Hinding-hindi ko makakalimutan ang huling sinabi mo sa’kin bago tayo maghiwalay ng gabing iyon—pagod na pagod na ako.
Nakaapat ka nang Pale Pilsen noong gabing iyon, at wala kang tigil sa mga litanya mong sana’y mas ginalingan mo ngayong sem. Maingay sa Sarah’s noong gabing iyon, punong-puno ng mga estudyanteng katatapos lang din ng hellweek at tumoma para magdiwang. Pero kitang-kita sa mukha mo na hindi mo planong magdiwang sa pag-inom mo, kaya’t niyaya kita sa mas tahimik na lugar–sa Sunken Garden.
Saka mo sinabi sa’kin lahat–sabi mo, mukhang hindi naging sapat ang halos apat na araw sa isang linggong pagpupuyat at pagtambay buong weekend sa library para isalba ang acads mo. Nakakatawa, kasi kinailangan mo pang malasing para mapagtantong pagod na pagod ka na.
Isang buong sem ka ring hindi umuwi sa inyo, dahil nahihiya ka sa mga magulang mong ipakita ang mga LE at papers mong punung-puno ng pulang marka at hindi man lang umaabot sa kalahati ang iskor. Natatakot kang pagtawanan ng mga tiyahin mo’t sabihing, “Honor nang magtapos ng hayskul, naging bagsakin pagdating ng kolehiyo, anyare?”
Ilang beses mo mang subukang bumawi, tila hindi sapat ang 24 oras kada araw para pagsabay-sabayin ang lahat ng gawain at manatiling ayos lang. Kaya minsan, bigla-bigla ka na lang maiiyak, o tatakbo, gaya ng mabilis na pagragasa ng luha mo noong gabing iyon.
Gustung-gusto kitang yakapin noon. Gusto kong sabihing magiging ayos lang ang lahat, kahit ang totoo’y apat sa anim mong subjects ngayong sem ang alanganin, at hindi mo na alam kung paano ipapaliwanag sa mga magulang mo kung bakit tatlong beses mo nang kinukuha ang subject na ‘yon e hindi mo pa rin maipasa. Kaya’t mas minabuti kong samahan ka na lang. Hindi ko alam kung mas nakagaan sa loob mo ang presensya ko; sana, kahit papaano, naibsan ang bigat ng nararamdaman mo.
Naiintindihan kita. Katulad mo, ito rin ang naratibo ko, at ng marami pang katulad natin sa loob ng pamantasang ito. Lahat tayo, gustong manatili, gustong patunayang karapat-dapat tayo sa lugar na kinalalagyan natin. Hindi ba’t kaya nga natin natutunang pahalagahan ang maliliit na bagay–pumasa nang one take, naihabol ang mga additional points, saktong tres ang grade, o di kaya’y naipasa ang removals exam.
Kaya’t huwag kang maniniwala sa mga nagsasabing “mediocre” ang mga estudyanteng pumapasa lang sa klase. Kung mayroon mang itinuro sa atin ang edukasyon sa UP, yaon ay hindi lamang tayo simpleng mag-aaral, kundi mag-aaral na may kamalayang hindi lamang nakakulong ang aral sa apat na sulok ng klasrum, at hindi lamang grado ang pamantayan sa pagkatuto.
At hindi kailanman senyales ng kabiguan ang pagbagsak. Maraming beses man tayong madapa, magdalawang-isip, at panghinaan ng loob, lagi’t lagi nating babalik-balikan ang mga naging dahilan kung bakit natin piniling pumasok sa pamantasang ito—upang pagsilbihan ang bayan.
Kaya’t kahit pinupuspos tayo ng kontradiksyon, patuloy tayong lalaban. Hanggang sa dulo ng pisi, hangga’t may nahahawakang sinulid, kakapit at kakapit tayo: para sa’ting sarili, sa mga kasama, kaibigan, pamilya, at sa sambayanang pinagkakautangan natin ng edukasyon.
Kaya’t sa’yong pag-uwi ngayong bakasyon, yakapin mo nang mahigpit ang mga magulang mo. Bumawi ng tulog at kain, mag-catch up sa TV series. Pagkatapos, sabak ulit. Marami pa tayong alak na patutumbahin. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-10 ng Mayo 2018.