Sa matagal na panahon, hiwalay na mundo ang sopistikadong bulwagan ng teatro sa kinalalagyan nitong komunidad. Tila walang espasyo para sa kapayakan mula manonood hanggang produksyon ng dula, ang karanasan sa teatro ay tila pagtakas sa realidad: Ang mga karakter ay panggitna hanggang mayayamang uri, ang iniinugang tunggalian ay indibidwalistiko, tila dinadala ng magarbong produksyon ang mga manonood sa ibang mundo.
Ngunit noong dekada '70, dala ng politikal na kondisyon, binasag ng dulambayan hindi lang ang uri ng kwento ng mga tradisyunal na dulang ipinapalabas sa bansa, gaya ng Hamlet, bagkus pati ang porma, produksyon, at tipo ng mga manonood ng teatro.
Sa lipunang mahigpit na kinokontrol ng Estados Unidos, umiral ang mga dulang burgis at iba pang kultural na produktong ipinapalaganap ang maka-Amerikanong ideolohiya. Dominante noong dekada 40 hanggang 60 ang mga dulang Ingles—gawa ng mga dayuhan at iilang original na sinulat ng mga Pilipino, gaya ng Turn Red the Sea (1963) ni Wilfredo Nolledo, Ghosts (1963) ni Henrik Ibsen, at mga akda ni William Shakespeare.
Habang ibinibida sa loob ng mga bulwagan ang karangyaan ng mga karakter at mas tinatalakay ang mga indibidwalistikong tema gaya ng moralidad, paghihiganti, at iba pa, sa labas ng enggrandeng gusali ay mamamayang sadlak sa kahirapan. Ang hindi pagtugma ng teatro sa realidad sa labas ng entablado ang siyang nag-anak sa dulambayan—kung saan ang mga dula ay tumatalakay sa mga sadlak sa dusa ng lipunan.
Sinisikap ng dalumbayan na hamunin ang kasalukuyang porma ng lipunan. Habang pinipigilan ng mga Amerikano ang pag-aaklas ng mga naghihirap sa pamamagitan ng pagtampok ng indibidwalistang kultura sa loob ng dulang burgis, patuloy itong tinutunggali ng dulambayang pumupukaw sa damdaming makabayan ng mga Pilipino, at nakapagpapakilos tungo sa pagbabago.
Sa Oli Impan ni Alberto Florentino, inilahad ang kagutumang nararanasan ng mamamayan sa ilalim ng diktadura, habang walang habas na nagnanakaw sa kaban ng bayan ang pamilya Marcos. Taong 1965 hanggang 1968, itinanghal ang The World is an Apple at Cadaver ni Florentino na tumatalakay sa opresyon noong panahong iyon.
Sa kasagsagan ng unang sigwa noong dekada 70, ginamit ng mga manunulat at artista ang sining bilang porma ng protesta. Sa parehong panahon nabuo ang mga pangkulturang organisasyon tulad ng Panday Sining, Kamanyang, Gintong Silahis, at Tanghalang Bayan. Itinanghal ng Panday Sining ang dulang Welga, Welga, isinulat ni Bonifacio Ilagan, na nagtatampok sa buhay ng mga manggagawa. Itinanghal din ng Kamanyang ang dulang Battle of Mendiola na tumatalakay sa marahas na pagharap ng mga sundalo sa mga estudyanteng nagpoprotesta sa Mendiola.
Sa dulang Barikada (1971) ng Gintong Silahis, ikinuwento naman ang kaganapan noong Diliman Commune, kung saan nagtayo ng barikada ang komunidad ng UP, kulminasyon ng linggo-linggong kilos-protesta ng mga mag-aaral, propesor, kawani, at mga tsuper buhat ng pulitikal at pang-ekonomikong krisis ng panahon.
Saligan ng dulambayan ang porma ng teatrong ipinalaganap ni Bertolt Brecht, dramatistang tubong Germany noong dekada 50 hanggang 70. Malaya siyang gumamit ng iba’t ibang simbolismo at elemento ng estetika, habang tinitiyak na mahihikayat ang mga manonood na isantabi ang mga personal na emosyon, at maging rasyonal mag-isip upang maintindihan ang mensaheng nais iparating ng kwento sa kanyang mga dulang isinulat. Ayon sa pananaliksik ni Michael H. Bodden, propesor ng Pacific and Asian Studies ng University of Victoria sa Canada, talamak ang paggamit ng “Brechtian method” sa tanghalan mula 1970 hanggang 1980, panahon kung kailan humaharap sa matinding krisis ang mga naghihirap na bansa.
Dahil layon ng dulambayan na magmulat at magmobilisa, hindi maaaring marestrikto ng mahal na presyo ng panonood ang mga dula. Sa ganang ito, naging kaiba rin ang dulambayan pagdating sa produksyon nito kumpara sa dulang burgis. Dahil interes ng naghaharing-uri ang pinananatili ng huli nakakakuha ito ng malaking kapital at espasyo para sa pagtatanghal, ngunit salungat dito ang dulambayan na wala halos pondo ang produksyon, lalo’t libre ang pagpapalabas nito sa manonood.
Ang entablado ng dulambayan ay kadalasang libreng espasyo sa mga paaralan, komunidad, o kilos-protesta. Inimprobisang materyales ang ginagamit para sa kabuuhang produksyon nito; walang mamahaling ilaw, damit, at props. Kulang man sa pondo, sinisikap naman ng mga mandudula at artista na makapaghatid ng mga dulang mas mapapakinabangan ng mamamayan.
Lumipas na ang mahigit limang dekada, at matagal nang namatay ang diktador na si Marcos, ngunit nananatili ang diwa ng dalumbayan. Dahil bagaman napabagsak si Marcos, nananatili ang kondisyon ng lipunan sa kanyang panahon hanggang ngayon—may pangangailangan pa ring magmulat at magmobilisa.
Sa mga protesta at komunidad, patuloy ang pagtatanghal ng mga organisasyong gaya ng Panday Sining, at ang pag-usbong ng bagong mga kultural na grupo tulad ng Sining na Naglilingkod sa Bayan (Sinagbayan). Sa katunayan, ipinalabas ng Sinagbayan nitong Marso 2020 ang dulang Ang Huling Paniningil nang libre sa mga manonood. Ang dulang Kabataang Makabayan: Paglingkuran ang Sambayanan! naman, dahil itinanghal sa pribadong auditorium, ay nagkahalaga lamang ng P50 kada tiket.
Lalong nakikita ang pangangailangan sa ganitong mga uri ng dula gayong may pagsubok muli ang pamilya ni Marcos na bumalik sa Malacañang. Sa pagkakataong ito, ang dalumbayan ay di lang pagpapaalala sa karahasang sinapit ng bayan sa kamay ng diktador, bagkus paglalahad kumbakit hindi na dapat maulit ang panahong iyon. ●
*Mula sa dulang As You Like It, ni William Shakespeare.