Handa nang sumuong sa giyera ang mga estudyante. Hawak ang inimprobisang molotov at pillbox, nag-aabang sa likod ng barikada, naghihintay na umatake sa mga pulis at sundalong nagmamartsa sa University Avenue. Sa ilalim ng diktadura ni Marcos Sr., laboratoryo ng rebolusyunaryong praktika ang unibersidad.
Higit limang dekada na mula nang itayo ng mga estudyante ng UP ang mga barikada, at muling bumabalik ang mga kondisyon upang muli itong itindig. Laganap ang krisis, muling sinusuyod ng mga pwersa ng estado ang pamantasan, at nasa kapangyarihan ang isang Marcos. Nagbabago ang mukha ng nakaupo, nakakaisip ng bagong estilo ng pandarahas, ngunit nananatiling nagmamatyag ang mga kabataan- estudyante, handang magmobilisa anumang oras.
Sa nalalabing panahon ni Duterte sa pwesto, epektibo niyang inihanda ang bansa para sa kanyang kapalit. Ang resulta ng halalan noong Mayo ang kulminasyon ng anim na taong pagnonormalisa ni Duterte sa pandarahas at pagsira niya sa mga demokratikong institusyon. Nanaig sa araw ng eleksyon ang kasinungalingan sa katauhan ni Bongbong Marcos. Gamit mismo ang pondo ng taumbayan at pampublikong ahensya, ipinalaganap ang disimpormasyon at paninira laban sa mga progresibong kandidato.
Nag-imbento rin sila ng mga kwento gaya ng pamamahagi ng Tallano gold o di kaya pagpakete sa mga Marcos bilang mga itinalaga ng diyos upang iligtas ang bansa—lahat ginawa upang mabura ang karumal-dumal nilang kasalanan sa bayan.
Malaki ang dagok ng nangyaring halalan, lalo sa mga kabataan-estudyante, dahil ang mga kaganapan ay taliwas sa lahat ng kanilang pinag-aaralan. Tahasang binasura ang aral ng kasaysayan, di na pinahalagahan ang masugid na pagsuri sa mga nababasa at pagtiwala sa mga tamang sanggunian. Ipinakita ng nangyaring eleksyon na walang bisa ang esensya ng ilang taong edukasyon: ang paggamit natin ng kritikal na pag-iisip.
Sinasalungat ng mga nasa poder ang mga natututuhan natin kung kaya nawawalan na rin ng kwenta ang araw-araw na pagpasok sa klase. Maski ang UP, na ipinangangalandakan ang pagiging balwarte ng akademikong kalayaan, ay pinababansot. ’Pagkat sa panahong nabubulid ang lipunan sa kadiliman, anong ginawa ng UP bilang pambansang pamantasan upang maabot ang ordinaryong mamamayan, pigilan ang pagbabalik ng mga minsan nang pinatalsik ng taumbayan?
Tahasang tinarget ng administrasyong Duterte ang unibersidad; ni-red-tag ang mga estudyante’t kaguruan, pinasok ang kampus, at tinakot na bawasan ng pondo upang tanggalan ng bisa ang akademya sa mata ng publiko. Pagkakataon sana ito upang maipakita ang tapang at tindig ng UP, ngunit nakulong ang mga administrador sa mga pahayag, masyadong naging maingat na walang masaktang damdamin.
Walang naging konkretong pagresolba ang UP sa mga nararanasang pangha-harass sa mga estudyante, kung kaya lalong lumalakas ang loob ng estado na magpatuloy sa panre-red-tag, lalong paigtingin ang pandarahas. Ang kawalan ng aksyon para tugunan ang walang batayang red-tagging ay nagdulot na ng maraming kamatayan—isa nga rito si Chad Booc, gradweyt ng UP Diliman at guro ng mga Lumad, na pinagbintangang rebelde.
Hindi na maprotektahan ang sariling mga estudyante, nagkulang din ang pamantasang lumabas sa sarili nitong espasyo. Mainam sanang instrumento ang mga kolehiyo upang ibahagi sa ordinaryong mamamayan ang tunay na kasaysayan ng Batas Militar, o di kaya magturo ng media literacy, gaya ng sabi ni Danilo Arao ng Kolehiyo ng Komunikasyong Pangmadla sa mga kabataang di estudyante ng pamantasan.
Ngunit paano ba natin aasahan ang UP, kung ang ilang miyembro ng administrasyon ay sunud-sunuran sa mga nakaupo sa pwesto? Tatlo sa Board of Regents ay itinalaga ni Duterte, si Pangulong Danilo Concepcion ay kaibigan ni Imee Marcos, at may mga gusali’t parangal pa ngang nakapangalan sa mga tauhan ng dating diktador. Ito ang pamantasang nagluwal sa ilang mga progresibo, ngunit nagprodyus ng higit na mas maraming mga Gloria Arroyo at Ferdinand Marcos.
Bagaman hindi na mapagkakatiwalaang magiging progresibo ang mga administrador ng UP, hindi ito naging hadlang sa pagkilos ng mga mag-aaral. Hindi kinuha ng mga estudyante noon ang permiso ni S.P. Lopez, dating pangulo ng UP, upang ilabas ang mga upuan at pisara para gawing barikada. Lalong hindi natin sila alintana sa mga pagkakataong pinapasok ng mga mag-aaral ang Quezon Hall upang iprotesta ang mga isyu sa kampus.
Hindi itinuturo ng unibersidad ang pagiging disidente’t kritikal ng mga mag-aaral. Kung babalikan nga ang kasaysayan ng UP, itinatag ito upang lumikha ng mga estudyanteng tatalima sa pangangailangan ng mga negosyo at magpupuno sa pangangailan ng mga ahensya ng pamahalaan.
Ani nga ni Elmer Ordoñez, dating propesor sa UP, nagsilbing consulting firm para sa gobyerno at mga negosyo ang pamantasan, isang think-tank ng rehimen ni Marcos Sr., paano’y nagmula rin sa UP ang mga teknokrat na itinalaga niya sa kanyang gabinete.
Sinasalamin ng UP ang uri ng edukasyong meron sa bansa: umiiral ayon sa pangangailangan ng mga nakapangyayari, sa halip na nakaayon sa kondisyon ng lipunan. Ngunit ang kontradiksyon sa mga pinag-aaralan sa loob ng klasrum at mga pangyayari sa labas ay siya rin namang nagluluwal sa mga progresibong ideya at radikal na pagkilos ng mga mag-aaral. Ito nga ang nagtulak sa malawakang partisipasyon ng mga iskolar ng bayan sa mga pagkilos laban sa diktadura ni Marcos.
Ang pagpapasya ng mga estudyanteng lumabas sa silid-aralan kasama ang kanilang mga silya upang itirik ang barikada ay bunsod ng pang-ekonomikong krisis sa bansa at tumitinding banta ng militarisasyon sa kampus. Sa lalong pagtanggal ng bisa ng edukasyon sa lipunan, mas nakikilala natin na di kayang solusyunan ng mga aralin sa pamantasan ang mga problemang kinahaharap ng bansa. Kung patuloy na isasadlak ni Bongbong Marcos sa hirap ang Pilipinas habang ipinipilit pa rin sa mga mag-aaral na pumasok sa online class at sumali sa ROTC, lalong nagiging matingkad ang pangangailangang lumabas sa sariling espasyo ang mga estudyante at kumilos.
Huwag na natin asahan ang mga administrador na bibigyan nila tayo ng pahintulot na lumiban sa klase upang sumama sa mga protesta. Hayaan na ang mga aral na malalaktawan, may mga mas matatas na guro sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, at mga maralita. Sa huli’y di naman kailangan ng estudyante ang pamantasan upang matuto, lalo sa tipo ng edukasyong iniaalok nito, ngunit ang unibersidad ang mapipilay sa kawalan ng mga mag-aaral na magsusunud-sunuran sa mga ideyang ipinalalaganap dito.
Kung gayon, wala na ngang mawawala sa atin kung pagpasyahang kumilos ang bawat isa—dito mas mainam na maisagawa ang linyang walang mag-aaral ang dapat na magpaiwan. Napatunayan na ng kasaysayan na may sariling kapangyarihan ang mga estudyante. Tayo ang may bilang, may lakas na mag-protesta at mag- organisa, tayo ang may kakayahan pang mangarap at kumilos para sa isang lipunang tunay na malaya. Lamang, mahalagang maipatimo sa mga kabataan ang pangangailangang lumaya sa kanilang mga iskrin, makiisa at maramdaman ang hirap ng mga sektor na pinaka-naaapektuhan ng mga pahirap na pamumuno. Dito lamang mauunawaan ang laban ng mga kabataan sa mas malaking iskema ng mga bagay.
Sa panahong pinapawalang-bisa ng mga Marcos ang edukasyon at katotohanan, kahingian sa lahat ng estudyanteng lumaya sa tanikala ng makitid nilang mga asignatura. Ang paglilingkod sa sambayanan ay hindi kailangang mangyari pagtapos lamang magmartsa, ni magagawa habang ipit tayo sa gabundok na mga rekisito. Lumabas sa inyong mga klasrum at tirahan, maghandang sumuon at muling magpabagsak ng diktador. ●