Pinatitingkad ang mga protesta ng kulay pula mula sa mga kasuotan ng pambansang minorya para sa taunang Lakbayan. Bitbit ang gong at iba pang instrumento, isinisigaw ng bawat pagtambol ang kanilang mga hinaing sa estado—pagpapalayas sa mga militar sa kanayunan, paglaban para sa sariling pagpapasya. Kasamang nakiisa ngayong taon ang kaigorotan, na nananawagan laban sa pagmimina sa kanilang lupain.
Ngunit imbis na suportahan ang kanilang paglaban, binatikos pa ang mga Igorot dahil sa paggamit ng kanilang kasuotan at sayaw sa rally. Para sa Facebook page na YouLike Cordillera PH, isang community page na nagtataguyod ng turismo sa rehiyon, hindi kinakatawan ng mga militanteng Igorot ang “Igorot Nation.” Isa diumanong anyo ng “pagkitil” sa mayamang kultura at tradisyon ng mga taga-Cordillera ang pagsusuot ng kasuotang Igorot, na sinang-ayunan naman ng ilan.
Maiuugat ang paratang na ito sa mga nauna nang paratang na kinasangkapan ang mga katutubo ng mga militante at progresibong grupo para sa sarili nitong adyenda. Pero kung tutuusin, lehitimo ang panawagan ng pambansang minorya para sa sariling pagpapasya at sa paglaban sa malawakang militarisasyon sa kani-kanilang lupang ninuno. At binubura ng paratang na ito ang malalim na kasaysayan ng paglaban ng mga Igorot sa tuwing may nangangahas na kamkamin o pagkakitaan ang kanilang lupain.
Panahon pa man ng Espanyol, ilang beses nang tinangkang sakupin at minahin ang mga bundok ng Cordillera dahil sa taglay nitong yaman sa iba’t ibang mineral, ayon sa historyador na si William Henry Scott. Gamit ang mga bato, sibat, at mga patibong na nakatago sa mga matataas na talahib, matagumpay na nadepensahan ng mga taga-Cordillera ang kanilang lupain mula sa mananakop. Nagsimula naman ang malawakang pagpasok at pananamantala sa kalupaan ng Cordillera ng dumating ang Amerikano.
Lalong umigting ang kanilang paglaban noong panahon naman ng Batas Militar. Suot ang bahag at tangan ang sibat at kalasag, hindi nagpatinag at pinangunahan ni Macli-ing Dulag ang bodong o peace pact ng iba’t ibang komunidad sa Cordillera upang tutulan ang 1,000-megawatt hydroelectric power plant na itatayo sa kahabaan ng Chico River. Bagaman pinatay ng mga sundalo ng gobyerno sa Dulag, hindi rin natuloy ang proyektong ito. Sa bawat yugto ng paglaban ng mga Igorot, bitbit nila ang kanilang kultura bilang armas.
Sang-ayon dito ang sinasabi ni Raymond Williams, isang kritikong Briton, na ang mga kultural na produktong may halagang pang-estetika, katulad ng sining-biswal, sayaw, musika, panitikan, atbp., ay hindi lamang nalilimatahan sa isang partikular na lugar. Umuugat ang kultura sa mas malaking lipunang kinabibilangan nito.
Para kay Windel Bolinget, tagapangulo ng progresibong grupong Cordillera Peoples’ Alliance, ang tradisyunal na kasuotan ng Kaigorotan ay bahagi ng kultura at identidad ng mga Igorot. Hindi umano maihihiwalay sa kanila ang kanilang bahag dahil ito ang kanilang kasuotan, pang-araw araw man o okasyon.
Matibay na pinananatili ng mga taga-Cordillera ang kanilang tradisyon na nakaugat sa kanilang malalim na pag-unawa sa mabuti at masama. Ang kanilang oral na panitikan, halimbawa, ay nakaugat sa kanilang paraan ng pamumuhay, tulad ng mga epiko at awiting bayang inaawit sa pagtatanim at sa pag-aani. At ito ang kulturang pinanatili nila hindi pa man dumarating ang mga mananakop sa Pilipinas hanggang sa kasalukuyan.
Gayunman, kahit na mahigpit ang pagsunod sa kanilang tradisyon, makikita ring umaangkop ang kanilang kultura sa kanilang paglaban. Isang halimbawa nito ay ang Salidummay, na kung dati’y inaawit lang sa pag-akyat sa ligaw, kasal at iba pang okasyon, mayroon nang mas progresibong bersyong tumatalakay sa kawalang-katarungan.
Sa mga linyang, “Nakikinig ka ba sa utos nila/Ba’t di mo imulat ang iyong mga mata/Lumaban ka huwag paapi,” makikita na kasabay na nagbabago ang kanilang kultura sa kamalayan ng taong lumilikha nito, at kung paano nila hinaharap ang mga suliranin sa loob at labas ng kanilang komunidad.
Sa panahon ng ligalig, katutubo ang unang magtatanggol sa kanilang kultura. At ang tanging paraan upang mapreserba ang kanilang kultura ay kung sasamahan natin sila sa kanilang laban. Ito ang puntong nakaligtaan ng YouLike — na ang totoong banta sa pagkamatay ng kultura ng mga Igorot ay ang mga nangangamkam at nananamantala ng kanilang lupain.
Kaya’t hindi masasabing pagkitil ang mga kultural na pagtatanghal ng mga Igorot sa mga protesta. Para kay Bolinget, ang tunay na kumikitil sa mayamang kultura ng mga Igorot ay ang malawakang pandarambong sa lupang ninuno. “Kapag sinira ang lupain namin, hindi na namin maisasagawa ang aming kultura dahil ang aming kultura ay nakasanding sa aming lupain.”●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong Oktubre 5, 2017.