Hinarang ng higit 50 residente ng Pook Arboretum ang mga kinatawan ng mga pribadong korporasyon na magsasagawa ng inspeksyon sa lugar kung saan planong ipatayo ang Philippine General Hospital (PGH) Diliman, Marso 23. Isang linggo lamang ito makalipas ianunsyo ng UP na iniakyat na sa Gabinete ang panukalang proyekto.
Napilitan na lamang umalis ang mga posibleng bidder sa komunidad matapos igiit ng mga residente na walang konsultasyon ang nasabing inspeksyon. Binatikos din ng mga residente ang desisyon ng UP na ipatayo ang PGH Diliman sa tirahan ng mahigit 650 pamilya.
Ibinalita ng UP noong Marso 14 na nasa Investment Coordination Committee (ICC)-Technical Board na ng Gabinete ang plano para sa PGH Diliman. Ang ICC ang komiteng nag-aapruba sa mga malakihang proyektong ipinapagawa ng pamahalaan. Ayon sa Public-Private Partnership Center, tinatayang nasa P21.3 bilyon ang pagpapatayo sa naturang ospital.
Saad ng administrasyon ng UP, esensyal ang PGH Diliman para palawigin ang kapasidad ng PGH Manila kung saan inaasahang dadami ang mga pasyente sa pagbubukas ng kanilang cancer center.
Subalit, ayon sa Save Arboretum Network, isang organisasyong nananawagan na protektahan ang Pook Arboretum, kinakailangan muna ng maayos at permanenteng relokasyon ng mga residente na paaalisin sa lugar. Hiling din nilang walang demolisyong mangyayari at makakaalis sila nang matiwasay sa lugar.
Noong Oktubre 2020, inaprubahan ng UP Board of Regents ang pagtatalaga sa 9.5 ektarya ng UP Arboretum bilang “academic support zone/open space” mula sa pagiging “protected forest area” nito. Isa na lamang ang UP Arboretum sa iilang natitirang kagubatan sa Kalakhang Maynila, at nagbabanta pang makalbo ito kung sakaling ituloy ang proyekto.
Pinangangambahan din na kasabay ng pagkawala ng UP Arboretum, maglalaho rin ang espasyo kung saan maaaring isagawa ang mga pananaliksik, saad ni Carmela Española, propesor ng biology, sa isang panayam sa Kulê noong Nobyembre 2020.
“Hindi timbang yung development, what they say development, and then the loss of our natural heritage. Hindi mo mapapantayan ng pera at ng kung ano pang reason yung mawawala,” ani Española. “We are depriving them, the next generation, of their natural heritage. We are depriving the next generation of an opportunity to enjoy it and learn from it.”
Bagaman hindi tutol ang Save Arboretum Network sa pagpapatayo ng ospital, iginigiit nila na hindi dapat ito ipatupad hanggang walang konsultasyon at malinaw na plano ang UP sa mga residente. Saad din ng organisasyon na kailangang ibalik ang limang ektarya bilang protected zone upang matiyak na tanging PGH Diliman lamang ang ipapatayo sa Arboretum.
“Widespread protests calling for the end of commercialization of spaces and the university in general will continue as long as the administration continues to undergo partnerships with private entities,” anang Save Arboretum Network sa isang pahayag. “Development should not be limited to only a hand few, rather for all– including the urban poor and community.” ●
Editor's note: Binago ang ikasiyam na talata ng balita upang linawin ang tindig ng Save Arboretum Network hinggil sa pagpapatayo ng PGH Diliman.