Hindi sa loob ng mga pahina at aklatan nakakubli ang mga titik noong dekada 70. Sa mga ‘di inaasahang lugar natagpuan ang panitikan: sulating nakapaskil sa mga pader, bitbit na slogan sa mga protesta, mga tula at balitang pinakalat sa lansangan. Higit sa pagpapasya, pangangailangan ang pagsulat sa katotohanan at panlipunang suliranin na patuloy nilalabanan ng bayan. Kaya noong dekada 70, kasama ang laksa-laksang masa, nagprotesta ang panitikan.
Naging resulta ng patong-patong na korapsyon ng administrasyong Marcos noong dekada 60 ang Sigwa ng Unang Kwarto. Tumitindi ang kahirapan dulot ng krisis pang-ekonomiya, pagkabaon ng bansa sa utang, pagkitil sa malayang pamamahayag, at pagsuporta ng diktadura sa US sa pakikidigma nito sa Vietnam.
Kung anong lagim ang bumabalot sa lansangan, siya namang banayad ng mundo sa tore ng akademya’t sining. Hinikayat ang manunulat na magpakadalubhasa sa kanluraning panulat, sa pagdidildil na ito ang sopistikadong paraan ng pagsulat—isinantabi at binaklas ang relasyon ng poetika at pulitika. Naglunsad ng mga pambansang literary contest, kung saan sekondaryo lamang ang wikang Filipino, at litaw ang pagtatangi sa mga rehiyonal na akda at manunulat.
At sa pagdating ng Sigwa ng Unang Kwarto, maraming manunulat ang lumabas sa mga institusyon pampanitikan at tuluyang sumapi sa kilusang masa. Dito muling umusbong ang Panitikang Aktibismo. Mahaba ang kasaysayan ng Panitikang Aktibismo sa bansa. Ayon kay Ed Maranan, isang manunulat at aktibista noong dekada 70, tanda na nananatili, at tumitindi, ang panlipunang krisis sa pag-usbong ng ganitong panulat. Mag-iba man ang porma o milyu ng akdang iniluluwal nito, nananatili ang katangian nito bilang makabayan.
Mula rito, nakiisa ang panitikan bilang instrumento ng pagsisiwalat sa tunay na kondisyon ng bansa. Kasabay ng mga organisadong teach-in at kilos protesta ang pagluwal sa mga tula at sanaysay na may sosyo-politikal na panunuri at pagkukwento. Inilathala ito sa peryodiko ng mga pamantasan at radikal na pahayagan, tulad ng Ang Masa, kung saan nagsilbing patnugot si Amado Hernandez, Pambansang Alagad ng Sining sa panitikan at kilala bilang “Manunulat ng mga Manggagawa.”
Dahil panahon kung kailan ipinagbabawal ang kritisismo laban sa pamahalaan, naglaman ng satirikal na komentaryo ang mga akdang inilathala ng mga underground printing. Marami sa mga intelektwal at manunulat na nag-underground ay sumapi sa New People’s Army, at nabilanggo ang nagsikap maglathala bagaman limitado ang pondo, kagamitan, at kadikit nitong panganib.
Nagtampok din ng mga akda tungkol sa tagumpay ng rebolusyon ang Ulos, underground literary publication na pinagsilbihang patnugot ni Bienvenido Lumbera. Parehas ang tema nito sa The Guerrilla is like a Poet at Pintig sa Malamig na Bakal, mga koleksyon ng makabayang tula na isinulat ng mga bilanggong pulitikal noong dekada 60 at 70.
Umusbong din ang Literature of Circumvention, o ang tusong paglusot ng mga kritikal na komentaryo, sa mga publikasyong mahigpit na binabantayan ng estado. Isang tanyag na halimbawa ang tula ni Pete Lacaba, ang Prometheus Unbound, kung saan gumamit ito ng istilong acrostic at nagluwal sa slogan na, “Hitler, Marcos, Diktador, Tuta.”
Higit bilang elemento ng isang ‘mahusay’ na akda, nagkaroon ng kalayaan maging awtor at representante ang manggagawang uri at ibang sektor sa bansa sa mga sulatin noon. Naitampok ang karanasan, sariling ahensya ng pananaw, at aspirasyon sa buhay ng mga Pilipinong kung tratuhin ng estado’y tila pawang makinang pangkalakal lamang.
Kaya walang piksyon sa katotohanang maraming nasawi at nawala sa diktadurang Marcos. Sa tulang inialay sa mga pinaslang noong Battle of Mendiola at People’s March, sanaysay tungkol sa mga lider-estudyanteng piniling pagsilbihan ang masa, awiting isinigaw sa lansangan; hindi pagtatalinhaga kundi tunay na galit at paghihirap ang isinabuhay ng maraming Pilipino sa kanilang sulatin noon.
Halinhilan ang relasyon ng pantikan at lipunan. Parehas silang nagluluwal ng produkto ayon sa impluwensya ng isa. Sa mga akdang makabayan na ipinamahagi sa lansangan, ipinaskil sa pader, isinulat sa wikang gagap ng madla, magreresulta ang lahat ng ito sa lalong paglakas ng militansya ng kilusang makabayan.
Umusbong muli, at ipinagpatuloy sa paglaon ng panahon, ang panitikang makabayan dahil sa paghihimagsik ng mga manunulat noong Sigwa ng Unang Kwarto. Ayon kay Alice Guillermo, nagbigay daan ang panitikan noong Sigwa ng Unang Kwarto sa paghubog ng panitikang maging ngayon ay ating sinisikap patatagin: makabayan at nagpapanukala ng pagkalas sa kasalukuyang skema ng kultura’t sining.
Lumabas sa mga kumbensyunal na aklatan at pahina ang panitikan bilang pangangailangan dahil sa makasaysayan at panlipunang responsibilidad ng mga manunulat noon. At dahil nananatiling walang pagbabago sa lipunang ginagalawan ng mga Pilipino, nananatili ang pangangailangang iangat ang ganitong klase ng poetika at panulat.
Bagaman hindi na kasing-sikhay, mananaig pa rin ang produksyon ng ganitong uri ng panitikan. May banta sa kasalukuyan at paparating na buwan na mananatili, at titindi pa lalo, ang panlipunang suliranin na kinakaharap ng bansa. Kaya napapanahon na rin, na kasama ang laksa-laksang masa, kailangan na muling magprotesta ng panitikan. ●