Katangi-tangi ang naging dedikasyon ni Mary Ann Castillo, o mas kilala bilang Pangulong Ann ng Nexperia Philippines Inc. Worker’s Union (NPIWU), sa paglalaan ng 28 taong pagtugon sa pangangailangan ng kumpanyang Nexperia–pagawaan ng Chinese semiconductor na nakabase sa Netherlands. Taong 2020, kung kailan kasisimula pa lamang ng pandemya, hindi natinag ang NPIWU sa panawagang P10K ayuda, hazard pay, isolation quarantine facility eco-zones, CBA 2020-2022, at paid quarantine leaves para sa lahat ng mga manggagawa.
Kawangis ng responsibilidad na tinutugunan ng isang ina ang gampanin ng isang babae sa isang komunidad. Para sa mga manggagawang katulad ni Pangulong Ann, mahalaga ang pag-iral ng boses ng kababaihan sa mga unyon para sa ligtas na espasyo para sa lahat ng manggagawa.
Nitong 2020, pinagsumikapang kolektahin ni Pangulong Ann ang mga hinaing ng kanyang mga kapwa manggagawa sa pabrika. Malugod nilang tinanggap at sinunod ang safety protocols na itinalaga ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) upang hindi kumalat ang sakit sa pabrika. Ngunit marami pa ring manggagawa ang nagkakasakit dahil sa liit ng espasyo sa kanilang pabrika. Sa kantina, locker room, production area, at shoerack pa lamang, siksikan na sa dami ng trabahador na pumapasok araw-araw.
Isinalaysay ni Pangulong Ann ang lagay ng mga manggagawa noong kasisimula pa lamang ng pandemya. Aniya, nadagdagan ng gastusin ang mga ordinaryong manggagawa sapagkat nagtaas ang pamasahe sa mga pampublikong transportasyon, dagdag pa ang gastos sa arawang paggamit ng face mask at face shield. Dahil sa quarantine protocols na itinalaga ng pamahalaan nitong mga nakaraang taon, naging mahirap para sa mga manggagawa ang pagtugon sa pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya araw-araw, gayong walang regular na ayudang ipinamamahagi ang pamahalaan.
Ani Pangulong Ann sa isang panayam sa Pinoy Weekly, nagkakahawaan ang kanyang mga kapwa manggagawa sa pabrika dahil sa kawalan ng tugon ng pamahalaan lalo noong mabilis pang kumakalat ang sakit. Walang libreng COVID-19 testing kits, walang maayos na contact tracing, at walang isolation at quarantine facilities para sa mga manggagawa. Ang lahat ng nagpopositibo sa sakit, agad na lamang na pinauuwi. Wala na ngang ayuda mula sa pamahalaan at Nexperia, nanatili pa ang “no work, no pay” na polisiya sa pabrika.
Bukod sa banta ng pandemya, nadiin din sa karahasan ang mga manggagawa ng Nexperia. Mas naging talamak ang panre-red-tag ng pamahalaan sa mga unyon. Tatlompu’t anim na manggagawa ng Nexperia ang binahay-bahay at hinarass. Ayon sa pwersa ng estado, ang pagbisita sa mga bahay-bahay ng mga manggagawa ay parte ng kanilang “awareness program” laban sa pagrerebelde na di kalauna’y nauuwi sa interogasyon tungkol sa pagsuporta ng mga manggagawa sa mga komunistang grupo.
Sa panayam ng Collegian kay Pangulong Ann, muli niyang iniangat ang matagal nang isyu ng mga manggagawa sa sahod. Nanatili itong mababa sa loob ng ilang dekada kung kaya nagdulot ito ng pagbaba ng kalidad ng mga produkto, dahil hindi na nakakasabay ang kita ng mga manggagawa sa pag-angat ng labor productivity—lalo na sa mga paggawaan ng electronic devices tulad ng Nexperia.
Laging nakikiisa si Pangulong Ann sa mga kasamahang manggagawang nananawagan sa pagbabasura ng kontraktuwalisasyon at pagpasa ng House Bill 7415 o Security of Tenure for Non-Regular Employees in Government Act of 2018. Inihahain ng panukalang ito na dapat pahalagahan ang karapatan ng mga manggagawang baguhan kapareho ng mga manggagawang matagal na sa trabaho. Sinisiguro rin nito na sa pagsapit ng ika-anim na buwan ng mga manggagawa ay magkakaroon na sila ng garantisadong trabaho at kita.
Ngayong nalalapit na ang eleksyon, nais ni Pangulong Ann ang agarang pag-aksyon ng pamahalaan sa matagal nang hinihiling ng mga manggagawang pagtaas ng daily minimum wage bilang tugon sa kasulukuyang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, tuluyang pagbabasura sa kontraktuwalisasyon, at pagkakaroon ng makataong benepisyo para sa mga manggagawa.
Mahihinuha sa tono ng mga kasagutan ni Pangulong Ann sa magkakaibang panayam, ang kanyang pag-alala tulad ng isang inang hahamakin ang lahat, matugunan lamang ang lahat ng pangangailangan at seguridad ng kanyang pamilya. Bilang pangulo ng unyon at inang may pangarap para sa kanyang pamilya, mananatiling nakatindig si Pangulong Ann sa kaligtasan ng kapwa mga manggagawa laban sa panre-red-tag, pangha-harass, at karahasan ng pamahalaan. ●