Pinangangambahang lalong maghihirap ang mga Pilipino sa ilalim ng administrasyong Marcos kung papatawan ng dagdag buwis ang ordinaryong Pilipino upang makapagbayad sa P12.5 trilyong utang ng bansa, ayon sa IBON Foundation.
Mabilis na lumaki ang utang ng bansa sa loob lamang ng anim na taon at tinatayang aakyat pa ito sa P13 trilyon sa dulo ng taon. Ayon kay Benjamin Diokno, kalihim ng Department of Finance (DOF), mainam na solusyon pa rin ang Comprehensive Tax Reform Program (CTRP) upang tumaas ang kita ng gobyerno. Saklaw ng polisiyang ito ang TRAIN Law, na nagdagdag ng buwis sa mga bilihin, at CREATE Law, na nagbawas sa buwis ng mga korporasyon. Pinabulaanan naman ni Sonny Africa, executive director ng IBON, ang hakbang na ito ng administrasyon sa naganap na Midyear Birdtalk nitong Hulyo 20.
“Mas problema ng ‘kung sino’ ang pumapasan sa malaking utang ng bansa. Ang pinagbabayad ng napakalaking utang na ‘yan ay mga mahihirap at middle class, na di naman nakinabang sa mga inutang ng gobyerno. Kaya takot ang mga ordinaryong Pilipino sa usaping buwis, kasi iniisip nilang sila ang laging matatamaan,” ani Africa.
Ang pandemya ang idinadahilang rason ng pamahalaan sa paglaki ng utang ng bansa. Ngunit P570 bilyon lamang ang inilaan ng administrasyong Duterte para sa pagtugon sa COVID-19, ayon sa ulat ng Department of Budget and Management. Maliit na halaga lamang ito kung ikukumpara sa P1.48 trilyong ginasta ng gobyerno para sa mga imprastraktura at P2.17 trilyong pambayad utang ng bansa noong 2021.
Nais ni Diokno na ipagpatuloy ang CTRP at ipatupad ang dalawa pang package sa ilalim nito: ang real property valuarion reform at ang passive income and financial intermediary taxation. Ipinahayag din ng DOF nitong Hulyo ang planong pagbubuwis sa single-use plastic at online transaction upang makatulong sa pagbabayad utang ng gobyerno. Kung sakali, makakakuha ng P1 bilyon taon-taon ang gobyerno sa dagdag na P20 buwis sa single-use plastic.
Hindi magiging epektibo ang pagpataw ng dagdag na buwis sa mga ordinaryong mamamayan, ani Africa. Liban sa lalong pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kakaunti lamang ang kikitain ng gobyerno kumpara sa pagpataw ng mas mataas na buwis sa malalaking negosyo. Papalo sa P470 bilyon ang maaaring kitain ng gobyerno kung papatawan nito ng 3 porsyentong buwis ang malalaking korporasyon at mga bilyonaryo sa bansa.
“Sobrang striking na sa panahon ng krisis at kung kailan kailangan ng pera ng gobyerno, binabawasan nila ang kita sa mga korporasyon, partikular na sa malalaking kompanya na may kakayahan naman magbayad,” ani Africa.
Bagaman mapapadali ang pagbangon ng ekonomiya kung magpapataw ng mas mataas na corporate income tax, iniulat ni Africa na kapansin-pansin ang pagbaba ng binabayarang buwis ng mga korporasyon sa tuwing nagkakaroon ng pang-ekonomiyang krisis. Nitong pandemya, sa ilalim CREATE Law na ipinasa ni Duterte noong Abril 2021, ibinaba ng pamahalaan sa 25 porsyento mula sa 30 porsyentong buwis ang kinokolekta nito sa kita ng mga korporasyon.
Kasabay sa paglobo ng utang ng bansa, naitala rin ngayong taon ang pinakamababang paggastos ng gobyerno kung ikukumpara sa nagdaang dekada. Wala pa sa kalahati ng pamantayang 10.4 porsyento ang itinaas ng 2022 budget ngayong taon. Bilang resulta, mga pampublikong serbisyo tulad ng pangkalusugan at edukasyon ang pinakatinatamaan ng ganitong pagtitipid.
“Nakita nitong pandemya na ang tagal nang bagsak ng social services natin that we can’t even respond to the pandemic efficiently. There have to be policies on higher spending on social services and institutionalization of social protection. These are long-term solutions that have now become urgent solutions,” ani Rosario Guzman, head researcher ng IBON.
Mahalagang marinig sa darating na State of the Nation Address ni Marcos na may puwang ang kanyang administrasyon sa pagpapalakas ng pampublikong seribisyo, pagsasaayos ng alokasyon ng pondo, at makatarungang pasahod, ayon sa IBON.
“What we urgently need right now is an economic framework na iniisip kung paano lilinangin ang sariling rekurso para sa sariling kapakinabangan. Pero paano nga ba kakalabanin ni Marcos ang mga sistemikong problema ng bansa kung ito mismo ang nagluklok sa kanya sa pwesto?” Ani Guzman. ●