Mahigit 400 biktima ng Oplan Tokhang noong 2021, 121 indibidwal na minasaker, at 700 bilanggong pulitikal sa bansa ang iilan lamang sa mga lilisanin ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kanyang anim na taong termino. Walang anumang resolusyon sa mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, itong kawalang-katarungan umano ang magiging legasiya ng pangulo, ayon sa 48-pahinang ulat ng Commission on Human Rights hinggil sa estado ng karapatang pantao sa ilalim ni Duterte na inilabas noong Mayo.
Alamin sa dalawang kaanak ng biktima ng karahasan kung paano nila lalagumin ang pagtrato ni Duterte sa karapatang pantao at kung paano uusad ang kanilang panawagan para sa hustisya.
Silang Pinaslang
Dalawang taon na mula nang patayin ng mga hindi kilalang motorista ang ama ni Lean Porquia, si Jory Porquia, regional coordinator ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa Panay. Bago pa mismo ang naging pagpaslang, mainit na sa mata ng estado si Jory gayong aktibo siyang organisador sa lugar magmula pa noong Batas Militar kung kailan dalawang beses siyang nakulong.
Dalawang taon mula ang pagpaslang, patuloy ang pagdadalamhati nina Lean at kanyang kapatid, gayong wala pa ring hustisya na naibibigay sa kanilang padre de pamilya.
“We haven’t gone through the process of grieving, but here we are facing the same challenge na ipanawagan yung hustisya para kay tatay, with another fear of a Marcos government na every single thing happened under Duterte will just continue,” ani Lean.
Huli pa umanong inasikaso ng mga opisyal ang kaso ni Jory noong iapela itong maisama sa mga iimbistegahang insidente ng pagpatay sa mga aktibista’t kasangkot sa pulitikal na gawain sa ilalim ng Administrative Order 35.
“Pinakamasakit doon ay wala na nga silang ginagawang tungkol sa kaso, na-reduce pa yung mga motibo kung bakit pinatay si tatay. Nung una, biktima lang daw ng petty crime na pagnanakaw, tapos we just learned that the case was already closed when the police gave another angle na there is another woman involved,” ani Lean.
Para kay Lean, biktima ang kanyang ama ng “Oplan Tokhang” ng administrasyong Duterte sa mga aktibista. Inamin ng gobyerno na meron nang 6,252 nasawi sa giyera kontra droga. Tinataya namang umabot ang bilang ng extrajudicial killings hanggang 30,000, batay sa isinumiteng datos sa International Criminal Court (ICC).
Inaasahang hindi magtatapos sa administrasyong Duterte ang Tokhang gayong nagpahayag si Ferdinand Marcos Jr. na ipagpapatuloy niya ang programa. Mas lalo ding iilap ang hustisya para sa pamilyang Porquia at sa kapwa nilang biktima ng pagpaslang dahil ayon kay Marcos, hindi tutulungan ng kanyang administrasyon ang imbestigasyon ng ICC hinggil sa mga pagpatay na magiging batayan sana sa pagpapakulong kay Duterte.
Pangamba ang nararamdaman ni Lean hinggil dito sapagkat tiyak na masusundan pa ang mga atake hindi lamang sa kanilang pamilya kundi maging sa mga aktibista. Magmula kasi noon, tinangkang patayin sa pananaksak ang abogadong rumesponde sa kaso ni Jory, inaresto ang kapatid ni Lean habang nasa protesta laban sa pagpatay sa kanilang ama, at si Lean mismo ay sinampahan ng gawa-gawang kasong human trafficking at child abuse and exploitation.
Sa kabila nito, pinipili pa rin ng mga Porquia na ipagpatuloy ang panawagan para sa hustisya at pagpapanagot sa administrasyon ni Duterte. Inihain ding ebidensya ang pagpatay kay Jory sa kaso sa ICC upang patunayan ang paglabag ni Duterte sa karapatang pantao.
“There are days we cannot speak, even utter a word, nor sleep. Napag-uusapan namin ng kapatid ko na ‘what if what happened to tatay happens to us?’” Ani Lean. “The last two years were really a struggle for us dahil we feel so vulnerable everytime na may nababalitang pinapatay o pinapakulong na aktibista kasi we’ll never know kung kami na yung susunod.”
Silang Pinakulong
Malaking tulong para kay Mark Ryan Cruz, isa sa mga inaresto noong Human Rights Day 2020, ang regular na makatanggap ng liham mula sa kanyang anak para ipagpatuloy ang buhay sa kulungan. Magdadalawang taon na siyang nakakulong at walang usad ang kaso kung kaya hindi man lang niya magabayan sa paglaki ang kanyang anak.
Sinampahan ng gawa-gawang kasong illegal possession of firearms and explosives si Cruz kasama nina Lady Ann Salem, editor ng Manila Today, at lima pang unyonistang sina Romina Astudillo, Rodrigo Esparago, Joel Demante, Jaymie Gregorio Jr., at Denisse Velasco. Dinidinig pa rin hanggang ngayon ang kaso ng mga inaresto maliban kina Salem, Esparago, at Velasco na ibinasura na ang kaso at pinalaya.
Dagok para sa asawa ni Cruz na si Ella Durana ang mag-isang itaguyod ang kanilang pamilya. Bukod sa kakapusang pinansyal at moral na pagkalugmok, mahirap palakihin ang kanilang anak na walang presensya ni Cruz. Kung kaya, inaasa na lamang ng kanyang anak sa pagsusulat sa diary ang pagtatala ng kanyang nalalaman tungkol sa ama kada matatapos ang kanilang pagbisita sa kulungan ni Cruz sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Isa si Cruz sa 702 bilanggong pulitikal sa bansa, ayon sa datos ng Kapatid, isang grupo ng mga kaanak ng bilanggong pulitikal. Sa ilalim ng administrasyong Duterte, maraming pamilyang katulad nila Cruz ang pinahirapan at namatayan ng mahal sa buhay sa kulungan dahil sa pagtrato ng gobyerno sa mga aktibistang ipinakulong.
Inulan ng pagkundena noong 2020 ang pagkamatay ni Baby River, anak ni Reina Mae Nasino na hinuli sa parehong kaso kina Cruz. Namatay si Baby River dahil sa pagkawalay sa ina nang ibasura ng korte sa Manila ang apela ni Nasino na alagaan ang anak habang sanggol pa ito. Maging sa lamay ng yumaong anak, naging mahigpit ang korte na naging dahilan para magkaroon ng komosyon habang nagdadalamhati ang ina.
“Itong lahat ng pagtrato ni Duterte sa karapatang pantao ay tanda lamang na bigo ang kanyang administrasyong tugunan ang daing ng taumbayan na syang ipinaglalaban ng mga aktibista … Isa syang malaking duwag sa isang makatwirang labanan ng prinsipyo, paninindigan at programa para sa pagpapabuti ng bayan,” ani Durana.
Napipinto pa ang mas mahabang pagkakakulong nina Cruz gayong dinidinig pa rin ang kanilang kaso. Subalit sa kabila ng mga kabiguan at pagpapahirap sa mga bilanggong pulitikal, nagtagumpay ang pagkilos nila Cruz na “Padlock Under Protest” para mailipat sila mula sa Annex 2 ng BJMP patungong Annex 4 kung saan kasalukuyan silang nananatili. Mas maayos na ang pagtrato sa kanila rito, at kasama na rin nila Cruz ang iba pang bilanggong pulitikal.
Sa lahat ng paglabag ni Duterte, naninindigan si Lean at Durana na walang ibang paraan para mapanagot ang pangulo kundi sa kanyang pagkakakulong. Hamon umano sa ngayon ang patuloy na kundenahin ang mga paglabag sa karapatang pantao habang bumubuo ng matibay na kaso laban sa pangulo, sa loob o labas man ng bansa. Bagaman magiging mahirap ang pagkamit ng hustisya sa ilalim ng susunod na administrasyon, magpapatuloy ang kanilang paniningil habang malaya si Duterte.
“Kailangan mas maging matatag dahil hindi matatapos [ang laban] sa pagpapalaya sa kanya (Cruz), kundi hanggang sa tagumpay ng aming itinataguyod na hustisya–ang pagpapakulong kay Duterte at ang solusyonan ang mga [idinadaing ng mamamayan na] dahilan bakit maraming bilanggo ang kinukulong at pilit na pinapatahimik.” ani Durana. ●