Sunod-sunod na pinuntahan ng mga awtoridad ang tahanan ng mga lider-estudyante mula sa UP Diliman nitong nagdaang linggo. Sinadya umano ang pamilya ng mga lider-estudyante para tiktikan ang kanilang aktibidad at isuplong sa kinauukulan ang kanilang kinaroroonan.
Pinasusuko si Lance Dayrit, isang community organizer at mag-aaral ng Philippine Studies sa UP Diliman, ng kanilang municipal administrator sa Bayambang, Pangasinan, Mayo 4. Pinayuhan ng abogado ng municipal administator na “ipa-clear” ang pangalan ni Dayrit sa opisina ng kanilang alkalde bagaman walang rekord ng pagkakasala si Dayrit.
Nangyari Ito matapos na hindi sumipot ang kanyang ina sa hinihinging pulong ng kanilang kapitan sa barangay. Unang tinungo ng kapitan, na nagpakilala rin bilang intelligence officer, ang opisina ng nanay ni Dayrit sa kanilang water district, Mayo 2. Binalaan dito ng kapitan ang magulang ni Dayrit sa pagiging “rebelde” ng kanyang anak. Ibinunyag din ang mga aktibidad umano ni Dayrit habang nasa pamantasan gaya ng pagsali sa mga pagkilos, at pagrerekrut para sa Kaliwa.
“Nagbanta yung kapitan na kung hindi pa raw makikipag-usap yung nanay ko sa kanila in private, iaakyat na raw nila sa taas [alkalde ng Bayambang, Pangasinan at mga intelligence officer]. Sabi pa nila na wag daw matakot kasi hindi naman daw ako gagalawin basta ipa-clear na lang daw sa mayor yung pangalan ko at sumuko. Wala naman akong kasalanan?” Ani Dayrit.
Miyembro si Dayrit ng Bahaghari, isang progresibong organisasyon na nagtataguyod ng karapatan ng LGBTQ+ community, at dating tagapagsalita ng Anakbayan Central Luzon. Nag-oorganisa si Dayrit sa mga komunidad sa Gitnang Luzon kung saan nadokumento umano ng mga awtoridad ang kanyang mga litrato habang nasa mga rally.
Kasalukuyan pang idinodokumento ni Dayrit ang pangyayari at kumokonsulta ng mga legal na hakbang upang masiguro ang kanyang kaligtasan.
Ipinahayag naman ng administrasyon ng UP Diliman (UPD) na gagawin ng pamantasan ang bahagi nito upang tiyaking ligtas ang mga estudyante mula sa mga banta ng mga ahente ng estado.
Nakipag-usap na ang administrasyon ng UPD kay Dayrit upang malaman ang mga legal na hakbang na maaari niyang tunguhin, ayon kay Vice Chancellor for Student Affairs Louise Jashil Sonido.
Sa ngayon ay sumasailalim sa protocol na itinakda ng Office of the Vice Chancellor for Student Affairs ang kaso ni Dayrit. Dumaraan din sa parehong proseso si Jonas Abadilla, tagapangulo ng UP Diliman University Student Council, na sinusundan naman ng kapulisan para alamin ang impormasyon ng kanyang pamilya at ng kanyang kinaroroonan.
Upang lalo pang mas patatagin ang seguridad ng mga estudyante, partikular sa mga organisador at kritiko ng administrasyon na madalas na nire-red-tag ng estado, muling isinasaayos ni Chancellor Fidel Nemenzo ang komposisyon ng multisectoral UPD Community Security.
Binuo ang UPD Community Security upang mas mabilis na makalap at iproseso ang mga isyu sa seguridad ng komunidad ng UPD. Kinakatawan ni Student Regent Renee Co ang mga estudyante sa nasabing komite.
“The allegations against them are absurd and ridiculous: these students are attending their classes, participating in relief operations, writing and submitting their papers–how can they be rebels and insurgents? We must all be reminded that these allegations have real, dangerous effects on families,” ani Sonido.
Hinihimok din ni Sonido na bagaman may mga mekanismo ang pamantasan para ipagtanggol ang mga miyembro ng komunidad ng UPD mula sa atake ng estado, patuloy pa rin dapat manawagan para sa pagpapanumbalik ng UP-DND Accord.
Nakabinbin hanggang ngayon ang pagsasabatas ng accord. Subalit, malaki ang posibilidad na hindi na ito umusad sa kasalukuyang Kongreso gayong gugugulin na lamang ng Kongreso ang nalalabing panahon nito para sa eleksyon.
Nagpahayag ng pagkundena ang College of Arts and Letters Student Council (CALSC) sa naging pagpapasuko kay Dayrit. Para kay Gail Daniel, konsehal ng CALSC, magpapatuloy lamang ang ganitong mga atake ng estado sa mga mag-aaral hanggang walang batas na magsisiguro ng pagpaparusa sa red-tagging at sa panghihimasok ng kapulisan sa pamantasan.
Naglabas na rin ng pahayag ang Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, kung saan nabibilang si Dayrit. Kasalukuyan na umano silang nakikipag-ugnayan sa mga opisina ng pamantasan upang tumulong na protektahan ang lider-estudyante mula sa panganib.
“We condemn these allegations and the malicious, baseless red-tagging of our students. We stand solidly behind our students and take pride in them for their sociopolitical engagement and heart for public service. Let's continue to stand behind our youth and protect our students and our schools from these attacks,” ani Sonido. ●