By JT TRINIDAD
Sa Kapdula na nagkamalay at namulat si Ronnie*. Mula pagkabata, tumutulong na siya sa kanyang ama sa pagsasaka. Kaya naman nang kailangang may humalili sa trabaho, siya na ang umako nito.
Limang taon na ang lumipas nang magsimula siya. Limang taon ito ng 12 oras na pagbibilad sa araw para kumita ng 1000 piso kada ani, kung saan ibabawas pa rito ang pinampuhunan niya. Pagkakasyahin niya ito para buhayin ang kanyang tatlong anak na nag-aaral pa. Sa limang taong ‘yon, di lang ang init ng araw, mga pesteng sumisira sa pananim, at mga karag-karag na kasangkapan ang naging problema niya.
Hinarap din ni Ronnie ang pandarahas—nabuwal ang mga pananim at nasira ang mga kubol nilang mga magsasaka sa taniman—sa kamay ng mga guwardya ng JAKA Investment Corporation (Jaka), grupong bumubuo sa 22 iba’t ibang kumpanya na pagmamay-ari ng pamilya Enrile.
Isa si Ronnie sa 62 residente ng Lupang Kapdula sa Dasmariñas, Cavite na nanganganib na tuluyang mawalan ng tahanan at kabuhayan. Dahil ito sa pangangamkam ng Sta. Lucia Realty Development Inc. na sinisimulan nang itayo ang Nueva Vida, isang 155-ektaryang proyekto ng South Cavite Land Company Inc. (SCLCI). Mahigit 30 ektarya na nga ang ginawang konkretong kalsada sa naturang espasyo.
Sa misyon ng mga malalaking negosyo na magtayo ng mga komersyalisadong tirahan upang bumuo ng isang “komunidad,” kasabay nito ang pagkawala ng isa ring komunidad ng mga magbubukid na nagnanais lang ding mamuhay nang may dignidad at sapat na rekurso.
Pagpupunla ng Binhi
Mula 1976 hanggang ngayon ay kalabaw at araro pa rin ang kasangga ng mga magsasaka ng Kapdula. Hirap din sila sa patubig dahil sa kawalan ng irigasyon, kaya napipilitan silang mag-ipon ng tubig-ulan para sa tag-init kung saan tigang ang sakahan. Buhat nito, tanging mga gulay gaya ng talong, mais, at sitaw lang ang kanilang pwedeng itanim. Taliwas ang ganitong karanasan sa mga pangakong pauunlarin daw ng gobyerno ang mga pasilidad at kagamitan ng mga magsasaka sa Kapdula.
Isa rin sa mga ipinangako sa kanila ang pamamahagi ng lupa batay sa napagkasunduan ng Samahan ng Magbubukid ng Kapdula (SAMAKA) at ng mga kumpanyang Sta. Lucia, Jaka, at SCLCI sa ilalim ng isang joint venture agreement.
Pumasok sa nasabing kasunduan ang mga residente limang taon matapos igawad ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa SAMAKA ang dalawang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) noong Marso 1991. Nakasaad dito na pagmamay-ari ng mga residente ang 155.7 ektaryang lupa sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Lingid sa kaalaman ng SAMAKA, naging daan pala ang mga “attendance sheet” na pinirmahan nila sa mga pulong kasama ang SCLCI upang mailipat nang tuluyan sa kumpanya ang pagmamay-ari ng lupa.
Simula noon, naghain na ng kabi-kabilang petisyon ang mga residente. Nitong Abril lang, nagkaroon ng resolusyon na nagkakansela sa naunang land conversion order. Binanggit din dito na dapat nang ipamahagi sa ilang mga magsasaka ang mga bahagi ng lupang di pa nililinang.
Subalit, sa kabila ng desisyon ng DAR, patuloy pa rin ang banta sa mga magsasaka. Bukod pa sa mga tensyon dahil sa agawan ng lupa, nakararanas din sila ng diskriminasyon sa labas ng Kapdula.
Paghihintay sa Pagsibol
Napipilitan ang maraming magsasaka sa Kapdula na makipagsapalaran at maglatag ng mga paninda sa palengke, kung saan itinataboy din sila. Manipis na swelas ng tsinelas na lang ang naiuuwi ni Aling Lita*, 55, sa tuwing babalik siya mula sa palengke. Ipinagmalaki niyang napagtapos niya ang kanyang mga anak sa pagsisitaw at matinding pagsasakripisyo.
“Magtinda ako sa palengke, palayasin man [nila] ako,” aniya. Pinapalayas sila ng mga katiwala ni Mayor dahil hindi sila nagbabayad ng upa sa pwesto. Kasabay ring kinukumpiska at kinukuha ang kanilang mga pananim.
Hindi inaprubahan ng lokal na munisipyo maging ang kanilang kahilingang masustentuhan ng dagdag kagamitan tulad ng traktura. Hindi nakararating sa mga magsasaka pati ang mga spray, binhi, at itak na ibinibigay ng gobyerno. “Kani-kanila lang, ’yong iba ata binebenta,” ani Aling Lita.
Di rin sila ligtas sa abuso mismo sa kanilang komunidad. Madalas silang pinagmamatyagan ng mga pribadong gwardya ng Jaka na naka-istayon sa magkabilang dulo ng kabahayan nila. Kung kaya’t di rin nila maiwan ang mga kubo nang walang bantay sa pangambang pagbalik nila ay giniba na ang mga ito. Matagal na silang pinagbawalang magtayo ng iba pang mga permanenteng istruktura roon.
Sa kabila ng panggigipit, ginawa itong motibasyon ng mga residente upang manatili sa Kapdula at ipagpatuloy ang kanilang pagsasaka bilang pagtindig sa kanilang karapatan.
Pag-aani ng Tagumpay
Nagprotesta ang SAMAKA sa pamamagitan ng balik-saka o bungkalan simula noong Oktubre 2016, kung saan nagtanim sila ng iba’t ibang uri ng mga halaman sa daan-daang ektaryang tiwangwang na lupa. Di nila alintana ang takot na lalo silang harasin ng mga ahente’t gwardya, dahil wala na ring mawawala sa kanila: Higit 10 taon na silang pinagbawalan ng SCLCI na magtanim dahil sa nakaplanong proyekto sa erya.
Hindi ito naging balakid para patuloy silang maghain ng mga petisyon. Bagaman pabor sa kanila ang kasalukuyang resolusyon makalipas ang tatlong taong paghihintay, batid ng marami na hindi lang sa mga dokumento at desisyon ng gobyerno nagtatapos ang mithiin ng mga magsasaka.
Para sa kanila, ang tunay na resolusyon ay ang pagbibigay hustisya sa lahat ng pagsasamantalang natanggap nila mula sa mga kumpanya. Ito ay makakamtan di lang sa mga ligal na instrumentong pumapanig sa kanila, kundi higit, sa pamamagitan ng patuloy na pagkilos upang igiit ang kolektibong karapatan sa lupa at wakasan nang lubos ang panghihimasok ng pribadong interes.
Kung tutuusin, ang lupa nila’y pagmamay-ari pa ng kanilang mga ninuno, ani Ronnie — patunay na noon pa man, silang mga magsasaka na ang bumubuo sa Kapdula.
Sa Kapdula na rin namulat at nagkamalay ang mga anak ni Ronnie. Bata pa ang mga ito, tinuruan na niya sila sa gawaing bukid. Hindi man pagsasaka ang pangarap ng kanyang mga anak, buong pamilya pa rin nila at marahil ang mga susunod pang henerasyon ang makikinabang sa lupa kapag napagtagumpayan na itong bawiin ni Ronnie at ng kanyang mga kasama sa Kapdula. ●
*Hindi tunay na pangalan. Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong Agosto 27, 2019