Ni CRISTINA GODINEZ
Akala natin tapos na ang mabagsik an pagbibinyag ng water cannon. Akala natin hindi iihip ang masansang na simoy ng tirgas. Akala natin hindi na dadanak ang dugo sa Mendiola.
Ngunit sa pagkakataong ito, maraming namatay sa akala.
Mahigit na sampung libong magsasaka’t mambubukid ang nagmartsa papuntang Malacanang matapos idaos ang Kampo ng Bayan ng nakaraang walong araw, upang ipadama sa pamahalaan ang kagyat na pangangailangan sa repormang agraryo at pagpapahinto sa matinding militarisasyon sa kanayunan. Ngunit sa halip na pagbigyan ang mga taong ito na humihingi lamang ng diyalogo sa Pangulo, sinalubong agad sila ng walang humpay na putukan mula sa hanay ng mga marinas. Labingwalo na ang patay at wala pa ring nakatitiyak kung ilan pa ang naghihingalo sa mga ospital at sa kamay ng military.
Kapag ganitong nagkagulo, matapos ang engkuwentro’y tatampok ang pagtuturuan at bintangan. Subalit humuhupa ito, at kapag ganito’y iniiwan na lamang natin ang pangyayari bilang isang babasahin sa diyaryo. Ayaw na nating makialam. Hindi namantalaga malalaman kung sino ang nanguna. Ito ang tamang uri ng pag-iisip na magbibigay-daan sa muling paggamit ng dahas.
Sinuspinde ang pinuno ng Capcom. Nagbuo ng investigating body. Ngunit pinatunayan na ng kasaysayan kung ano’ng antas ng katarungan ang maaabot natin sa ilalim ng pamahalaang Aquino. Hindi natin maiwawaglit sa ating mga isipang masaker sa Escalante at Taft Avenue, at ang marahas na pagpaslang kay Rolando Olalia. Hindi natin makakalumutan na ang mga loyalistang nagkudeta sa Manila Hotel ay hinatulan lamang ng 30 push-ups, na ang ilang opisyal na sangkot sa isa pang tangkang kudeta noong Nobyembre ay pinalusot nang ganoon na lamang.
Sa gitna ng pagsasalimbayan ng akusasyon at pagsasawalang-bahala, si Cory Aquino ay maiipit sa dalawang realidad. Una, siya ay may pananagutan sa sambayanan kaugnay ng mga kilos ng Sandatahang Lakas, kahit pa sabihing ang ginawang pamumuksa sa mga magsasaka sa Mendiola ay pakana ng iilang sundalo lang. Kung wala mang kinalaman si Aquino sa masaker na ito, pinatitingkad lamang ang katotohanang hindi niya gaanong kontrolado, kung hindi man tahasang wala siyang kontrol sa military. Mas mapanganib ang implikasyon nito sa katatagan ng pamahalaan. Ang Sandatahang Lakas lamang ang tanging institusyon sa lipunan na may lisensya sa karahasan. Kung ito’y kikilos na walang kinalaman ang pinuno, sino ang mananagot sa pang-aabuso nito?
Pangalawa, ang kampanya para sa pagtibay ng saligang batas ay uurong. Malaking bahagi ng populasyon ang kinabibilangan ng mga magsasaka, at ito’y isang organisadong pwersa sa larangangan ng kilusang pampulitika. Ang batas hinggil sa makataong Karapatan ang pinaka-mapangakit na probisyong bumibigkis sa maselang koalisyon, kasama ang mga kaalyadong sektor ng mga magsasaka na bumabandera ng “critical yes.” Ang masaker sa Mendiola ang kauna-unahang bital sa demokratikong pangako ng saligang batas at ng liberal na pamahalaang Aquino. Kung kaya’t hindi kataka-taka na bunga ng mga pangyayari, nalalagas na ang koalisyon para sa “critical yes.“
Ang masaker sa Mendiola ay hindi isang sanhi ng destabilisastin, bagkus pinapahayag lamang nito ang lantad na katotohanan—na ang pamahalaang Aquino ay bumubuway na.
May mas mataas na antas na pakikibaka kaysa welgang magbubukid. Alam nating lahat na ang sumisidhing armadong himagsikan ay ginagatungan ng pagsasawalang-bahala sa tunay na reporm sa lupa. Ang pagpupursige ni Aquino na bumangon mula sa guhong iniwan ni Marcos ay mawawalan ng saysay kung isasantabi lamang ang hinaing ng mga magsasaka. Kahit na ilang National Ceasefire Committee pa ang itayo kung mananatiling gutom ang mga tao, hindi titigil ang putukan.
Hindi magandang tanawin ang Mendiola matapos ang masaker noong hapon na iyon. Maraming naiwan—mga tsinelas, bag, bangkay, at ang tiwala sa bagong pamahalaan. Naiwang tahimik ang Mendiola.
Tumahimik ang mga magsasaka. Ngunit akala lang nila iyon. ●
Unang nailathala sa Kulê noong Enero 26, 1987.