Tapos na ang anim na taong pamamalakad at pagpapahamak ni Rodrigo Duterte sa bansa. Ngunit dito naman magsisimula ang masalimuot nating pakikipagtuos sa latak na iniwan ng kanyang administrasyon: ang kupot na espasyo ng pamumuna, pagsalungat, at pakikipagtunggali.
Ang proyekto ni Duterte mula nang maupo siya sa pwesto: basagin ang pinagkakaisahang realidad at katotohanan ng lipunan. Pagkat sa pagtanim niya ng duda sa mga institusyon at sa batayang kasaysayan, sa pagtanggal niya ng kredibilidad sa midya at sa iba pang organisasyong nagsusulong ng karapatan, malaya niyang nakontrol ang anumang diskurso’t nakapagdikta ng sariling naratibo. Dito umuugat ang lahat ng mga partikular na katangian ng kanyang rehimen—mula sa pagpapakalat ng maling impormasyon, pagmomobilisa ng mga online troll, hanggang sa pagkalabo mismo ng kanyang mga talumpati. At ang kanyang pinaka-masahol na legasiya: Ang pagpapalabnaw ng katotohanan, pagpapalipana ng kasinungalingan ukol sa kasaysayan ng mga Marcos. Lumantad ang balintunang pagtanggi ng marami sa karahasan noong panahong ng diktadura.
Kontrolado kung ano ang totoo, primaryang pinuntirya ng administrasyong Duterte ang kilusan ng taumbayan sa lahat ng porma nito. Taliwas sa nakalipas na mga administrasyon na pilit na kinimkim ang mga planong kontrainsurhensiya, hayag ang pagkamuhi ni Duterte sa mga humahamon sa kanyang kapangyarihan gaya ng mga aktibista’t kritikal.
Kaharap ang publiko, walang pagdadalawang-isip niyang iniutos, taong 2017 pa lamang, ang pagpapasabog sa mga paaralan ng Lumad na inakusahan niyang nag-aaral paano tumiwalag sa pamahalaan. Matapos ang deklarasyong ito, higit 500 kaso ng atake ang naranasan ng mga Lumad. Nang manduhan ni Duterte ang militar noong 2018 na barilin nila sa ari ang mga babaeng miyembro ng New People’s Army (NPA), ilang kaso ng di makatarungang pagpatay sa mga ito ang naitala. Wala ring patumangga ang isinagawang airstrike sa maraming komunidad sa kanayunan.
May kapangyarihan ang mga salita ni Duterte, at nagkaroon ito ng sariling buhay, partikular sa online na plataporma. Sa paulit-ulit na deklarasyon ni Duterte laban sa mga rebelde at, sa ekstensyon nito, mga aktibista, tumagos ang usapin ng pakikibaka sa pampublikong kamalayan. Kung di nito tinatanggal ang kredibilidad ng mga pang-masang organisasyon, ginagawa itong biro o di kaya meme, nasasama sa kaswal na mga usapan. Kaya sa halip na mausisa ang ugat nito, ang diskurso ay umayon sa hulmang pinakalat ng rehimen—terorista, kaaway ang mga komunista, dahil ang iginagaod na rebolusyunaryong digma sa kanayunan ay nagmumula lang sa naagnas nang ideolohiya.
Ang pagtagos ng ganoong ideya tungkol sa pakikibaka ay kumporme sa tinatawag na whole-of-nation approach ng administrasyon upang sugpuin ang insurhensiya sa bansa. Ngunit ang whole-of-nation approach ay di lang ang pagmomobilisa ng lahat ng ahensya ng gobyerno upang tugisin ang kinikilala nilang kaaway ng estado. Higit dito ay ang pagsasapopular ng antagonistikong pagtingin sa pagkilos ng taumbayan.
Idinidiin, halimbawa, sa National Action Plan on Preventing and Countering Violent Extremism, manwal ng National Security Council, ang konsepto ng early warning and early response sa “radikalisasyon,” partikular ng mga kabataan. Dito pumapasok ang walang habas na pangre-red-tag sa mga ligal na organisasyong tunay namang nangangampanya sa karapatan ng mga sektor. Kinikilala ang kontribusyon di lang ng mga ahensya ng pamahalaan kundi pati sibilyan at mga civil society organization sa pagsugpo sa radikalisasyon ng mga estudyante. Malaki ang pagdiin nito sa pagiging instrumento ng mga magulang, guro, administrador ng mga eskwela, at mga organisasyon para pigilan ang mga mag-aaral na sumali sa mga grupong binansagang komunista ng pamahalaan.
Nakontrol ng estado ang diskurso sa kung bakit umuusbong ang mga pagkilos na naglalayong baguhin ang lipunan. Pinalabnaw ang sa katunaya’y mahabang kasaysayan at malalim na ugat ng pakikibaka. Pinagmukhang nais lang ng iilan na pabagsakin ang pamahalaan upang sila ang maghari-harian, o di kaya’y dahil nais lang nilang makakuha ng buwis sa nilalapagang komunidad ng mga hukbo. Di maikakailang sa dami at laki ng makinarya ni Duterte, nagawa niya ngang pakiputin ang diskusyon ng armadong pakikibaka.
Gayunman, ‘pagkat ang kahirapan at kawalang hustisyang pinapairal mismo ng administrasyon ang nagtutulak sa mga taong mag-aklas, uusbong at mananaig din ang katwiran nilang pinili ang landas ng pakikibaka.
Ginamit pa ng estado ang mga departamento, gaya ng Department of Social Welfare and Development, National Economic and Development Authority, at Department of Education, upang lahat ng organo at aspeto ng lipunan ay magamit para sa kontrainsurhensiya. Sinasabing tutugunan ng mga ahensyang ito ang rason ng pagtangan ng armas, ngunit lumilihis naman ang gobyerno gayong ang kanilang pagtugon sa mga isyu ay lokalisado, sa halip na sistematiko.
Bilyon-bilyong pondo ang inilalaan para sa Barangay Development Fund ng National Task Force to End Local Communist Conflict (NTF-ELCAC), ngunit pumapalya naman itong tunay na palaguin ang buhay ng mga nasa kanayunan. Anupa’t sa 2,318 na takdang proyekto ng NTF-ELCAC noong 2021, nasa 26 lamang dito ang natapos. Gustong magpatayo ng ahensya ng mga daan, imprastraktura, sistema ng patubig at kuryente, at magbigay ng livelihood at vocational na mga proyekto, ngunit wala ritong makakalutas sa pag-aarmas ng marami. Si Duterte na nga mismo ang umamin na palyado ang kanyang kontrainsurhensiya matapos ang makailang pangako niyang susugpuin ang mga rebelde, matapos gumasta ng bilyon-bilyon para atakihin ang mga inosenteng komunidad.
Ang suliranin ng mga maralita sa kanayunan ay ang pagnanakaw ng mga dambuhalang korporasyon sa kanilang mga sakahan at lupang ninuno at ang resulta nitong di mabilang na pandarahas sa kanila. Ang ganitong mga problema ay di masosolusyunan sa antas ng barangay o munisipyo. Kung ano man, ang mga lokalisadong peace talk na tinutulak ng estado ay ginagawa upang hatiin ang mga nagkakaisang komunidad gamit ang alok na amnestiya o pangako ng pag-unlad sa iilan. Ang mga proyekto ng NTF-ELCAC ay di para sa benepisyo ng mga residente, bagkus para sa ikagiginhawa ng mga dayuhang plantasyon, minahan, at iba pang negosyong di naman nagsisilbi sa interes ng bansa.
Pagkat sistematikong problema ang kahirapan, ang kawalan ng hustisya, at pang-aabuso sa kalakhang mamamayan, bilang ang lahat ng ito ay kagagawan at pinaiiral mismo ng mga kasalukuyang nasa pwesto, sa pagpapaalis lamang sa mga nakapangyayaring istruktura at kondisyon magkakaroon ng pagkakataong lumaya ang lahat. Kaya ganoon na lamang ang muhi ng kahit sinong rehimen sa pambansang usapang pangkapayapaan.
Itinutulak dito ang pangmatagalang kapayapaan at susi rito ang pagsiguro sa pagsasarili ng ekonomiya ng bansa. Sa ilalim nito, inaalis ang malalaking mga korporasyon sa mga sakahan at pagawaan, at sa halip, hinahayaan ang mga magsasakang linangin ang kanilang sariling lupa, ang mga manggagawang lumikha ng mga produktong primaryang para sa pagkonsumo ng mga Pilipino. Nangangahulugan din ito ng pagbuwag sa asyenda at monopolyo ng mga lokal na panginoong maylupa, na kalakhan ay patron ng mga pulitiko ngayon. Dito nag-uugat ang kawalan ng interes ng bagong administrasyon ni Ferdinand Marcos Jr. sa pangmatagalang kapayapaan at ang pagtangkilik niya sa lokalisadong peace talk—lalo’t hinahamon nito ang mismong kapit nila sa kapangyarihan.
Paparating ang ibayong hakbangin ng estadong sirain ang nagkakaisang pagkilos ng taumbayan, sa lahat ng porma nito. Ngayon, malaki ang nakaatang na responsibilidad sa mga organisador na sabayan at higitan ang anumang propaganda at pang-aatakeng ibabato ng estado sa atin. Tumitindi ang mga krisis, ngunit lalo lamang mapatitingkad ang pangangailangan sa panibagong paraan ng pagpapatakbo sa lipunan. Asahan ni Marcos na kung paanong ang mga palisiya ng kanyang ama ang mismong nag-udyok sa maraming sumapi sa armadong pakikibaka, hindi rin iyon malayong mangyari sa kanyang termino.
Binasag ni Duterte ang pinagkakaisahang realidad ng marami, ngunit patuloy na lumilikha ang taumbayan ng kasaysayan. Ngayong nararanasan nila mismo ang pagpapahirap sa ilalim ng mapaniil na mga administrasyon, ito ang magiging sandigan nila ng pagkakaisa upang maghawan ng landas sa lipunan kung saan di na kailangang mag-armas pa ng ordinaryong mamamayan para lang matamasa ang kanyang karapatan. ●