasan ang pagkapit nila sa diumano'y mga naghihimalang imahe.
Debosyon
Nagpapatuloy sa kasalukuyan ang pangunahing gamit ng Nazareno—instrumento ng mga nasa poder ng pampolitika, pang-ekonomiya at pangkulturang kapangyarihan.
Batay sa paliwanag ni Karl Marx, ginagamit ng mga naghaharing uri ang relihiyon upang itatag, panatilihin at patatagin ang sistemang pang-ekonomiyang pabor sa naghaharing iilan. Isinama ni Louis Althusser ang relihiyon sa tinatawag na Ideological State Apparatus (ISA) o kasangkapan ng naghaharing estado at uri upang kontrolin ang kamalayan ng mamamayan. Kasama ang iba pang superistruktura tulad ng mga institusyon ng reaksyonaryong paaralan at midya, kinakasangkapan ang relihiyon para sa pampolitika, pang-ekonomiya at pangkulturang kontrol ng lokal at dayuhang naghaharing uri.
Halimbawa, ang Pista ng Nazareno ay hindi lamang isang relihiyosong okasyon. Ito'y tiyak na pagkakataon para sa kita, ganansiya at politikal na panlilinlang. Pang-ekonomiyang kita at ganansiya ito para sa mga estabisimiyento, laluna para sa malalaking negosyante at mamumuhunan sa Quiapo.
Panlilinlang naman ito para sa mga tulad ni Pangulong Benigno S. Aquino III na kumasangkapan sa Nazareno at sa Diyos upang pagtakpan ang kaniyang mga kakulangan, kabilang na ang kawalan ng kahandaan at kawalan ng hustisya para sa mga biktima ng mga sakunang tulad ng Yolanda.
“Our unbreakable spirit and ability to recover find root in our firm belief in a benevolent God who has the perfect plan for all of us. These tragedies tell us that, despite all our efforts, we are indeed powerless without God,” pahayag ni Pangulong Benigno Aquino III.
Tulad ng isang pangkaraniwang araw sa Quiapo ang Pista ng Nazareno—naidagdag lamang ang midya, pulitiko, manininda at mga pulis. Sa Pista ng Nazareno, hindi lamang ang naghihimalang imahe ang ipinagdiriwang, kundi maging ang jackpot na araw ng mga negosyante at naghaharing politiko. Sa abalang siyudad ng Quiapo, laluna sa Pista ng Nazareno, mahihinuha na hindi naman ang Diyos ang nagbuklod sa mga mamamayan kundi ang kahirapang nararanasan ng kalakhan ng mamamayang Pilipino.
Sa halip na lumayo sa ugat ng problema, dapat tingnan ang Pista ng Nazareno na salamin ng lumalalang kalagayan ng lipunan at ang pagbuwag sa ganitong uri ng sistema ang naiwang solusyon para sa mga Pilipino. ●
Unang nailathala sa Kulê noong Enero 21, 2013 na may pamagat na “Panata’t Paglaya: Kasaysayan at Pulitika ng Himala ng Nazareno.” Nagsilbi bilang punong patnugot ng Kulê si Mary Joy Capistrano noong 2014 hanggang 2016.