Tapang at prinsipyo ang pangunahing tangan ng dalawang mag-aaral na Lumad na sina Angel* at Inday* ng Save Our Schools Network, habang nakikipagsapalaran sa siyudad makamit lamang ang edukasyong matagal nang ipinagkakait sa kanila ng pamahalaan. Lalo ngayon sa ilalim ng administrasyong Duterte, binawasan ang pondo para sa edukasyon samantalang patuloy na dinadagdagan ang pondo ng NTF-ELCAC na patuloy na nanghaharas sa mamamayan.
Kuwento nila sa panayam na isinagawa ng Collegian, namulat sila sa mga karahasang nararanasan ng kanilang mga magulang at kaanak sa kanilang mga komunidad. Ika nila, sa taon-taon nilang panawagang depensahan ang kanilang lupang ninuno, taon-taon din ang pagtatangka ng pamahalaan at ng mga negosyante gamitin ang mga lupang sakahan at kabundukan upang pagkakitaan. Ngayong nalalapit na eleksyon, sakali mang manalo ang mga kandidatong kanilang ikinakampanya, umaasa silang mapakikinggan na rin ang kanilang mga panawagan.
*
Kulê: Ano-ano ang mga kasalukuyang suliraning nararanasan ninyo sa inyong komunidad?
Inday: Bukod sa matagal nang land-grabbing, noong umuwi si Katkat nitong nakaraang Abril sa aming komunidad sa Mindanao, ibinalita niya sa amin na yung mga magulang namin at yung karamihan sa mga lalaki ng aming mga komunidad ay ginagawang bagani. Tinawag ang mga magulang namin at ibang kasamahan sa komunidad bilang bagani dahil inaarmasan sila nang sapilitan ng mga militar na nakabase sa komunidad namin. Pinagdu-duty yung mga bagani sa gabi pagkatapos magsaka o kumayod, kapag hindi sumunod yung mga bagani sa mga iniuutos ng mga militar, maaari silang i-red-tag at parusahan.
Ngayong nalalapit na rin ang eleksyon, may tunggalian nang nangyayari dahil ang iba sa komunidad namin mayroong mga maka-BBM, ang iba naman ay maka-Leni. Nakababahala talaga sa pagkakaisa dahil kapag yung hindi karapat-dapat ang nanalo, maaari kaming matalo ng mga negosyante at manakawan kami ng lupang ninuno.
Kulê: Ano ang mga bagay na nagtutulak sa inyong magpatuloy sa pangangalaga ng inyong lupang ninuno sa kabila ng mga suliraning inyong kinahaharap?
Angel: Hindi lang kami ang maaapektuhan pati yung mga tao sa patag, kapag may mga bagyo, kapag may climate change, nasisira yung kalikasan. Yung ating kinabukasan, yung susunod na henerasyon. Ayaw naming picture na lamang yung makita nilang kalikasan at kabundukan.
Inday: Iniisip namin na kapag nawalan ng lupang ninuno, mawawala kami, mawawala [ang] kultura namin, mawawalan kami ng gamot, pagkain. Kapag nawala yung lupang ninuno, saan na kami pupunta?
Kulê: Ano-ano ang maaari ninyong maging kasangga sa patuloy na pagdepensa sa inyong lupang ninuno?
Inday: Para sa mga katutubo, edukasyon talaga. Nakalulungkot nga dahil pinasara ng pamahalaan [ang aming eskwelahan], nawalan na kami ng sandata upang labanan ang land-grabbing.
Angel: Ang aming mga ninuno ay kadalasang nalilinlang [noon] ng mga dambuhalang negosyante, matagal silang nanatiling walang alam. Kaya kailangan talaga ang edukasyon. Kailangan ang mahigpit na pag-oorganisa sa komunidad upang maprotektahan ang lupang ninuno at kalikasan. Nakakabahala na maraming komunidad ngayon ang watak-watak na, binebenta yung lupa, at minsan sila pa [ang] nagiging daan upang makapasok ang malalaking kumpanya ng logging, minahan. Kailangang patibayin yung prinsipyo at paninindigan sa isang komunidad dahil kung hindi ito matibay, magkakawatak-watak talaga ang lahat.
Kulê: Ano ang inyong mga panawagan para sa mga kapwa natin botante?
Angel: Iboto yung mga handang sumama sa laban ng mamamayan. Yung tutulong para depensahan ang lupang ninuno, hindi yung ibebenta ito at ang buong Pilipinas. Dapat yung may pagpapahalaga sa karapatan ng mamamayan at may totoong puso sa pagseserbisyo sa taumbayan. Huwag hayaang maupo muli ang mga magnanakaw at berdugo.
Kulê: Ano ang inyong panawagan sa mga kandidatong tumatakbo ngayong Halalan 2022?
Inday: Panawagan namin [sa mga mananalo ngayong eleksyon,] sana bigyang pansin ang edukasyon ng mga katutubong. Buksan ulit ang Lumad schools. Bigyang pagkakataon ang libo-libong estudyante na makapag-aral ulit. Siyempre, para sa mga kandidato, sana dapat tugunan nila ang pangangailangan ng iba’t ibang sektor.
Buwagin ang NTF-ELCAC, dahil dagdag pahirap lamang sila sa pagkilos at pagtatanim namin. Paalisin ang mga militar sa mga komunidad na tanging dulot ay takot sa sa aming mga katutubo. Higit sa lahat, hinihiling namin na makamit ng New Bataan 5 ang hustisya sa kanilang pagkamatay sa ilalim ng pandadahas ng estado. ●
*Hindi inilathala ang kanilang buong pangalan para sa kanilang seguridad.