Laging may katapat na presyo ang kahit anong higit sa ordinaryo. Di man ito totoo sa lahat ng pagkakataon, pero ganito na isinapakete ang mga produkto sa mga mamimiling gusto ng dagdag-bentahe. Kaya maging bigas, na isa sa mga esensyal na pagkain nating mga Pilipino, ay may gintong bersyon na rin.
Puspusang itinutulak ng mga dayuhang kumpanya na palawakin ang pagtatanim ng Golden Rice sa bansa, isang uri ng genetically modified na palay. Gamit ang teknolohiya at siyensya, nasosolusyunan ng bigas na ito ang kagutuman at kaunlaran ng agrikultura sa bansa.
Matagal nang may Vitamin A deficiency (VAD) sa bansa, isang manipestasyon ng umiiral na kagutuman sa Pilipinas kung saan mga bata ang primaryang apektado. Sagot umano ang Golden Rice at taglay nitong beta-carotene, isang source ng Vitamin A, para masugpo ang VAD. Ngunit matagal na ring tinututulan ng mga pesante ang malawakang pagtatanim at pagkonsumo ng Golden Rice at iba pang binhing genetically modified.
Taong 2013 nang magmartsa sa tanggapan ng Department Agriculture sa Pili, Camarines Sur ang higit sa 400 na magsasaka upang pigilan ang field testing ng Golden Rice sa sakahan. Magmula noon, nagpatuloy ang di pagtanggap ng mga magsasaka sa Golden Rice, na hudyat sa pagsali ng mga grupong pesante sa Stop Golden Rice Network, isang grupo ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang bansa.
Kung grasyang maituturing ang mga genetically modified organisms (GMOs) tulad ng Golden Rice, nakakapagtaka ang masidhing pagtanggi ng mga magsasaka rito. Pero tulad ng panlilinlang sa’tin sa mga komersyal, tatambad ang nakakadismayang katotohanan; katotohanang mga pesante ang patuloy na nagsisiwalat.
Pekeng Ginto
Nabuo ang seed network, o samahan ng mga magsasakang ibinabahagi sa kapwa magsasaka ang sariling organikong binhi at kaalaman sa organic farming, bilang paglaban sa mga GMOs at agrokemikal na produktong ipinakilala sa bansa.
Unang ipinakilala ng Green Revolution, isang proyekto sa ilalim ng Masagana 99 na ipinatupad ni dating diktador, Marcos Sr., ang genetically modified at high-yielding varieties (HYV) crops sa bansa. Sa pangako ng modernisado at mas “produktibong” agrikultura, nagpautang ang gobyerno sa mga magsasaka sa kondisyong bibilli sila ng chemical pesticide at abono sa mga kumpanya, at na binhing HYV lang ang kanilang itatanim.
Dahil bugbog sa kemikal at monoculture na pagtatanim, hindi kataka-taka ang pagkasira ng lupa. Ganito ang naging kinahinatnan ng lupang ninuno ng mga katutubong Guarani sa Sao Paulo, Brazil, kung saan pagkatapos gawing taniman ng eucalyptus ng kumpanya ang kanilang lupa ay iniwan itong nakatiwangwang nang hindi na mataniman ulit.
Ayon sa ulat ng Stockholm Environment Institute noong 2020, nananatiling responsable sa mataas na global emissions sa mundo ang mga korporasyong multinasyunal. Magpapatuloy ang pagkasira ng kalikasan na magreresulta sa pagtindi ng climate change kung walang pananagutan sa mga pangunahing sumisira rito, giit ni Judi Bari, isang american environmentalist, sa akdang “Revolutionary Ecology,” bilang kritisismo sa Green Capitalism.
Ano mang tangka ng pagpapaketeng environment-friendly ang produkto ng mga kumpanya, ani Bari, ay pawang akto lamang ng mga bilyonaryong negosyante upang lalong kumita at ilihis ang kanilang imahe mula sa pamumuna at pananagutan.
Kung anong mapanganib sa mismong lupa’y asahan nating mapanganib rin sa mga nabubuhay rito. Hindi lang din ang magastos na produksyon ang dahilan ng mga magsasaka upang tutulan ang agrokemikal na pagtatanim dahil mayroon din itong peligrosong epekto sa kalusugan ng tao.
Sa isinagawang pag-aaral ng MASIPAG, grupo ng mga magsasaka at siyentista sa iba’t ibang rehiyon sa bansa, noong 2020, nadiskubre ang pagdami ng magsasakang may malulubhang sakit sa komunidad ng Guinbialan, Capiz. Nahanap din sa komunidad ang mataas na lebel ng kontaminasyon ng glyphosate, isang pesticide sa pagtatanim ng GMOs, na nakakalason sa mga tao, ayon sa World Health Organization.
Gayunman, nagpatuloy pa rin ang monoculture na pagtatanim, at ngayon, patuloy na pagtulak para sa malawakang pagtatanim ng GM rice sa bansa. Sa pakikipagsabwatan ng International Rice Research Institute at Philippine Rice Research Institute sa Syngenta at ChemChina, mga dayuhang kumpanyang nagmamay-ari ng Golden Rice, maaaring lalong malubog sa utang at pagkalugi ang mga magsasaka dahil nasa dikta ng mga kumpanya ang magiging presyo ng binhi.
Hatol ng Karit
Gamit ang siyensya at katutubong kaalaman ng pagtatanim, naipamalas ng mga magsasaka ang permaculture na paraan ng pagtatanim. Kasing-simple ng pagkanta ng Bahay Kubo ang konsepto ng permaculture: sa munting sakahan, ang tanim at pagkaing napapakinabangan ng buong komunidad ay sari-sari.
Nang muling maibalik sa mga katutubong Guarani sa Brazil ang kanilang lupang ninuno, muli nilang binuhay ang tiwangwang na lupa ng kanilang komunidad. Sa pamamagitan ng pagkolekta ng iba’t ibang binhi mula sa iba pang magsasaka sa loob at labas ng kanilang bansa, matagumpay na naisagawa ng mga Guarani ang pagko-cross-breed ng mga binhi upang makapag-develop ng mas masustansya at ligtas na tanim para sa komunidad, at maging sa kalikasan.
Kumpara sa siyensya ng mga korporasyon na layunin ay kumita nang malaki, demokratiko ang direksyon ng paggamit ng mga pesante sa siyensya. Ibig sabihin, aktibo ang partisipasyon ng mga pesante sa pag-aaral, pagpapaunlad, at pagpapamahagi ng mga tuklas sa komunidad.
Ganito ang siyensyang patuloy na ginagawa ng mga magsasaka sa Filipino Farmers’ Seed Network, progresibong grupo ng mga pesante na nais isulong ang agroecology sa bansa. Mula 1997, higit 200 sari-saring klase ng organikong palay na ang napaunlad at ipinamahagi ng mga Pilipinong magsasaka ng Filipino Farmers’ Seed Network sa iba’t ibang panig ng bansa, maging mga bansa sa Asya-Pasipiko.
Karaniwang gawain sa seed network ng mga magsasaka ang pagpapalitan ng mga binhing tanim sa mga sariling bukirin. Mahalaga rin ang pagpapaaral at pagpapamulat sa kapwa magsasaka at komunidad. Sa mga idinadaos na forum, ipinamahaging aklat at polyeto, at maging radyo programa, tinatalakay ng mga magsasakang siyentista ang papel ng mga magsasaka sa produksyon ng pagkain sa bansa at paggiit sa libreng pagpapamahagi ng lupa para sa mga magsasaka.
Madalas ipinipintang walang sariling kapasidad ang batayang sektor para daigin ang nararanasan nilang krisis, isang paniniwalang ipinahayag ni Sen.Cynthia Villar noong Oktubre. Ngunit sa angking abilidad at talino ng mga pesante, napagtagumpayan nilang lumikha ng sariling solusyon sa mga suliranin ng pagsasakang matagal nang pinipiling di tugunan ng pamahalaan.
Katulad ng lumabas sa pagsusuri ni Zophia Edwards, propesor ng sociology at Black studies sa Estados Unidos, sa kanyang pag-aaral na “Resistance and Reforms: The Role of Subaltern Agency in Colonial State Development,” may potensyal para sa malaking panlipunang pagbabago ang tangang ahensya ng mga subaltern, o ang mga nasa laylayan. Sa pagkilala nila sa sariling kakayahan, ani Edwards, nasa pesante ang lakas at pwersa upang isulong at makuha ang kaunlarang ipinagkakait sa kanila ng mga institusyon.
Ginintuang Ani
Ipinapakita ng mga magsasaka sa seed network ang kanilang di makasariling layunin sa paggamit ng siyensya para sa agrikultura—hindi lamang pag-unlad ng pagsasaka ang nais nilang kamtan, maging food sustainability at climate change ay kanila ring binibigyang solusyon sa kanilang pananaliksik.
Mahalagang kilalanin ang patuloy na pagyakap ng mga pesante sa modernisasyon at scientific advancement, mga katangiang taglay ng agroecology na kanilang isinusulong. Hindi nakukulong sa organic farming ang agroecology, ang nais palitawin sa ganitong paraan ng pagsasaka ay pagbibigay importansya sa relasyon ng kalikasan, pagkain, at komunidad—sa bawat interaksyon nitong tatlo nagiging kapakipakinabang ang agrikultura para sa lahat.
Sa teorya ni Zhaochang Peng sa kanyang papel na “Upscaling Agroecology,” ang pagkakaroon ng pagbabago sa ginagawalang takbo ng lipunan ang pinakamahalagang tunguhin ng ecosocialism at hindi ang pag-iwas sa positibong benepisyo ng scientific advancement at pagsasa-industriya ng agrikultura.
Ecosocialism ay ang pulitikal na paniniwalang magkaugnay dapat ang ecology, pag-aaral sa biological organism at kalikasan, at sosyalistang oryentasyon ng panlipunan at pang-ekonomikong kalagayan ng buhay kung saan iwinawaksi ang inhustisya at kahirapang dulot ng labis-labis na pagmamay-ari ng iilang tao sa mundo.
Kaya kung may itinatakwil ang mga pesante, ito ay ang lalong pagpapahirap sa kanila habang kasangkapan ang “siyensya” ng mga mapanlinlang na korporasyon at polisiya. Nanatiling pulitikal ang pakikipagtunggali sa usaping agrikultura at kalikasan dahil ang pulitikal na kalagayan ng bansa rin ang ugat kung bakit patuloy na inilalagay sa tuluyang paghihirap ang mga magsasaka at pagkasira ang kalikasan.
Nanatili pa ring isang tanaw na layunin ang ganap na reporma sa lupa, at kalayaang paunlarin ang sariling pagsasaka na inaasam ng mga pesante. Pero isang hakbang pasulong na marahil ang seed network at organic farming na patuloy pinapangunahan ng mga pesante. Kung kaya tulad ng aktibong partisipasyon ng mga pesante sa pagpapaunlad ng buhay at agrikultura ng bansa, gayundin ang kahingian para sa atin upang aktibong matuto at magsilbi kasama sila. ●