By THE PHILIPPINE COLLEGIAN
Hindi maiikukubli ng anumang panlilinlang ang karahasan at pagsasamantalang bunga ng pananakop. Saksi ang kasaysayan sa dulot na panganib ng maka-isa at parasitikong relasyon sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Sa patuloy na pandarahas ng Estados Unidos, hindi sapat ang reporma sa mga kasunduan na kinapapalooban ng Pilipinas. Kahingian na ng panahon ang tuluyang pagbasura sa anumang ugnayan mayroon ang ating bayan sa dayuhang kapangyarihan.
Ayon kay Pangulong Benigno Aquino III, hindi umano dapat isakripisyo ang relasyon ng Estados Unidos at Pilipinas dahil lamang sa pagkamatay ng Filipinang transgender na si Jennifer Laude sa kamay ng isang sundalong Amerikano. Ang mismong pangulo pa ang mistulang kumakanlong at nagbibigay-proteksyon sa salaring sundalong Amerikano at sa neokolonyal na sistema ng Estados Unidos, na pilit pinalalabas na dapat ipagwalang-bahala at ibaon sa limot ang karahasang ito.
Ngunit ang karahasang sinapit ni Laude ay hindi dapat limutin sapagkat manipestasyon ito ng dobleng opresyon sa mga inaaping lesbian, gay, bisexual and transgender (LGBT). Bunga ng usaping patriarkiya at ng pagpapasailalim sa kapangyarihan ng dayuhang Amerikano sa porma ng mga kasunduan tulad ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Kaiba sa ibang biktima ng karahasan sa kamay ng mga sundalong Amerikano, higit na pinatatampok ngayon sa midya ang usapin ng pagiging transgender ni Laude, tinitingnan pa nga ito ng mga pulis na isa sa mga anggulo sa brutal na kamatayan ng biktima.
Kinilala ang suspek sa pagpatay kay Laude na si Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton, miyembro ng 3,500 mga sundalo at marinong nagsanay sa Pilipinas para sa taunang Philippines-US Amphibious Landing Exercise (Phiblex) na nagtapos nitong ika-10 ng Oktubre. Samantala, nananatili sa poder ng mga Amerikano si Pemberton, tila umaasang malulunod na lang sa limot ang karahasang ginawa niya kay Jennifer.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakaranas ng pandarahas ang mga Pilipino sa kamay ng mga sundalong Amerikano at sa ilalim ng neokolonyal na kapangyarihan ng Estados Unidos. Noong 2005 nangyari ang panggagahasa ng isang sundalong Amerikano, si Daniel Smith, kay ‘Nicole’ sa Subic. Ngunit pinalaya ang suspek at nagawang makabalik sa Amerika dahil sa kakulangan umano ng ebidensya at sa politikal na kapangyarihan ng Estados Unidos. Sa gitna nito'y malinaw na naipakita ang ugnayan ng VFA sa paglapastangan at pananamantala. Umigting ang panawagan ng mga Pilipino na ibasura ang VFA.
Sa ilalim ng VFA, binibigyang pagkakataon ang gobyernong Amerika na makapasok sa Pilipinas sa porma ng "joint military exercises" at "rotation" o paghahalinhinan ng mga tropang militar. Naitala din ang pagtaas ng bilang ng krimen laban sa mga progresibong grupo, ng paglabag sa karapatang-pantao, ng prostitusyon, ng panggagahasa sa mga kababaihan at ng mga kaso ng pagpatay bunga ng Balikatan. Sa kabila ng mataas na antas ng krimen, higit na pinalalawak ng gobyerno ang pribilehiyo ng mga dayuhan na makalabas-pasok sa bansa. Nito lamang Abril nang madaliang nilagdaan ng pangulo ang 10-taong EDCA sa pagitan ng US at Pilipinas na nagbibigay-pahintulot sa mga dayuhang Amerikano na magtayo ng permanenteng kampo sa bansa.
Sa ilalim ng kasunduan, walang kapangyarihan na pinanghahawakan ang korte ng Pilipinas sa anumang kasong kasasangkutan ng mga entidad ng Estados Unidos. Kaya tila pinawawalang-bisa ang anumang panawagan ng hustisya sa kaso ni Laude dahil nauna nang sinang-ayunan ng pangulo ang kondisyon ng imperyalistang Estados Unidos hinggil sa anumang kaso na kasasangkutan ng mga tropang Amerikano.
Bukod sa usapin ng ugnayan sa pagitan ng US at Pilipinas, maituturing ding "hate crime” ang nangyaring insidente kay Laude dahil sa pagiging transgender niya na isang kasarian na taliwas sa pangkaraniwang nakagisnan ng lipunan.
Pinatampok sa midya ang pagiging transgender ni Laude sa halip na pag-usapan ang karahasang nangyari sa kanya. Hindi labas sa pagiging transgender ni Laude ang karapatan niya bilang mamamayan ng bansa at bilang tao. Hindi iba ang laban ng hustisya para kay Jennifer at ang laban para biktima ng karahasan sa ilalim ng kapangyarihan ng sundalong dayuhan.
Hindi hiwalay ang isyu ng LGBT katulad ni Laude sa iba pang isyu sa lipunan tulad ng kahirapan, korapsyon at karahasan ng maraming Pilipino sa kasalukuyan. Mauugat ito sa pagpapatuloy ng isang lipunan na hinubog ng mga dayuhan at ang pagiging tao-tauhan ng administrasyong Aquino sa mga dayuhan.
Anuman ang nangyari kay Laude ay isang manipestasyon ng komplikadong sistema sa lipunan na hindi kailanman madadaan sa reporma. Makatwiran lamang na magalit ang mga mamamayan sa gobyerno dahil sa patuloy na "lip service" nito sa mamamayan. Ni hindi kayang harapin ng pangulo ang publiko. Nagmamalaki pa niyang sinabi na hindi siya dumadalo sa burol ng mga taong hindi niya kilala.
Tila walang nakuhang aral ang pangulo mula sa karahasan na dinanas ng maraming Pilipino sa isang daang taong pananatili ng sundalong Amerikano sa bansa, VFA at ngayon naman sa EDCA. Matagal nang nangyayari ang karahasan o hate crimes hindi lang sa mga transgender o gay kundi pati sa mga kababaihan na pangunahing biktima ng karahasan, at sa mamamayang Pilipino na biktima ng karahasan ng estado.
Hindi nakukulong sa usapin ng pagiging transgender ni Laude ang nangyaring pagpatay sa kanya. Usapin ito ng pagkukulang ng administrasyong Aquino na mapangalagaan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino at ang soberanya ng bansa. Anuman ang kasarian ni Laude hindi kailanman magiging makatarungan ang pagpatay sa kanya.
Sa kawalan ng ganap na paglaya, nagpapatuloy ang pagbalikwas. Noon pa man nakasalabid na ang salaysay ng karahasan sa kasarian sa laban ng bayan sa pagkamit ng kalayaan mula sa mga dayuhang mananakop at ang pagpapatuloy ng mga kasunduang kumikitil sa kalayaan at sa kaginhawaan ng bawat Pilipino.
Dahil sa isang bayang lumalaban para sa kalayaan, hindi maikukubli ng anumang panlilinlang ang karahasan at pagsasamantalang dulot ng pananakop. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-7 ng Nobyembre 2014, gamit ang pamagat na “Transpinas.”