Nagkaroon ng muling pagtaas sa porsyento ng mga mag-aaral na hindi nakakakuha ng free tuition magmula noong unang semestre ng akademikong taong (AY) 2020-2021, halos limang taon matapos maipasa ang Free Tuition Law, ayon sa datos mula sa Office of the University Registrar.
Ngayong semestre, mas mataas ng 105 ang bilang ng mga hindi saklaw ng libreng matrikula kaysa nakaraang semestre (tingnan ang sidebar 1). Nanguna ang School of Information and Information Studies sa mga kolehiyong may pinakamataas na porsyento ng mga mag-aaral na walang free tuition. Sinundan ito ng College of Education (Eduk) at College of Music (tingnan ang sidebar 2).
Kabilang si Bien*, kasalukuyang 7th year na mag-aaral sa Eduk, sa dumaraming estudyanteng hindi nakatatamasa ng libreng tuition bunsod ng malaon nang problema sa pag-aaral na pinalala lamang ng remote learning. Magiging balakid para kay Bien, at sa mga hikahos na mag-aaral, ang problema sa free tuition at ang mekanismo ng UP sa pamamahagi ng pinansyal na subsidiya.
Mula sa Panimula
Patapos na si Bien noong 2018 sa kanyang huling semestre sa kursong computer engineering nang lumipat siya sa programang Bachelor of Elementary Education major in Special Education (SPED). Sa kanyang paglipat, batid niyang samu’t saring dagok ang kanyang kahaharapin tulad ng pagbabayad ng matrikula. Sa ilalim ng free tuition policy, isang taon na lamang ang palugit sa mga estudyanteng tulad ni Bien para tapusin ang kanilang apat na taong kurso.
Bagaman hindi nasa kayamanang pamilya si Bien, itinuloy niya ang pag-aaral ng kursong kanyang ninanais sa tulong ng kanilang kita sa karinderya at sa sweldo ng kanyang tatay na empleyado sa paliparan. Subalit, nang magkaroon ng pandemya, napilitan silang isara ang kanilang kainan, at muntik pang matanggal sa trabaho ang kanyang ama dahil sa pagbabawas ng empleyado.
“Hindi naman kasi ako galing sa financially well off na family kaya nahihirapan talaga ako na magbayad ng tuition ngayon. Umabot din sa punto na nagtrabaho ako kasi nagiging mabigat na yung pagbabayad ng tuition kung isasama pa sa mga gastusin namin sa bahay,” ani Bien.
Hindi rin nakatulong na tumaas ang matrikula ng kanyang dalawang kapatid sa kani-kanilang paaralang pinapasukan. Kung kaya, maliban sa pagtatrabaho, pumasok din si Bien sa iba’t ibang scholarship at tulong pinansyal, kabilang ang Student Learning Assistance System (SLAS) ng UP.
Isang pinansyal at lohistikal na subsidiya mula sa UP ang SLAS para sa mga mag-aaral na kulang ang kakayahan para makapag-aral. Nakabatay ang diskwentong makukuha sa SLAS sa pinansyal na katayuan ng estudyante at kanilang mga ari-arian. Ito ang pumalit sa dating Socialized Tuition System at Socialized Tuition and Financial Assistance Program.
Sa ilalim ng SLAS, inihahanay ang mga mag-aaral sa mga diskwento at benepisyong kanilang makukuha. Ngayong nasa remote learning na setup ang pamantasan, isinama sa benepisyo ang gadget at internet assistance.
Dismayado sa sistemang ito si Bien dahil sa kabila ng kanyang mga inilahad na kondisyon sa aplikasyon ng SLAS, inihanay pa rin siya sa ilalim ng Partial Discount (PD) 33/40 kung saan P500 ang babayaran niya kada yunit. Dalawang beses niyang sinubukang mag-apela para sa mas mataas na diskwento ngunit parehas itong hindi tinanggap.
“Sana maging lenient sila sa appeal kasi I doubt na nage-gauge talaga ng UP through online interviews lang yung kakayahan namin na makapagbayad, at yung financial struggle ng mga estudyanteng tulad kong delayed,” ani Bien. “Sana kahit dito man lang makatulong yung UP.”
Muling Paglubha
Parehong pagkadismaya sa UP at sa SLAS ang ipinahayag ni Nard Bejo, kinatawan ng Eduk sa University Student Council, dahil sa kakulangan ng pamantasang makapagbigay ng pinansyal na ayuda sa mga mag-aaral, anuman ang katayuan nito sa buhay.
Sinubukan ni Bejo na makapasok sa SLAS noong unang semestre dahil siya mismo ay walang magamit na laptop, subalit, hindi siya tinanggap sa mga mag-aaral na makakuha ng subsidiya dahil tinatamasa pa rin niya ang free tuition.
“[That] is nonsense. Hindi dahil covered ako ng Free Tuition Law ay wala na akong binabayaran at pangangailangan,” ani Bejo. “Kung ganoon ang SLAS, [para] sa’king under ng free tuition … what more sa ibang students na mas matindi pa ang nararanasan, lalo na yung mga delayed hindi na covered ng free tuition?”
Lumalabas na ganito rin ang pinagdaraanan ng 2,149 mag-aaral na hindi nakakuha ng Full Discount (FD) at FD with stipend ng SLAS (tingnan ang sidebar 3). Mas mataas ito kumpara sa 1,933 noong Enero ng nakaraang taon. Sa layong paabutin pa sa mas maraming mag-aaral ang benepisyo ng SLAS, naghahanap ng mga paraan ang UP para mapondohan pa ang programa.
Kabilang sa hakbangin nito ang plano ng Padayon Public Service Office at Office of Student Financial Assistance na palawigin ang Kaagapay sa Pag-aaral ng Iskolar ng Bayan program o #KaagapayUP. Sa mga nakukuhang donasyon sa programang ito kumukuha ang UP ng pondo para sa gadget, internet na subsidiya, at pinansyal na ayuda ng mga mag-aaral.
Batay sa datos ng UP, sapat lamang ang kanilang nakalap na P8,713,152 donasyon noong 2020 para mabigyan ang 1,647 mag-aaral ng gadget o akses sa internet. Nasa 4,000 estudyante naman ang nabigyan ng pinansyal na ayuda. Sa ngayon, mayroon na lamang P4,053,693.07 at USD17,131.91 (P879,106) na pondo ang #KaagapayUP na layong tulungan ang 5,600 mag-aaral na nahihirapang makapagpatuloy sa online learning.
Bagaman hindi maipagkakaila ang benepisyo ng SLAS para sa libo-libong mag-aaral, bigo naman nitong mapunan ang pangangangailangan ng marami pang hikahos din sa buhay. Para kay Bien, ipinapakita lamang ng kanilang pinagdadaanan ang mga dahilan kung bakit kinakailangan nang palitan ang SLAS.
“Nung [nasa] engineering pa man ako, talagang naninindigan na ako na dapat free education for all,” ani Bien. “Mas naging mapanatag din yung panindigan kong ito dahil bukod sa karanasan kong hindi pagkalooban ng libreng tuition, isa rin values na tinuro sa’min sa Eduk yung inclusion—dapat lahat ng students ay may access sa edukasyon lalo na ngayong pandemya.” ●
*Itinago ang tunay na pangalan ayon sa kahilingan ng kinapanayam.
Infographics: Gie Rodenas