Malaon nang tagibang at taliwas sa atin ang mga kinikilala nating ligal na sistema. Ang mga demokratikong institusyon, ang mga batas, ang lahat ng nagpapanatili ng anila’y kaayusan at demokrasya ay, sa katunayan, nakaangkla sa interes ng mga nagmomonopolyo ng kapangyarihan sa bansa.
Kaya bagaman may pag-asang hinatid ang mga progresibong kandidato ngayong halalan, alam natin ang mga limitasyon nito. Lalong naging mahirap ang pakikibakang parlamentaryo dahil, sa buong panunungkulan ni Duterte, sinikap niyang pakiputin ang demokratikong espasyo sa bansa, at kontrolin ang pampulitikang kapangyarihan sa bansa. Nagtanim siya ng mga kaalyado sa Kongreso at gabinete, itinuring na kalaban ng estado ang mga progresibong pulitiko’t mga partido, at pinilay ang mga mekanismong nagsisigurong walang kapangyarihan ang maiipon sa kamay ng iilan.
Ngunit ang proyektong pagbabalik-kapangyarihan ng mga Marcos ay di lang napasimulan sa termino ni Duterte. Ito ay ilang dekadang proseso ng pagsasamantala sa mahihinang institusyon at mga nagdaang rehimen na di pinaigting ang pananagutan sa mga nagkasala sa bayan.
Nasaksihan natin, bago pa magpasyang tumakbo si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagkapangulo, kung paanong kinatigan na ng mga institusyon ang pamilya nila. Madali silang nakabalik sa Pilipinas bagaman pinatalsik ng taumbayan si Ferdinand Marcos. At ilang taon pagkatapos, nasamsam nila ang kapangyarihan sa lokal na pamahalaan, hanggang sa nakakuha na rin sila ng pwesto sa antas ng nasyunal. Itong pagkakaroon nila ng kapangyarihan ang siya na ring naging dahilan bakit lagi nilang natatakasan ang mga hatol ng korte sa kanila.
Ang kakayahan nilang umokupa ng mga pampublikong posisyon sa kabila ng pandarahas at pagnanakaw nila noong dekada ’70 at ‘80 ay resulta naman ng pagpapalabnaw ng mga institusyong pang-edukasyon sa kasaysayan. Walang naging institusyunal na hakbang upang pormal na maitala at maituro ang Batas Militar, kaya madaling baliin at baluktutin ang naratibo.
Sinikap ni Duterte na alisin ang kumpiyansa ng mga tao sa midya at akademya sa pamamagitan ng pangre-red-tag at paninira sa kanila. Ngayon, sa kabila ng pagkukumahog ng mga institusyong ituwid ang mga walang katotohanang kwento sa social media, hindi pa rin halos tinatablan ang mga talagang lunod na sa maling impormasyon.
Kaya naman humantong tayo sa puntong ito, kung saan nagbunga na ang proyekto ng mga Marcos. Sa pagpapagamit na rin ng Commission on Elections, na nagpikit-mata sa katotohanang hindi dapat pinatatakbo ang mga kriminal na gaya ni Bongbong, naluklok at babalik sa Malacañang ang latak ng bayan.
Ito ang rason ng di natin pagtanggap sa pagwawagi ni Bongbong sa halalan. Hindi ito dahil bigo ang oposisyong sinuportahan ng mga progresibo. Bagkus, bukod sa tigib ng iregularidad at kaguluhan ang eleksyon noong Mayo 9, hindi masasabing demokratiko ang naging pagpili lalo’t hindi gumagana ang mga demokratikong institusyon, at naging malaya ang mga Marcos na ikondisyon ang isipan ng taumbayan base sa mga kasinungalingan.
May naging pandaraya man–na hindi natin ikakaila sa mga gaya ng mga Marcos–o wala, nananatiling di katanggap-tanggap ang pagbabalik sa kapangyarihan ng mga taong minsan nang pinatalsik ng nagkakaisang taumbayan. Tumatanggi tayong patuloy na sumailalim ang bansa sa ilang taong paghihirap at pandarahas, walang kalayaang magpahayag, habang ang mga maykapangyarihang crony ni Marcos ay nagpapakasasa sa kaban ng bayan.
May panawagan ang mga kabataang estudyante ng walkout, at ang iba pang sektor ng kampuhan kontra dahaan sa pagkakataong ito. ‘Pagkat kinikilala nating sa bawat araw na nanatili sa poder ang mga Marcos, maging ang mga Duterte, isang buhay ang maaaring mawala, ilang pamilya ang maaaring wala na namang makain, ilang manggagawa ang mamumuhay ng isang kahig isang tuka.
Wala nang dapat pang patunayan sina Bongbong. Gaya ng wala siyang ginawa para iangat ang buhay natin sa laylayan sa maraming taon niyang pag-upo sa pamahalaan, panigurado’y ang prayoridad niyang paasensuhin sa termino ay ang sarili lang niyang mga interes at ng pamilya niya.
Ang pagwasak ng iilang maykapangyarihan sa mga demokratikong institusyon ay nagresulta sa posisyon natin ngayon—ang tanging hinaharap na kinabukasan ay lalong pagdarahop. Sa gayon, esensyal na bago pa man lubos at tuluyang makuha ni Marcos ang kapangyarihan ay magmobilisa na ang mamamayang ayaw bumalik sa panahon ng kadiliman. Ang ating pagtutol ay marapat na magmateryalisa ngayon, hindi sa susunod pang anim na taon. ●