Bago pa man magsimula, nadiktahan na ang buong araw nila. Nakikipag-unahan sa pagsikat ng araw, babaybayin nila ang daan tungo sa malawak na sakahan. Mga nakayukong likod, suot ang manipis na tela ng long-sleeve, ang tanging panangga nila sa mahapding sinag ng araw. Pagkatapos ng buong maghapong pagtatanim, muli nilang babagtasin ang nakapapagod na daan pauwi. Ngunit ang mas nakahahapo: pag-iisip kung paano pagkakasyahin ang katiting na sahod para mairaos ang kumakalam na sikmura ng pamilya.
Sa Pilipinas, nadiktahan na ang halaga ng isang magsasaka. Kapalit ng di matatawarang kontribusyon sa produksyong agraryo ay baryang-halaga na kita at kagutuman. Marangal pero walang pag-asenso–sa ganitong larawan na nakintal sa lipunan ang trabaho ng isang magsasaka.
Ngunit may kultura ng pagsasakang malayo sa ganitong di makataong pagdidikta. Isang kolektibong gawain na mga manggagawang-bukid ang may pagpapasya sa pangangalaga at pagtatanim sa lupa, umusbong ang Bungkalan sa layunin na makalaya sa kagutuman at kahirapan ang sino mang pipiliin ang marangal na trabaho ng pagsasaka.
Buhaghag na Lupa
Bilang pag-angkop sa nagbabagong pangangailangan ng lipunan, kailangan na rin umano ng pagbabago sa paggamit at pagtingin sa lupa. Ang solusyon: reclamation o land conversion upang makasabay sa globalisasyon. Ngunit, walang bisa ang dekadang solusyong ito na pinipili ng estado.
Habang nanatiling bagsak ang kalidad ng buhay sa kanayunan, kumikitid na rin mga oportunidad na maibibigay ng siyudad na puntahan ng maraming taga-probinsya. Ang katotohanan, walang pagsusubali ang mga reklamasyon sa mga magsasaka at mahabang kasaysayan ng mga lupang kanilang kinatitirikan.
Sa banta ng sapilitang pagpapaalis, intimidasyon, at pandarahas, itinatag nila ang kulturang Bungkalan. Sa mga lupang nanganganib mapasailalim sa kumbersyon at mga bakurang kinakamkam, nagkaroon ng pirming pagtindig ang mga magsasaka para sa karapatan sa lupa.
Sa pamamagitan ng Bungkalan, ayon sa librong “Bungkalan: Manwal ng Organikong Pagsasaka,” hinihikayat ang manggagawang-bukid na tumaliwas sa sistema ng pagsasaka kung saan sila’y pinagsasamantalahan at ginagawang aliping sahuran.
Nakasentro bilang tugon sa pangangailangan ng isang komunidad para sa pagkain, kasama ring nakikinabang ang manggagawang-bukid sa Bungkalan. Isang katangian ng Bungkalan ay ang pamamaraang agrikultura na food-centered at sustainable. Ibig sabihin nito ay pagtatanim para sa komunidad at pagsasaalang-alang sa kalidad at kalusugan ng lupang tinataniman. Ano mang itinamin, sa pagtitiyak na may kapasidad itong mamuhay sa lupang pinagpunlaan, ay siya ring aanihin at kakain ng komunidad.
Permakultura o polikulturang sistema ng pagsasaka ang Bungkalan. Nakasanding ito sa modelo ng agrikultura na nakatutok sa pag-aaral ng pangmatagalang at angkop na paraan ng pagtatanim sa isang lugar. Integrado at organiko ang sistema ng bungkalan. Kumikilos bilang isang kooperatiba ang magsasaka, hayop, pananim, at kalikasan. Esensya ng ganitong kultura ay pagpapahalaga sa lahat ng may buhay sa lupa.
Saup-saup (Damayan)
Susing konsepto sa matagumpay na pagbubungkal ang kooperasyon at pagtutulungan. Sa pagbubungkal, sama-sama ang pagpa-plano sa produksyon. Nagkakaisa ang pagtakbo ng trabaho at paggamit sa kagamitang pangsaka. Itinataguyod at isinasapraktika ng Bungkalan ang maraming organisadong grupo ng magsasaka, madalas pinangungunahan ng kababaihang pesante at pambansang minorya.
Kasama sa iskedyul ng pagtatanim ang pagbabantay ng lupa. Liban sa banta ng demolisyon, tangka sa buhay ang araw-araw na hinaharap ng mga magsasaka. Noong 2018, siyam na magtutubo ang minasaker habang isinasagawa ang pang-gabing iskedyul ng pagbubungkal sa Hacienda Nene, Sagay, Negros Occidental. Pagkalipas ng tatlong taon, wala pa ring hustisya para sa mga biktima.
Sa awtonomiya ng mga pesante sa pagpapatakbo ng lupang sakahan, maaaring magkaroon ng mas mabilis at patas na distribusyon at produksyon ng pagkain. Malaya nilang magagamit ang kaalaman sa pangangalaga ng iba’t ibang uri ng lupa, paggamit ng sariling binhi, hanggang sa paggawa ng sariling organikong abonong abot-kaya.
Bagaman sa maliliit na espasyo ng lupa kadalasang isinasagawa ang Bungkalan, malaki ang potensyal nito bilang isang malawakang pagsasapraktika sa agrikultura. Isang transisyon ang sistema ng Bungkalan tungo sa peasant agroecology na nais ipalaganap ng mga organisadong pesante at magsasaka.
Kumakalas ito sa malawakang monokulturang sistema ng pagsasaka ng bansa na tanging mga hacienda at dayuhang plantasyon lamang ang may kapital magpatakbo at kumita. Ayon kay Robert Wallace, isang evolutionary epidemiologist sa Agroecology and Rural Economics Research Corps, dahil nakasentro sa labis na produksyon at kita, hindi prayoridad—bagkus hinahadlangan pa—ng kasalukuyang sistema ang pagmamaniobra sa lipunan upang maisalba ang kalikasan at maiangat ang kalidad ng buhay.
Kapasidad Bumuhay
Hindi lamang isang alternatibong solusyon sa kagutuman ang Bungkalan. Sa pagkalas sa dikta at kontrol ng haciendero at dambuhalang korporasyon sa agrikultura, malayang magkakaroon ng pagtitiyak na patas ang daloy ng produksyon at distribusyon ng lokal na produktong pang-agrikultural sa pamilihan.
Ngunit bago tuluyang mapasailalim sa tuluyang pagbabago, dapat munang magkaroon ng pagsasaayos sa kasalukuyang industriya ng agrikultura. Kaagapay ng kagyat na pagpapamahagi ng lupang sakahan sa mga magsasaka, integral ang pagsasabatas at pag-iimplementa sa mga batas na magpoprotekta at magsisilbi sa interes ng maralitang manggagawang pang-agrikultura at mamamayang konsumer.
Isang mayabong na kinabukasan para sa lahat ang pagkamit sa ganitong klase ng sistemang pang-agraryo. Ayon kay Giuseppe Tallarico, isang agronomist sa mula sa Italya, malaki ang potensyal ng permakultural na pagsasaka sa pagkamit ng organisadong paggawa, maayos na daloy ng produksyon, paniniguro sa kaligtasan ng kalikasan, at seguridad sa pagkain.
Marangal ang isinusulong na kultura ng Bungkalan. Tangan nito ang prinsipyong itaguyod ang kapakanan ng nakararami at hindi ng iilan lamang. Tinatag ito bilang pagpapakita ng pagkakaisa upang buwagin ang nagsanga-sangang ugat na humahadlang sa pagyabong ng kinabukasang matagal nang ipinupunla ng mga anakpawis. Upang makita ang kapasidad mabuhay ng isang mithiin, mahalagang kalahok tayo sa pagtatanim at pangangalaga nito. Kaya habang hindi pa ito naisasakatuparan, mananatili ang Bungkalan. ●