Ni SHEILA T. ABARRA
Mga tambol na humahataw hanggang 8/8 na beat, may pagsaliw pa ng tambourine, pati eksenang may full sex scene—kung hindi kakaiba, sa isip ay nanggagambala. Lahat ng saliwa sa palabas sa telebisyon, tinatawag na ngayong indie.
Tahimik lang ang genre na ito sa pagpapalaganap ng sari-saring estilo sa musika, pelikula at iba pa; nakasentro lang ito sa maliliit na grupo na kung hindi progresibo ay nakalinya sa art for art’s sake. Ngunit ngayon, maingay na ito sa industriya, gaya ng sa nagdaang Metro Manila Film Festival (MMFF) noong 2016 kung saan puro indie umano ang napiling papasukin sa film festival.
Isa ang pangyayaring ito sa mga naghahawi ng daan tungo sa konsepto ng indie sa bansa. Sa ngayo’y patuloy ang pagdiskubre sa halina ng mga kakaibang panlasa, maging sa musika sa pangunguna ng mga kabataan. Kung hindi ang mabining musika ni Moira Dela Torre ang pinakikinggan, linggu-linggo silang nasa gigs ng Autotelic, Ransom Collective, at iba pang “indie bands.”
Back Track
Lampas pa sa usapin ng “label” ang pagsasakategorya sa indie, dahil gaya ng malalaking record labels at film production companies sa bansa, mayroon na rin namang ilang kumpanyang independent gaya ng nagtaguyod ng album ng ”‘Oh, Flamingo!” noong 2015 na Wide Eyed Records Manila, at pelikulang “Kita Kita” ng Spring Films.
Kung babagtasin ang kasaysayan ng indie sa bansa, ang dekada ’40 ang tinaguriang unang “Golden Age” ng pelikulang Pilipino dahil sa nakitang oportunidad ng industriya ng pelikula para ipahayag ang pagsalungat sa mga mananakop. Nariyan ang mga director gaya ni Manuel Conde na kilala sa paglikha ng pelikulang tumatalakay sa naratibo ng pag-ahon ng bansa mula sa digmaan.
Sa pagdating ng telebisyon at ng kakabit na modernisasyon noong dekada ’60, humina ang paglikha ng mga indie films. Naging status symbol ang pagkakaroon ng telebisyon kung saan napapanood at napakikinggan ang pelikula at musika ng naglalakihang kumpanya. Dito umusbong ang mga pelikulang “bomba” gaya ng “Laman sa Laman,” “Hayok,” at iba pa.
Bitbit ng mga direktor at artistang lumilikha ng indie ang bigat ng pakikipagsabayan sa malalaking korporasyon. Kung kaya noong diktadurang Marcos, nakalikha ang mga gaya ni Lino Brocka ng mga pelikulang naglalahad at nagsusuri sa krisis na kinakaharap ng bansa. Gayundin, umalingawngaw ang mga musika ng mga grupong gaya ng Asin, The Jerks, at iba pa. Karamihan sa kanila, tatak-UP.
Hindi nawawala ang indie—bukod sa tinatangay ito ng panahon, ang pagiging ganap nito ay tuwirang pagtugon sa mga suliraning patuloy na umiinog sa lipunan.
Collab
Ang “indie spirit” ay nahahango mula sa pag-igpaw sa mainstream. Dumadaloy sa mainstream ang laman ng telebisyon , radyo, sinehan, at iba pang likha ng malalaki at dominanteng korporasyon gaya ng Star Cinema at GMA Films.
Ang pagiging dominante ay nagbibigay-kapangyarihan sa mga likhang-sining nito upang maging institusyon at mukha ng kulturang popular. Sa inaraw-araw na pagtatampok kina Vice Ganda at Vic Sotto sa telebisyon, malamang, sila ang pipilahan sa film festivals—bagay na nagiging kulturang pangmasa o mass culture.
Dahil nagsilbing tagapagbigay konteksto ang kulturang popular sa mass culture, kinilala ang mga sumasalungat dito bilang indie. Tinawag ang indie na “subculture” ng mass culture, ayon kay Dick Hebdige, isang Britong teorista. Ang orihinal na halimbawa ng subculture ay nagtataglay ng mahahalagang komentaryo sa lipunan.
Ang musikang “metal” ay maihahalintulad sa ingay sa mga pabrika kung saan ang mga suliranin gaya ng kontraktwalisasyon at hindi makatarungang sweldo ay patuloy na nangyayari.
Ang ingay na ito ay halimbawa ng ideya ni Hebdige sa subcultures bilang “cultural noise.” Ipinapahayag ng iregular na beat at mala-ugong na electronica ang pagtaliwas sa swabeng tunog ng mga institusyunalisadong genre, tulad ng malinis na 4/4 ng waltz ng mga engradeng okasyon sa palasyo.
Gayunman, dahil ang pagpapanatili sa indie ay nakasalalay sa malaya at bukas na paglikha ng bago, maraming humiram sa termino nang hindi isinasaalangalang ang matalas na suring mahalagang bahagi ng isang subculture.
Naging “cool” na lamang ang kahulugan ng ripped jeans—estetika na lang kung ituring ang lace at turban na dating sumisimbolo sa hippie subculture na isang kultural na protesta o pagkilos ng mga kabataan laban sa mainstream na buhay-Amerikano noon.
Long Set
Ang pagkahumaling sa estetika ng indie ay nagkakaroon ng tuwirang epekto sa mga isyung panlipunang iniinugan nito. Isang halimbawa ang naisasantabing nosyon ng pagiging “puti” ng musikang indie sa Kanluraning kultura.
Puro “Vampire Weekend,” “Belle & Sebastian” at mga direktor gaya nina Wes Anderson ang namamayagpag sa indie scene at walang nakakapansing bibihira ang pagsikat ng mga African American. Depiksyon ito ng pananatili ng iba’t ibang isyung panlipunan gaya ng diskriminasyon sa lahi maging sa produksyong indie.
Gayundin, tila estetika na lamang ang naiwan sa orihinal na kahulugan ng indie. Maging sa bansa, ganito ang umuusbong na mga banda at pelikula. Kahit palasak na ang temang pagibig, nagbibigay nang panibagong pagtingin sa kulturang Pilipino ang metapora ng pagiging bata sa kantang Laro ng Autotelic, at mala-tulawit na pagtampok sa mga kalye sa Maginhawa ng Ang Bandang Shirley. Gayundin sa mga pelikula, gaya ng mga pang-vlog na eksena mula sa pelikulang “Siargao” ng MMFF 2017.
Gayunman, nananatili pa rin ang awiting makabayan ni Karl Ramirez at bandang Plagpul na kumanta ng “Pula ang kulay ng pag-ibig” na laging laman ng mga gig sa KAL. Tumabo rin sa takilya ang pelikulang biopic gaya ng “Heneral Luna,” at umani naman ng papuri sa MMFF ang pelikulang dokyu na “Sunday Beauty Queen” na tungkol sa mga kababaihang nangingibang-bansa.
Kung walang katuturan o komentaryo sa lipunan ang sining, hindi ito matatawag na indie. Sinasagka ng indie ang kasalukuyang sistema ng produksyon sa industriyang mismong humahadlang sa pag-usbong nito.
Isang malaking hakbang sa pag-unlad ng tunay na indie ang pagkahumaling ng kabataan sa umuusbong na artists sa bansa. Ang patuloy na paghahanap ng bago ay mararanasan din sa kakaibang pakiramdam ng sama-samang pagdalo sa mga gig para makapakinig ng mga bagong awitin at banda.
Hindi rin basta-basta ang paghanap ng albums ng mga iniidolong artists na bibihira sa mga mall at nabibili kung hindi sa bars ay online pa nga. Ang iba’t ibang kwento ng pagtangkilik ang nagbubuklod sa komunidad ng indie.
Sa pagyabong ng indie, isang malaking responsibilidad sa sinumang nangangahas maging tagapagtaguyod nito ang pagpapatibay sa tunay na indie spirit—matalas, makabayan, at syempre, cool. ●
*Pasintabi kay Petersen Vargas
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-18 ng Enero 2018.