Natural ang pangangamba sa oras na sumubok tayong pumadyak sa lansangan. Bukod sa kakulangan ng mga bike lane at bike ramp, mapanganib din ang kalsada sa siyudad dahil sa mga baku-bakong daan, malalaking manhole at mga posteng nakatirik sa gitna ng mga bangketa. Ngunit minsan mas matimbang kung bakit pinipili nating pumadyak pasulong kahit mahirap.
Sa pagtatrabaho upang maiahon ang buhay mula sa hirap, binagtas ni Mae Ann Reginaldo ang lansangan sakay ang kaniyang bisikleta. Paraan naman maghilom sa nakaraan ang pagbibisikleta para kay Ann Angala, co-founder ng Bikers United Movement (BUM), isang domestic violence survivor.
Mula sa dating pakikipag-agawan ng upuan sa jeep at paggastos nang malaki para sa krudo ng sasakyan, tuluyan na nilang niyakap ang pagbibisikleta. Magkaiba man ng dahilan, pareho lang ang kanilang naging tugon kung iniisip pa ba nilang bumalik sa dating paraan ng pagbiyahe, “Bakit pa kami babalik sa dati?”
Di Marating nang Nakayapak
Nang panandaliang huminto ang normal na buhay ng kalakhan dahil sa COVID-19, maging mga tsuper at bus driver ay tumigil pasada muna. At dahil sa kawalan ng maayos na polisiya para sa pampublikong transportasyon, nauwi sa paglalakad ang maraming esensyal na manggagawa at frontliner.
Ang hindi kayang marating sa paglalakad ay kanilang nararating sa pagpepedal. Liban sa tanging paraan upang makapasok sa trabaho, naging esensyal ang pagbibisikleta nitong pandemya sa paghahatid ng esensyal na pangangailangan tulad ng pagkain at gamot.
Bago pa man ang pandemya, esensyal na ang pagbibisikleta para kay Mae Ann. Takot sa masisikip na lugar si Mae Ann kaya tanging pagbibisikleta ang inaasahan niya bilang moda ng transportasyon. Iwasan man niya ang takot sa punuang bus at masikip na jeep, hindi pa rin nawawala ang kanyang pangamba tuwing bumibiyahe.
Noong 2021, naitala ang 2,397 aksidenteng sangkot ang mga siklista, 33 sa bilang ay nauwi sa pagkasawi, habang 726 ay sanhi ng side swipe; dahil minsa’y putol at may nakaharang sa mga bike lane, napipilitan ang ibang siklistang lumipat ng linya.
Mas nakadisenyo ang kasalukuyang sistema ng transportasyon ng bansa sa pagbibigay-daan at espasyo para sa mga pribadong sasakyan kaysa bisikleta o pampublikong sasakyan. Upang maibsan umano ang trapiko sa bansa, pinalalawak ang mga kalsada ngunit lalo lang itong nagpaparami ng pribadong kotse sa daan, at lalong nagpapabigat ng trapiko.
Kumpara sa isang jeep na maaaring maglaman ng 20 katao o bus na may 50 upuan, kaunti lang ang kasyang pasahero sa isang sasakyan. Kaya kung mga pribadong sasakyan ang hinihikayat ng mga proyektong ito, malinaw na hindi prayoridad silang may alternatibong moda ng paglalakbay at mga commuter sa daan.
“We have to create traffic situations na respetado ang pedestrians. Kung kailangan pang paakyatin at alisan ng pedestrians ang commuter, whereas cars are free flowing, you don’t make it safe for them,” ani Angala tungkol sa car-centric na siyudad sa bansa.
Mararating ng Pagpadyak
Sa ibang bansa, isa ang bisikleta sa mga primaryang moda ng transportasyon. Kabilang ito sa isinusulong ng Sustainable Urban Mobility Planning (SUMP): pagpaplano ng transportasyon sa isang siyudad na prayoridad ang maayos na mobilidad para sa mga commuter. Nananatili pa ring teorya ang SUMP sa bansa, ngunit hindi imposibleng makamit ito.
Umarangkada noong dekada 70 ang pagdami ng kotse sa Netherlands. Naging mapanganib ang mga kalsada sa siyudad at nagresulta ito sa pagdami ng aksidente sangkot ang mga siklista, kung saan 400 sa nasawi ay mga kabataan. Nagkaroon ng pagkilos sa Netherlands at tinawag itong Stop De Kindermoord ng mga nagprotesta.
Hindi lamang sa mga lansangan naging matagumpay ang pagkilos na ito. Naitatag ang unyon na Real Dutch Cyclists, at ipinaglaban nito ang ligtas na kalsada at gusali para sa pagbibisikleta. Sa paglaon ng panahon, tuluyan nang niyakap ng gobyernong Dutch ang sustenableng alternatibo moda ng transportasyon. Ngayon, kilala ang Amsterdam, kabisera ng Netherlands, bilang Cycling Nation sa buong mundo.
Mahalagang mai-angkop sa konteksto ng sariling panahon at lugar ang SUMP para ito’y magtagumpay. Ito ang babala ni Luca Bertolini, isang mananaliksik ng urban transport sa Amsterdam, sa kanyang pag-aaral sa SUMP. Habang nagkakaroon ng pangmatagalang plano para sa sustenableng moda ng transportasyon, nagkakaroon rin dapat ng unti-unting pag-angkop upang mapadali ang transpormasyon.
Isang hakbang ang pag-angkop sa mga gusali at kalsada para sa mga siklista—hindi pagpapatayo ng mga expressway, tulad ng proyektong PAREX, na magpapadami lamang ng pribadong sasakyan sa kalsada. Dapat ding nasisiguro ang maayos na pagpapatupad ng mga ordinansa bilang proteksyon sa mga siklista’t commuter.
Tungo sa Malayong Tiyak
Importanteng kasangkot ang ordinaryong Pilipino sa mga proyektong pantransportasyon sa bansa, ngunit maging aktibong partisipasyon ay nagiging kahirapan dahil bumubulusok na lang ang pagraratipika sa mga ito nang walang pasintabi sa atin.
Marami nang sinimulang proyekto si Angala. Kasama ang mga kaibigan at volunteers, nakapagpahiram sila ng mga bisikleta sa mga manggagawa at frontliners nitong pandemya. Nakapagtayo rin sila ng pop-up bike lanes sa Commonwealth. Sa kasalukuyan, ipinagpapatuloy nila ang pagsulong para sa mas ligtas na kalsada para sa mga siklista.
Gamit ang teoryang diffusion of innovations, naipaliwanag sa pag-aaral nina Eileen Nehme, propesor sa Amerika, kung paano mae-enganyo ang isang komunidad sa pagbibisikleta. Bagaman nananatiling susi ang patuloy na pagpapakalat ng impormasyon, mahalaga rin ang maipamalas sa positibong paraan ang mabuting dulot nito para sa sarili at komunidad.
Ni minsan, hindi nakaramdan ng pangni-nino si Reginaldo sa nakakasalamuhang biking community. Bilang paraan ng pakikihalubilo, minsang isang grupo silang bumiyahe. Sa komunidad kung saan siya kabilang, malaya ang kapwa-siklistang tulad niya na magtanong at magbahagi ng kaalaman at karanasan sa pagbibisikleta na maaaring matutunan ng iba.
“Tulad ko, isang ordinaryong Pilipino, madalas simple lang yung bike nila. Iniingatan at mamahalin nila yung mga yun, hindi dahil sa status symbol. Nagkakaroon ito ng attachment sa kanila dahil sa naibibigay na ginhawa nito sakanila,” ani Reginaldo
Malayo pa tayo sa realidad ng sustenable, ligtas, at maka-masang transportasyon. Ngunit unti-unti nang nagkakaroon ng aktibong partisipasyon ang mga siklista sa pagsulong nito. Hamon na lamang ngayon ang patuloy nating pagpadyak sa ngalan ng maginhawang byahe. ●