Ang tunay na tagumpay ay nasa patuloy na pagpupunyagi.
Ngayong araw ng pagtatapos, kumakaway ang kasaysayan, nagdiriwang ang kasalukuyan, nag-iisip, nagpaplano ang kinabukasan. At sa pamantasang hirang, ihinaharap ka, iniaalay; humaharap at inaalay mo ang iyong sarili.
Ang iyong pagtatapos ay hindi lamang tungkol sa tagumpay ng pagkumpleto ng mga kahingian ng iyong pag-aaral, kundi pagtanggap sa hamon ng iyong edukasyon: pagtugon sa panawagan ng pakikibaka mula sa mga batayang sektor. Malaki ang nakaatang sa iyo, iskolar ng bayan, dahil malaki ang mawawala at higit, wala nang matitira sa bayang natitigmak sa samu’t saring krisis at katiwalian.
Sa iyong paglabas sa lilim ng akademya, sasambulat sa’yo ang lipunang patuloy na pinupuspos ng samu’t saring krisis at karahasan—ginugutom ng mga palisiyang katulad ng TRAIN, nililimitahan ang kalayaan sa tulad sa tangkang pagpapababa ng minimum age of criminal liability, at pinagkakaitan ng karapatang mamuhay nang matiwasay sa sariling bayan.
Ngunit ikaw, iskolar ng bayan, tangan mo ang mandatong maghawan ng daan tungo sa kalayaan. Bitbit ang mayamang kasaysayan ng pag-aklas at paglaban, susi ang iyong lakas at tikas ng pakikisangkot upang makapanghalina ng iba pang kabataang nasasadlak sa kahirapan.
Pagkatapos ng iyong pagtatapos, nananatili pa rin ang mga mapaniil na mga patakaran sa loob ng pamantasan, bilang institusyong katambal ng estado sa pagsikil sa karapatan ng mga kabataan. At sa ilalim ng mapanaksil na rehimen, lalo lamang tumitindi at sumisidhi ang pagtapak sa batayang karapatan ng mamamayan, katulad ng nararanasan ng mga sektor na nasa loob ng pamantasan.
Patuloy na ipinagkakait ang kaukulang proseso at katarungan sa ating mga iskolar ng bayan. Sunud-sunod ang mga isyung kinahaharap ng mga organisasyon sa UP at binubusalan ang mga publikasyon, tulad ng naging desisyon ng Executive Committee ng University Council ng UP Diliman na hatulang maysala ang patnugutan ng Rebel Kule sa kabila ng inisyal na pagbabasura sa gawa-gawang kasong isinampa laban sa kanila.
Ito rin ang pamantasang ang administrasyon ay kimi pa rin sa isyu ng karahasan ng mga kapatiran, sa panawagan ng mga komunidad sa loob nito bunsod ng mga nakaambang pagkawala ng tahanan at kabuhayan upang bigyang-daan ang Master Development Plan.
At sa loob ng nakaraang isang taon, patuloy nating binitbit ang mga hamong isulong ang interes ng bawat sektor sa lipunan sa loob at labas ng ating pamantasan. Kasama tayo sa laban ng mga residente ng Pook Malinis at Sitio San Roque para sa kalidad at abot-kayang pabahay, ng mga manggagawa ng Sumifru at iba pang manggagawang nagpipiket upang ipanawagan ang regularisasyon sa trabaho at sapat na pasahod.
Sumisidhi ang mga kondisyong nagtutulak upang kumilos, kung kaya mahalagang balikan ang esensya ng dangal at husay—handang harapin ang lumalalang tunggalian, handang makipagkapit-bisig sa mas malawak na hanay ng mamamayan, buhay man ay ialay.
Sa ika-13 taong anibersaryo ng pagkawala nina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga kapwa iskolar ng bayan, mainam na kilalaning may mga pinagkaitan ng karapatang makapagtapos, hindi nakatapos ngunit ipinagpatuloy ang laban sa labas ng pamantasan—silang naghawan ng ibang landas, silang mga martir ng bayan.
Ang pagkilala sa iba’t ibang landas ng pakikibaka ay mahalaga dahil ang pagkakaiba nito ang siya ring makapagsusulong sa iisang sinumpaang tungkulin: ang paglingkuran ang sambayanan. Nagtatapos tayong ipinupunyagi ang tagumpay ng ating patuloy na paghakbang pasulong.
Kaya naman ang pagtatapos ay pagdiriwang ng lahat ng pinili, hindi pinili, at patuloy na pinipili sa ngalan ng matapang na pakikibaka para sa tunay na kalayaan. Maligaya ang pagtatapos dahil ito ay para sa lahat. Mapagpalayang pagtatapos, iskolar ng bayan! ●
Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-30 ng Hunyo 2019.