Ilang tao kaya ang kaya mong isilid sa loob ng balat mo? Ako, tatlo. Totoo. Iyon ang tipikal na biro kapag minamasdan ang pigura ko.
Kung tatakalin daw ang lapad ng aking kalamnan, malamang naitago ko na maski laki ng kaban-kabang bigas. Patas na sa sangkalderong nalilimas kapag tumatapat sa lamesa. Dahil kahit hindi ko hagkan ang mamasa-masang butil sa hapag, nariyan pa rin ang paratang ng pagkagumon sa walang habas na paglamon.
Hayskul na siguro ako nang napagtanto ko kung gaano kahalaga ang gayong unang impresyon. Kupot ng klasrum, tila bulwagang nililitis ng hilera ng mga kamag-aral ang sariling kutis at hulma, dating at itsura. At sa bawat batbat ng pailalim na silip at matatalas na hagikgik, natutuhan kong panaka-nakang maghapit ng damit.
Hindi naman na iba sa akin ang sikip. Ang pamilyar na sensasyon ng kumikitid na kamiseta’t korto, ng pumuputok na butones at zipper sa baro. Madalas pa ngang animo’y binilot na lumpia ang aking pormahan dala ng kipot ng suot. Kaya ang dating paboritong bihis, sa aparador na lamang naiimpit.
Minsan, tinanong ako ng dating kaklaseng nakarelasyon: “Mabigat ba ang mga hakbang kapag mataba?” Pansamantala akong nagitla, inapuhap sa dulo ng dila ang mga karampatang kataga.
“Hindi ko alam,” pag-amin ko matapos ng sandaliang pangangapa. “Sa tanang buhay ko, anomang diyeta o ehersisyo, hindi pa ako lubusang pumayat.” Yumuko ako. “Sadyang ito na ang nakasanayan kong timbang.”
Natawa siya sabay kibit-balikat. “Kaya huwag mo nang dagdagan.” Gumuhit ang kirot nang kagyat niyang sikuhin ang aking tagiliran. “Sayang ka kasi.”
Matagal kong pinasan ang hinayang na nakakawing sa kanyang mga salita. Noon ko nadama ang hatak ng grabedad sa palitang bagsak ng mga paa. Ang pananakit ng binti kada ahon-baba nito sa lupa. Habang tagaktak ng pawis ang noo’t nanlalagkit ang mga lawlaw na suso, malimit na pinipisil ko ang aking sapin-saping bilbil—saka isinusuka ang imbak ng pagkasuya sa tabi ng kalsada.
Tipid sa nguya ng mainit na kanin at ulam, paglaon, sinubukan kong magpakalulong sa lamig ng tinimplang protina na ikinakalakal online. Ang resulta: humpak na magkabilaang pisngi, subalit nanatiling suwail ang eskala. Ayaw makisama.
Sa kabila ng alinlangan, pinili kong makipag-ugnayan sa pinakamurang gym sa barangay. Nang maareglo ang bayarin, agad akong isinabak sa takdang menu ng pinasukang pangkat. Kinumbinsi kami ng tumayong coach na araw-arawin ang bisita nang sa gayo’y masulit ang 16 na sesyong ipinatala.
Tunay sa negosyo, naubos ko itong lahat wala pa man ang bingit ng buwan. Tuloy, panibagong hugot sa bulsa. Tumagal itong siklo nang humigit kalahating taon. Halos luho ang mangarap pumayat.
Pagdating nitong Marso, bumigay ako sa pagkahapo. Alinsabay sa tambak ng akademikong gawain at ilang trabaho, napino ako sa dagan-dagang ekspektasyon. Parang napakadaling sabihin na panandalian munang huminto, habulin ang hininga. Subalit kahit paghimpil, sinita ng ilang kakilala bilang katamarang likas nang kakabit ng aking katawan.
Kaya nagsimula akong magkulong sa bahay. Maghapon, ikinukumot ko ang galit na pinaka-iipit sa dibdib. Paglapot ng dilim, dinudumihan ko ang kawalang-imik ng nangangarag na hikbi. Dito, pansamantala kong natagpuan ang payapa.
Labas sa tereno ng industriyang inilalako ang pamantayan ng umano’y karapat-dapat na anyo ng isang indibidwal, malaya akong umiral nang may pagtanggap sa aking kasalukuyang mukha. Dinadamtan ko ng pang-unawa ang nainternalisang muhi sa salamin, saka ko napagtatantong marahil, tulad ko, biktima rin ang kalakhan ng minamanupakturang ideya ng dominanteng midya ukol sa matataba bilang kurakot, dugyot, at salot sa lipunan. Na ang pagbabawas ng lama’y tulak lamang ng personal na kagustuhan; hiwalay sa pagsasaalang-alang ng oras, salapi, at pisikalidad na primaryang dinidiktahan ng kaligiran.
Gayunpaman, nananalig akong lalakad ang panahon. Tugma sa pagbaka sa anino ng takot at hiya, gagapang ang umaga, at sisilay ang liwanag ng nanumbalik na kumpyansa. At nawa, sa malapit na hinaharap, mayakap ko na ang sarili nang buo—lampas sa iniatas na halagang sukat ng numero. ●