By THE PHILIPPINE COLLEGIAN
Parang trumpong tuliro ako nang matanggap ko ang sulat galing sa UP. Anak ng putsa—pasado ako! Hindi ko akalain. Naaala-ala ko pa nu’ng lumabas ako ng silid na pinagkunan ng UPCAT. Nangangalog ang tuhod at nanlalata. “Palpak,” sabi ko kay daddy na siyang sumundo sa akin, “ngayon ko lang narinig ‘yung mga tanong sa Biology. At saka ‘yung non-verbal, halos maduling ako.”
Umuwi ako noon na masamang-masama ang loob. Alam kong wala nang pag-asang matanggap pa ako sa UP. Sayang. Noon ko pa pinapangarap ang makapag-aral sa UP. Ay! Mag-uuniversity belt pa yata ako.
Pero heto ngayon, maliwanag na mangyaring magsadya raw sa pamantasan sa a-uno ng Hunyo para kunin ang aking admission slip. Kilig to the bones!
Kaya lang, ayaw ni mama na mag-UP ako. Okey na raw sa kanya kahit nasa UP ang masugid kong manliligaw. Pero talagang hindi niya masikmurang pumasok ako sa UP. Wala raw akong matututuhan kung hindi boycott at demo. Baka maging aktibista pa raw ako. Supersibo. Hindi raw niya mateteyk kung magkaganoon dahil kaisa-isa niya akong anak na babae. Kaya, no no no no no! Kahit anong pamantasan daw, huwag lang University of the Philippines.
Kaso, talagang type ko ang mag-aral sa UP. Napakatanga ko naman kung tanggap na ako, ‘di pa ako rito papasok. Aba, sa bawa’t sampung kumuha ng UPCAT, isa lamang ang kinukuha. Tuloy, ang nangyari, katakut-takot na drama, pilitan at pangako. “Pangako mommy, hindi ako mag-boboycott at magdedemo. Hindi rin ako magiging aktibista…Sige na naman o…Pumayag ka na…At mababa ang tuition fee sa UP…”
Ewan kung mahusay akong magdrama o ano, sa wakas ay napilit ko rin si mommy. Payag na siya. Royal celebration na!
Eh ‘di…pila…tayo…pagod…hubad…pila…pila na naman…walang katapusang pila…
Ngayon, freshman na ako. “Bagong iskolar ng bayan,” ika nga. Kilig na naman to the bones. Pero dapat tandaan ang mga pangakong binitiwan kay mommy.
At dahil freshman, mahilig pa. Lahat ng activities, sali. Lahat ng sosyalan, punta. Aral nang kaunti, pabagsak-bagsak sa eksamen, tambay dito, lamierda doon. Nguni’t kahit papaano, aliw na aliw naman.
Ilang buwan na ba ako sa UP? Sus at dadalawang buwan mahigit lang pala. Akala mo eh kay-tagal na.
Sa dalawang buwan na inilagi ko rito, marami akong natutuhan. Mapakabutihan o mapakalokohan. Marami rin akong naging bagong karanasan. Tapos, medyo najojokla pa ako. Ay enjoy! Pero higit sa lahat, namulat ang mga mata ko sa mga nangyayari sa kapaligiran ko, sa kapwa ko.
Dati-rati, anong pakialam ko kung bulldozerin ng tauhan ni V. V. Soliven ang lugar ng Kaingin? Anong pakialam ko kung namatay si Dingcong? Basta ako—buhay, may buhay, kumakain, naglalamierda, at iba pa. Pero ngayon hindi na. Nagtatanong na rin ako. Bakit nagkaganoon? Bakit naghihirap ang nakakarami sa atin? Sino ang may kasalanan? Bakit may Daet Massacre? Bakit nauso ang salvage? Bakit kamatayan ang hantungan ng mga taong tulad ni Magtanggol S. Roque? Bakit hindi tayo puwedeng magsabi ng katotohanan? Bakit kung mangahas ka ay nasisisante ka sa trabaho o dili kaya’y Bicutan ang bagsak mo? Ganito na lamang ba palagi?
Wala na ba tayong pag-asa? Hindi ba napapanahon upang lalong pagtibayin ang pagkakaisa, upang lalong mapagtibay ang pakikibaka?
Noong isang linggo, sinesermonan ako ni mommy. Malaki na raw ang pinagbago ko. Hindi na raw ako tulad ng dati. Ngayon ay maldita na raw ako—nangungunsumisyon at nagpapaproblema na. Ano raw ba ang nangyayari sa eskuwela at bakit ayaw ko nang magpasundo? Bakit daw kung minsan ay inaabot ako ng alas-siyete ng gabi bago umuwi. Siguro raw nakikisali ako sa mga aktibista. Subukan ko raw at lagot ako. Higit sa lahat, nasaan daw ‘yung mga binitiwan kong pangako? Akala ko raw ay napakadunong ko na at sobra ang tiwala ko sa aking sarili.
Malaki nga ba ang pinagbago ko? Ewan ko. Nguni’t kung meron man ay masama ba? Masama ba ang mamulat sa katotohanan at umasam ng pagbabago sa umiiral na pamamalakad?
Tanong ko sagot ko. Hindi naman siguro. Malaki na naman ako. May-isip na. Alam ko ang ginagawa ko. Alam ko kung alin ang tama at alin ang mali. Hindi naman sa sobrang dunong ko na o sobra na ang tiwala ko sa aking sarili, kaya lang hindi ko maiwasang makita ang kahirapan na dinaranas ng kapwa ko, ang kaapihang nilalasap ng mga dukkha sa kamay ng mga nakakaangat sa lipunan. Hindi ko maiwasang makita ang kabulukan ng sistema natin.
Hindi ko sinasadyang sirain ang pangako ko mommy. Huwag ka sanang magagalit at sana’y maunawaan mo kung bakit nakikihanay ako sa mga kabataang tulad ko’y nakikibaka; kung bakit ako nakikisama sa mga taong tulad ni Renie Posas na tinalikuran ang salaping iaakyat ng pagiging isang inhinyero. Sa kanila mommy, marami akong natutuhan. Sa kanila, marami akong naunawaan. Sa kanila mommy, natuklasan ko na ang lalong mas malaking mundo ay wala sa pamantasan.
Patawad mommy, kasi hindi ko maiwasan…
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-11 ng Disyembre 1981, gamit ang pamagat na “Pangako.”