Mainit, hindi lamang ang panahon, kundi maging ang naging pag-uusap namin ng isang manininda ng tubig sa harap ng opisina ng COMELEC noong linggo ng eleksyon. Nagtipon ang mga tao upang kundenahin ang mga anomalya sa botohan na nagbunsod sa pangunguna ni Ferdinand Marcos Jr. sa bilangan.
Nagpasiklab sa pananalita si Manong: Bakit ba raw galit kaming mga kabataan sa mga Marcos kung hindi naman namin naranasan ang kanilang pamamahala noon? Pasaring pa niya, “kepuputi at kegaganda ng bihis” ng mga kabataang nagrali, nagpirmi na lang sana kami sa bahay at nag-aral nang maigi. Gusto ko pa sana siyang kausapin, baka sakaling mayroon pang mga biglaang papuri, subalit kailangan ko nang bumalik sa pagkokober.
May halong pagsisisi na hindi ako nakapagpaliwanag ng punto gayong sa totoo lang, wala namang problema sa’ming kabataan ang kanyang hiling na itigil ang aming pagwa-walkout. Bentahe pa kung tutuusin ang magtipid ng oras, lakas, at pera. Subalit ang usapin ng kawalang-integridad ng nagdaang eleksyon at ng resulta nito ay magbabadya rin naman sa aming paglabas sa pamantasan.
Inaasahang pangungunahan ng kabataan ang mga malawakang protesta. Itutulak ng mga kondisyon ang kabataan na lisanin ang kanilang mga klase gayong mag-iibayo ang kontradiksyon sa pagitan ng pag-aaral at krisis sa disimpormasyon. Anupa’t tumutuklas ng bagong kaalaman at katotohanan kung kasinungalingan naman ang araw-araw na ipinalululon ng administrasyon sa taumbayan para panatilihin ang kanilang sarili sa kapangyarihan.
Tiyak na magiging mabigat na desisyon ang boykotin ang klase sapagkat sa bansang tigib ng kahirapan, marami pa ring mga mag-aaral ang may mga pamilyang umaasa sa kanilang magiging trabaho paglabas.
Ito ang desperasyong sinasamantala ng gobyerno para panatilihing kimi sa kanilang mga klasrum ang mga estudyante, hiwalay sa mga pangyayari sa labas ng silid-aralan. Gayong hindi inaasahang papatirin ng mga namamahala ang deka-dekadang paghihirap, siklo lamang ng kawalang-pag-asa at pang-aabuso ang daranasin ng susunod pang henerasyon ng kabataan.
Nasa kabataan ang responsibilidad na angkinin ang dunong at kakayahan upang tunay na makapagsilbi sa iba at di lang para sa sarili. Sa pamamagitan ng walkout, pinuputol nila ang pagpapalagay ng gobyernong magpapakulong lang ang mga estudyante sa pamantasan, naghihintay lamang magmartsa upang maging sunod na tagapaglikha, ngunit di magmamay-ari, ng yaman ng naglalakihang mga negosyo. Dinidistrongka ng walkout ang mala-pabrika na pagturing sa edukasyon para bawiin ang kapangyarihan at lumikha ng alternatibo.
Ngayong lumilitaw ang kahungkagan ni Marcos sa kanyang pagbubuo ng gabinete, lalo lamang nag-iibayo ang posibilidad ng malakihang walkout at protesta ng kabataan. Nauna na niyang ipinahayag na pangungunahan ng kanyang katambal na si Sara Duterte ang Kagawaran ng Edukasyon.
Noon pa man, tinatanaw na ni Duterte ang edukasyong militaristiko kung saan huhubugin ang walang pagkukwestyong pagtalima sa gobyerno. Palibhasa, malaking banta sa kanila ang kapal ng kabataang aktibong naging kritiko, at wala nang mas mabisang paraan ng pangongondisyon kundi ang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).
Dagdag pa rito na ang isa sa mukha ng kampanya ni Marcos na si Rep. Jesus Crispin “Boying” Remulla ay ang susunod na kalihim ng hustisya. Kabalintunaan na panghawakan niya ang posisyon gayong kabi-kabila ang panrered-tag ni Remulla sa kabataan at maging sa mga nakikilahok lamang sa bolunterismo gaya ni Ana Patricia Non na nagpasimula ng mga community pantry.
Inilalagay ni Remulla sa panganib ang buhay ng kabataang nakikisangkot sapagkat banta sa kapangyarihan ng estado ang paglalantad ng kabataan sa krisis na kanilang nararanasan. Gayunman, sa bawat panunupil ng gobyerno sa kabataan, laging may itinatayong tarangkahan ng paglaban tulad na lamang noong Diliman Commune at Sigwa ng Unang Kwarto.
Sa mga rebolusyonaryong kwentong ito naging lalong malaganap ang pag-oorganisa at pagpapakilos sa marami pang sektor ng mamamayan katulad ng tsuper at maralitang tagalungsod na siyang naging tulak kalaunan sa pagpapatalsik kay Marcos Sr.
Parehong hamon ang ipinapaabot ng kasaysayan sa mga kabataan: Ang paramihin ang aktibong pwersa ng kanilang sektor. Tungkulin nilang maipinta nang mas partikular ang kanilang galit batay sa kung anong pinakamalapit sa kanila—mula sa ROTC, pagtatalaga ng mga red-tagger na pulitiko sa gabinete, o kahit ang panunumbalik sa pisikal na klase—patungo sa mas malawak na mga isyu. Ang mga kinakaharap na problema ng kabataan ay sumasalabid naman sa danas ng iba pang sektor gayong parehong mga tao ang pinanggagalingan ng mga pagpapahirap. Hindi magwawagi ang laban ng kabataan kung nakapag-iisa, kaya naman esensyal ang pagsuporta ng kabataan sa laban ng mga manggagawa, magsasaka, maralita.
Nawa’y hindi maging mailap ang muling pagkikita namin ni Manong. Sa panahong iyon, inaasahan kong mas marami na ang katulong ko na magpaliwanag sa kanya ng kawastuhan ng walkout sa gitna ng pagbalik sa kapangyarihan ng mga Marcos. ●