By MARVIN ANG
“Ang daya,” naiiyak na bulalas ni Li Boy noong araw na nahatulang may sala ang kanyang ama. Nagpupuyos naman si Lengua, habang iniisa-isa ang mga dahilan kung bakit baluktot ang naging desisyon ng husgado sa gawa-gawang kaso laban sa kanyang asawa.
Ito ang larawang tumatak sa akin nang magsimula akong magsaliksik sa aktibista’t organisador na si Marklen Maojo Maga. Sa katunayan, ang pagkakakilala ko sa kanya ay mula lang sa mga panayam sa kanya sa mga dating pahina ng Kule, at sa mga kilos-protesta kakabit ang mga panawagan ng pagpapalaya at hustisya.
Malayo sa kung papaano siya ipinapakilala ng mga pulis at militar bilang subersibo, kwela at magaan siyang kausap—hindi niya natatapos ang sasabihin nang walang isinisingit na biro o punch line. Ngunit sa pagitan ng mga halakhak at pananahimik, mababakas ang kanyang pangungulila sa pamilya, mga kasamahan sa kilusan, at lipunang kanilang patuloy na pinag-aalayan ng lakas at sigasig.
𝗣𝗮𝗴-𝗮𝗸𝗹𝗮𝘀
Noon pa man, reputasyon na ni Maoj ang pagiging maaasahang kasama at masigasig na organisador. At bilang kabataang aktibistang nagsusumikap sa sektor ng kabataan, hindi ko maiwasang mamangha sa salaysay ng kanyang mga karanasan.
Katulad ng mga kabataan ng kanyang henerasyon, kabilang at naging aktibo si Maoj sa iba’t ibang organisasyon gaya ng mountain climbing club, arnis club, at Panday Pira. Ngunit pinakamatingkad sa buhay-kolehiyo niya ang pagiging miyembro ng League of Filipino Students, sa panahong masiglang muli ang kilusang kabataan.
Hindi na ito kataka-taka, pagkat bata pa lamang, namulat na siya sa kanyang mga magulang na organisador din. Kasa-kasama siya ng kanyang ama sa pag-oorganisa sa kanilang komunidad sa Tondo, at kung minsan, nauupo sa mga pagpupulong at pag-aaral.
Di kalaunan, bilang lider-estudyante, pinangunahan nila ang laban sa mga isyung kinahaharap ng kabataan—budget cut at ang papabulusok na kalidad ng edukasyon. Panahon ito ng pagsalubong sa bagong dantaon, at sunud-sunod ang bigwas sa mga pamantasan bilang bahagi ng proyektong globalisasyon ng administrasyong Ramos.
Patuloy ang pananamantala di lang sa porma ng tuwirang pandarahas, kundi pati mga polisiya. Saka nila mapagtatantong ang pag-oorganisa sa mga kabataan ay hindi lang dapat limitado sa pamantasan—naaabot dapat nito ang pinakamalawak na hanay ng mga manggagawa, mambubukid, at iba pang mga sektor. Mula rito, ipinanganak ang organisasyong Anakbayan.
“Hindi na lamang [pagtaas ng matrikula] ang pinag-uusapang isyu; pumapasok na rin ang usapin ng trabaho, lupa, sahod, karapatan, at serbisyong sosyal,” ani Maoj. Sa organisasyon din niya makikilala ang kasintahan at ngayo’y asawa nang si Lengua De Guzman, na aktibista naman mula sa UP Diliman.
Sa unang tatlong taon mula nang ito’y maitatag, nagawa na nilang makapagtayo ng mga sangay sa iba’t ibang unibersidad, pati na rin sa mga komunidad. Nagagawa na rin nitong makipag-alyansa sa mga administrasyon ng pamantasan sa iba’t ibang usapin.
“Kapag malakas ang student movement,” ani Maoj, “napapakilos din ang administrasyon dahil nakikita nilang isa itong force to reckon with.”
𝗣𝗮𝗴𝗯𝗮𝗴𝘁𝗮𝘀
Mula sa sektor ng kabataan, kumilos naman si Maoj sa hanay ng mga manggagawa. Dito niya tahasang mararanasan ang dahas ng estadong ang layon ay patahimikin ang mga katulad niya.
Sa kanyang trabaho bilang organisador sa Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide o Piston, pinaratangan siyang miyembro ng New People’s Army. Kasagsagan iyon ng paghahanda ng Piston para sa malawakan at sunud-sunod na transport strike ng mga tsuper laban sa programang jeepney modernization.
Malinaw pa sa kanyang alaala noong umagang siya’y damputin—Pebrero 22, 2018, sa kanilang tahanan sa San Mateo, pinalibutan siya ng mga hindi naka-unipormeng pulis habang nagba-basketball, at saka dinampot.
“Abduction-style" ang paraan ng pagkakaaresto kay Maoj, ayon kay Lengua. Lumipas ang halos isang araw nang hindi nila nalalaman ang kinaroroonan ni Maoj. Kasabay ng paglitaw niya ay ang mga isinampang kaso laban sa kanya.
At Hunyo 3 ngayong taon, ibinaba ang desisyon ng San Mateo Regional Trial Court. Guilty sa kasong illegal possession of firearms, sa kabila ng mga testimonyang hindi nagtutugma at mga armas na diumano’y pag-aari niya pero sa Kampo Crame na lang ipinakita sa kanya.
Kung gaano kabilis ang paglilitis kay Maoj, gayon naman kabagal ang pagtugon sa kanyang motion for reconsideration, at paggulong ng isa pang kaso ng pagpatay sa Agusan del Norte, kahit hindi pa siya nakakarating dito.
Natatawa ngunit bakas ang pagkapika sa boses ni Lengua habang kinukwento ang kabalintunaan ng patuloy na pagdinig sa kasong ito, at ang kawalan ng interes ng husgadong dinggin ang nakabinbin nilang petisyon upang ipabasura ito.
𝗣𝗮𝗴𝗯𝗮𝗸𝗹𝗮𝘀
Sa kabila ng kanyang mga pinagdaanan, nananatiling matatag si Maoj—nagagawa pa niyang magpatawa sa kabila ng sitwasyong kanyang kinalalagyan. Parang yung mga inorganisa niyang mga tsuper na nakukuha pang humalakhak sa byahe sa kabila ng trapik at mainit na makina. Sa seldang pilit pinagkakasya ang halos limang katao, kanyang binubuno, kasama ng iba pang bilanggong pulitikal, ang araw-araw sa pangako ng paglaya.
Nang tanungin ko siya kung papaano niya naaalpasan ang pang-araw-araw, ito’y dahil humuhugot siya ng lakas sa kanyang pamilya’t mga kaanak. Nakakatulong din sa kanya na magkakasama silang bilanggong pulitikal sa isang palapag ng bilangguan. Sa ganitong paraan, nagagawa nilang gabayan ang isa’t isa, at napagtitibay ang paninindigan sa kabila ng kalunos-lunos na sitwasyong kanilang hinaharap.
“At least dito, nakakapag-basketball ako nang walang pangambang dadamputin,” biro pa niya.
Ilang beses man akong dumalaw sa Camp Bagong Diwa at maya’t mayain ko man ang pagsusulat tungkol dito, hinding-hindi ito sasapat upang maisalaysay ang kanilang karanasan. Mahalaga, kung gayon, ang ginagampanang papel ng karaniwang Pilipino at ang kasalukuyang henerasyon ng mga aktibista upang maipatambol ang panawagan ng pagpapalaya sa kanila.
Patunay ang kalagayan ni Maoj at iba pang detinido sa kapangyarihan ng mamamayang pilit na sinisiil ng estado. Kung kaya puhunan ng bawat isa ang tapang sa kabila ng lumalalang krisis sa bansa. “Huwag na huwag matatakot; ibig sabihin lang nito, hindi sila nagtatagumpay,” aniya. “Hindi naman habambuhay ay napakalakas nila.”
“Laban lang,” pahabol na pamamaalam sa akin ni Maoj bago kami lumabas ng piitan. Nginitian ko siya, sa pag-asang ang susunod naming pagkikita ay hindi na sa loob ng kulungan. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-19 ng Nobyembre 2019, gamit ang pamagat na Bihag ng Dahas.