Ni MARIA DULSE CECILIA BIAZON AMBA
Maaaring sa field trip mo noong isang araw sa loob ng Camp Crame—habang sinamantala mong walang nangyayaring coup, rebolusyon o ano pa mang klaseng excitement, ay nabundol ka sa malaking puting bato na buong pagmamayabang na nakapaskil ang kagitingang nangyari sa EDSA noong Pebrero, halos dalawang taon na ang nakakaraan.
Heavy ba para sa’yo? Ngunit kung isa ka sa mga libu-libong Pilipinong nagsuot ng dilaw at nangharang ng mga tangke sa harap ng dalawang kampo sa EDSA noon, pihadong feel na feel mo ang nasa puting bato. Ngunit paano naman si Mang Tomas na nagtinda ng ice cream at si Aling Selyang nangbar-b-que noong tatlong araw ng rebolusyon, feel din kaya nila?
Ang penomenal na nangyari sa EDSA ay paulit-ulit nating inaalala sapagkat kalakip nito ang isang gunitang high na high tayo sa ating nasyonalismo at halos buong baya’y nagkaisa sa isang adhikaing mapatalsik ang diktador. Huwag kang mag-alala. Hindi natin pagtatangkang ukilkilin muli ang nakababagot nang paksang bakit at paano nangyari ang nangyari sa EDSA o kung ano ba talaga ang papel nila Enrili at Gringo sa happening na ‘yon.
Ating bibigyang pansin naman ang mga manang at manong na magdamagan ding naghalo ng samalamig at nag-ihaw at naglaga ng mais. Ano ba ang say nila sa tatlong araw na ‘yon? Sa pagitan ba ng pagpaypay ng baga ng adidas at bituka at pamamahinga at sa mga paos na pikot ng “sweet corn, mani, popcorn!” ay naisip nila na para sa kanila rin ang nangyaring iyon at hindi lamang para sa mga mestiso’t mestisang nagdagsaan sakay ng kanilang magagarang kotse’t suot ang kanilang yellow Lacoste sneaker at T-shirts?
Na kaisa sila sa adhikaing iyon at sila dapat ang higit na makikinabang? At ngayong wala na ang Apo at ang Ale na ang nakaupo sa trono, sa palagay ba nila ay sulit ang pakikipagmagdamagan nila sa EDSA?
Pakinggan natin, halimbawa, ang kuwento ni Mang Tomas na tubong Bisayas at apat na taon nang ice cream vendor sa harap ng Kampo Krame. Naroon siya buong araw tatlong araw nang mangyari ang penomena ng people power. “Di ko man alam ang pinagsasabi nila noon. Basta ayaw nila kaya Marcos. Ako okey lang, basta nagtitinda ako du’n noon pa maski may rebolusyon man o wala. Kumita ako nu’n. Lahat nga ng mga kaibigan ko, pumunta sila rito at nagtinda. Pareho rin naman ang nangyari, magulo pa rin ngayon.”
Pinutol na ni Mang Tomas ang aming kuwentuhan sapagkat hirap daw siyang umuntindi ng Tagalog. Ang aming pag-uusap ay nalimita na lamang sa paminsan-minsang pagtango at pag-iling ni Mang Tomas—iling kung ang buhay niya’y lumuwag-luwag na ngayon at tango kung walang pagbabagong nangyari pagkatapos ng EDSA.
Katulad ni Mang Tomas, si Aling Cecilia ay isa sa mga old timers sa pagtitinda sa kahabaan ng EDSA. “Hindi ako nakinig du’n sa anong sinisigaw-sigaw nila. Hindi ko naman naiintindihan. Basta bahala na lang sila.”
Totoo ba, at may nangyari ba sa pinagsisisigaw nila? “‘Yan ang hindi ko alam. Basta alam ko lalo na akong naghihirap ngayon. Katulad n’yan, lumiit ang tindahan ko. Dati may turon pa ako. Ngayon melon lang at kung anu-anong tinapay.”
Tunay na nakakabagabag ang mga sagot na nanggagaling sa katulad nina Mang Tomas at Aling Cecilia. Kung tutuusin ay dapat na mataas ang antas ng kamalayan ng mga maralitang taga-lunsod ukol sa mga isyung sila ang labis na naapektuhan lalo noong mga ipinaglaban natin sa EDSA. Sa kabilang dako, marahil ay hindi na kinakailangang ng isang analitikong pagsusuri at paguunawa sa mga problemang ito. Ang mahalaga ay tunay ang mga paghihirap nila at ito ay kinakailangang matugunan.
Ani Gng. Guerrero na nagtinda ng samalamig noong rebolusyon, “Hindi na ako nakiisa sa kanila (ang administrasyong Aquino). Wala akong alam sa mga ganun-ganon. Pero naki-rosary ako sa mga sisters noon. Sabi nga ng mister ko, ‘May makukuha ka ba do’n?’ Pero alam mo, ‘yung puhunan kong otso pesos ay lumago sa pagtinda ko ng palamig. Kaya siguro nga ay may nakuha rin ako—kumita ako. Ngayon, pareho pa rin. Hirap pa rin kami.”
Sinang-ayunan pa ito ni Josefina Galucia, isang Metro Aide na isang linggo nang natapos ang rebolusyon ay nagwawalis pa rin. “Dati panatang ang loob ko dahil alam kong may maaaring magtanggol sa akin, ngayon ay para bang lagi akong kinakabahan. At saka ganu’n pa rin ngayon. Hindi na yata giginhawa ang buhay ko. Hindi naman ako galit kay Cory. Basta sino na lang ang nakaupo doon na lang ako. At isa pa nagtataka ako dahil ‘di ba dapat mas mabait na ngayon ang gobyerno pero bakit mas marami atang namamatay? Ewan, naguguluhan ako.’’
Para kay Aling Daisy, ito naman ang istorya niya: “Naku, grupo-grupo ang mga vendors sa EDSA. Basta kami, tinda lang kami. Pero natakot din kami. Buhay din namin ang nakasalalay. ‘Yung iba, kaya nilang magrebolusyon dahil may panahon sila. Sila pa nga ang nagbabayad sa mga empleyado nila. Eh, sa amin ang isang araw na nawawala ay malaki ang katumbas. Kaya maski rebolusyon ay sige pa rin ang kayod.”
Dahil malakas pala ang kinita ni Aling Ema sa EDSA noon ay madalas din siyang magbiro na sana ay araw-araw na lang ang rebolusyon. Heto naman ang sagot niya, “Naku, huwag naman. Kapayapaan lang naman ang habol namin. Nakakatakot ‘yang rebolusyon. Baka minsan ay mawala tayo sa aking sarili at makalimutan nating kapwa Pilipino tayo. Pero nakakatakot talaga ngayon dahil mas marami akong nababalitaang salvage.”
Sa lahat ng mga nagbida tungkol sa kanilang palagay sa rebolusyon noong Pebrero at kung ano ang nangyari pagkatapos nito, si Mang Jose lang ang may mabuting pananaw. “Hindi na masyado ang gulo ngayon kaya okey lang ang EDSA. Marahil ay pinag-aaralan pa nila ang mga dapat gawin. Pwede na rin si Cory—dalawang taon pa lang naman siya. Konting hintay pa.”
Matagal nang nawalis ni Aling Josefina, at sampu ng kanyang kasamahang Metro-Aide ang mga basura ng mga naglamay sa EDSA. Para sa kanya ay malinaw pa rin ang mga pangyayari noon. Ngunit ang kanyang pag-aalala ay patungkol lamang sa isang nagwalis at nagtinda sa gitna ng isang malaking party sa EDSA revolution. Maiisip mo tuloy na ang mga sosyal lamang na magdamagang nagkipagchikahan at nakipagharangan noon ang nag-enjoy at nakinabang. Sapagkat kaunti lamang sa ating mahihirap ang ganap na naniniwalang sila ay bahagi rin nito. Mahirap nga namang mag-isip ng mga katotohanang kalakip ng EDSA — lalo na kung abala kang magkanaw, mag-ihaw, maglaga at maglinis upang mabuhay at may makain kinabukasan.
Maaliwas na ngayon sa EDSA. Subalit ang higit pang mabaho sa maruming basura ng pamahalaan na nagtulak sa ating sumali at magpalakas sa “people power” ay nakakalat pa rin. ●
Unang nailathala sa Kulê noong Pebrero 23, 1988.