Ni ADRIAN KENNETH GUTLAY
Sa UP ko naranasan ang mga unang tikim.
Ng biglang bugso ng kalayaan. Ng tamis ng tagumpay.
Ng pait ng kabiguan at kawalan.
Dito ko unang naranasan kumain ng ampalaya at papaitan. Sa UP rin ako unang nakatikim ng alak nung freshie ako. (Ma, isang bote lang yun. Hehe!)
Dito ko unang naranasang sumama sa mga pagkilos. ‘Di ko pa alam ang mga chant noon. Tumatangu-tango na lang ako. Basta alam ko, hindi dapat pinalayas ‘yung informal settlers mula sa mga bahay nila nang walang maayos na lilipatan. Nang magtaas-kamao ang mga kasama ko, ‘di ko alam kung aling kamay ang gagamitin. Itaas ko kaya pareho para party?
Dito ko unang naranasang mamulat sa mga isyu. Dahil sa konserbatibong pagpapalaki sa’kin, nagpabalik-balik ako mula sa pikit-mata at kibit-balikat na pananaw sa mga isyu, patungo sa hangaring umambag sa panlipunang pagbabago. Minsan, isang mata lang ang bukas. Babalik din ako minsan sa point A kapag bumalik ang pagiging apathetic ko, o ‘pag naalala ko ‘yung mga sabi-sabi ng mga taong nakapaligid sa akin pati ng mga nagko-comment sa Facebook na “mag-aral ka na lang.” ‘Di mo alam kung nang-iinsulto o concerned ‘yung troll.
Bunga ng pagkamulat sa isyu, pati na rin ng malawak na diskurso, ang pamantasang ito rin ang nagpanday ng pananaw ko sa buhay.
Ng mga nais kong tahakin.
Kung pagtatagpuin ang 2017 na version ko ngayon at ‘yung version ko nang una akong tumapak sa unibersidad, kukutusan ng nauna ‘yung freshie na walang muwang. Matatakot naman ‘tong si totoy.
Ang freshie na naghahanap ng landas.
Daming ganap. Pagkalito. Sensory overload.
Euphoria. Dejection. Itinutulak ang hangganan nang makakaya, sa acads man o sa iba pa.
Matapos ang mga unang tikim, sumunod ang ikalawa, ikatlo, at marami pang beses. Dumating ang mga pagkakataon upang mamulat at makapagmulat. Hindi naman ako na-culture shock, pero karamihan sa mga kaibigan ko, oo.
Kung natatakot ka, freshie, normal lang yan. Kung natatakot ka sa sa ngayon, tanungin lagi ang sarili: para kanino ba ang ginagawa ko?
Marami kang agam-agam, pero ‘wag kakalimutan ang tungkuling tumulong sa paglutas sa mga isyu ng lipunan at pakikibaka ng kalakhang masa.
Sa dami ng maaaring makapukaw ng atensyon ng mga bagong Iskolar ng Bayan, mahalaga na hindi makalimutan ang kasaysayan ng pamantasan at ang ambag nito sa paglaban ng masa.
Cliché na kung cliché. The only reason, seems like it though, is because it rings true.
Welcome to the best years of your life.
Serve the people.
Padayon. ●
Unang nailathala ang artikulong ito noong ika-22 ng Agosto, 2017.