Muling humahakbang pasulong ang matagal nang atrasadong kultura.
Binigyan ng bagong bihis ng Kamara ang ilang taong pagdidiin ng pamahalaan na ibalik ang mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) sa panukalang Citizen Service Training Course (CSTC). Sa ilalim nito, obligado ang mga estudyante mula senior high school hanggang kolehiyo na lumahok sa pag-eensayong militar.
Para sa mga tagapagsulong ng mandatory ROTC tulad ni Senador Bato Dela Rosa, hangarin ng panukalang ito na ikintal umano ang diwa ng nasyonalismo at disiplina sa mga kabataan. Subalit sa aktwal, ang ituturo nito ay huwad na mukha ng nasyonalismong idinidikta ng baril—nakaugat sa karahasan, korapsyon, at kultura ng kawalang-pananagutan.
May bahid ng dugo ang kasaysayan ng ROTC. Matatandaang namatay sa kamay ng mas nakatataas na kadete si Mark Welson Chua, 19 na taong gulang, matapos niyang isiwalat ang korapsyong nangyayari sa kinabibilangang ROTC Unit sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 2001. Maraming estudyante na rin ang naging biktima ng hazing, na kadalasang humahantong sa kamatayan. Nitong nakaraang taon lang ay pinaslang ang 23 taong gulang na si Willie Amihoy ng kasamahan niya sa ROTC sa Iloilo State College of Fisheries bunsod ng simpleng pag-aaway. Higit pa rito ay laganap din ang mental at berbal na abuso sa ngalan ng pagtuturo ng disiplina.
Patuloy na nadadagdagan ang tala ng karahasan kakabit ng pagpapatupad ng ROTC sa paaralan dahil dito mismo nabubuhay ang ROTC: sa militaristang kultura ng pang-aabuso.
Buhat ng marahas na kasaysayang ito, nilikha noong 2001 ang mga alternatibong kurso na Civil Welfare Training Service at Literacy Training Service na parehong nakatuon sa pagseserbisyo sa komunidad. Simula noong napakilala ang mga programang ito sa kolehiyo, bumagsak ang bilang ng mga kabataang nais lumahok sa ROTC—mula 800,000 kada taon, bumaba ito sa 112,000 noong hindi na ito sapilitan—bagay na kinakatwiran ni Senador Dela Rosa na sapat na rason para buhayin ang mandatory ROTC.
Subalit sinasalamin ng datos na ito ang pagtutol ng mga kabataan sa kulturang tinataguyod ng ROTC. Sapagkat sa harap ng pag-aresto, intimidasyon, at pag-akusa sa mga progresibong kabataan bilang kaaway ng estado, wala nang batayan ang pagpapanumbalik ng mandatory ROTC bukod sa maging kasangkapan ng estado para manghimasok at magmanman sa malaya at pulitikal na pagkilos ng mga kabataan.
Lantad ito sa balak na unang ilunsad ang mandatory ROTC sa UP gayong tinuturing ng militar ang pamantasan bilang “breeding ground” ng mga diumano’y komunista, at aktibong isinusulong ng pamahalaan ang kontra-insurhensyang kampanya nito. Sa pamamagitan ng CSTC mapagtitibay ng militar ang presensya nito sa mga unibersidad salungat sa pagiging “zones of peace” ng mga paaralan.
Taliwas din ang kulturang militar sa progresibo at kritikal na pag-iisip na pundasyon ng kalayaang pang-akademiko sapagkat taal sa ROTC ang machismo, seksismo, at bulag na pagsunod sa nakatataas. Inaalingawngaw ng ROTC ang karakter ng gobyernong nagtutulak dito: sinusuportahan ang patayan, binabantaang babarilin sa ari ang mga babaeng rebelde, at sunud-sunuran sa interes ng US at Tsina.
Habang hungkag ang patriotismong pinamamalas ng pamahalaan, masikhay namang inilalaban ng kabataan ang libreng edukasyon para sa lahat, tinututulan ang militarisasyon sa kanayunan, at tumitindig kasama ng mga biktima ng iba’t ibang digmang inilulunsad ng gobyerno laban sa sa mamamayan.
Sapagkat wala sa bulag na pagmartsa at pagtutok ng baril ang tunay na diwa ng nasyonalismo, kundi nasa paglansag ng atrasadong sistemang puspos sa karahasan, nasa makabuluhang pakikisangkot sa pagsulong ng interes ng sambayanan. ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong Marso 10, 2020 na may pamagat na “Paurong, Kad!”