Ni JAKE CARREON SALVADOR
Para kay Divine.
Sa gabing ito, nakalimutan kong bumili ng kaha ng sigarilyo–huling hithit ko na ‘to ng natitirang yosi. Dahan-dahan kong nararamdaman ang lamig. Unti-unting nanumbalik ang aking emosyon na ilang linggo ko nang ibinubuga, kasama ang mga usok at pinapalutang sa ibabaw ng aking isipan. Emosyong nagpapaalala sa akin, na lagi kong nararamdaman at iniisip tuwing mag-isa at sa mga mahahabang gabing ikaw ang aking kasama.
Naalala ko ang mga gabing napagsarhan ka ng dorm kasi gabi na tayong nakababa galing sa Kulê o di kaya alas-diyes na ng gabi tayo naghahapunan, hinihintay kitang matapos. Gumagamit ka ng computer para sa paper mo at internet, tayong dalawa na lang ang naiwan. Kailangan ko na ring umuwi dahil marami akong gagawin sa bahay kaso wala ka nang kasama kaya sabi ko, ituloy mo na lang sa bahay ang mga ginagawa mo.
Bibili tayo ng isang kaha ng sigarilyo at makakain at hindi hindi nawawala ang gusto mong kahit anong klase basta potato chips. Hindi naman matuloy ang gagawin mo kasi ako na kaagad ang gagamit ng PC. Laging mahaba ang gabi sa ating dalawa, lalo na sa akin. Ito na ang itinuturing kong umaga.
Ihahanda ko lagi ang aking kama sa kwarto para tulugan mo at para sa akin, maglalatag naman ako ng kama sa sahig katabi ng computer. Limang dipa ang layo natin sa isa’t isa kaya naman pinili mo na lang tumambay sa kamang inilatag ko. Nagbabasa ka, nagyoyosi, pinapanuod ako; at nang minsan ninais manuod ng DVD sa sala–kaso napanuod ko na–itinuloy ko na lang ang aking ginagawa.
Limang minuto pa lang ang nakalipas, binalikan kita. Nagulat ako sa tuwa. Tulog ka nang pinagmasdan kita ngunit tinunaw mo ako. Ginising kita at pinatulog sa kama ko pero natulog ka pa rin sa inilatag ko. Hindi na tayo gaanong nakakapag-usap kapag sinimulan ko na ang ginagawa ko sa harap ng screen. Lagi mo akong hinihintay para sabay tayong matulog pero sa mga panahong iyon, hindi ito nangyari. Pinagalitan na tayo ng tatay ko kasi hindi na tayo kumakain ng almusal at tanghalian.
Hapon na tayo nagigising para magrenta ng pelikula, magaling kang pumili kasi mahilig ka sa art film. Itinatakas ko ang DVD player sa kwarto ng magulang ko para sa kwarto na lang tayo manuod. Lagi kang nakakatulog. Kaya magsisindi na lang ako ng sigarilyo at paulit-ulit kitang pagmamasdan. Minamarkahan ko ang sandaling tinutunaw mo ako. Tulog ka, gising ako.
Tuloy na pala talaga ang pag-alis mo nitong darating na Biyernes papuntang US, na dati ay bagay na ayaw kong pag-usapan o isipin pero ikaw ang laging nagpapaalala. Nalulungkot ako, magsisindi ako ng sigarilyo hindi para markahan ang sandali kung hindi para huwag hayaang tumagos sa aking kaluluwa ang kalungkutan.
Ikaw ang muling bumubuhay sa akin. May 22 taon na akong nabubuhay pero mag-iisang taon ko pa lang itong lubusang naramdaman. Sa panahong nagkaroon ako ng malay, ikaw ang naghubog sa akin, ang aking guro, kaibigan, at ang aking mahal. Puno ako ng alaala kasama ka. Mag-iisang taon na ang nakalipas noong gabi ng Disyembre 1, iyong kaarawan. Ipinakilala mo ako sa mundong iyong ginagalawan, ikaw ang muling nagsilang sa akin at nagbinyag ng bagong pangalan. Ito na rin ang araw ng aking kaarawan.
At ngayon, para akong sanggol na nahihirapang idilat ang mga mata dahil parang ayaw ko nang makita ang mga kulay sa paligid na araw-araw pinagsasaluhan ng ating mga mata. Gumagapang dahil hindi ko kayang maglakad na dalawa lamang ang paa. Mag-isa na akong umuuwi sa bahay ngayon at pagdating ko, ikaw ang hinahanap ng mga kapatid at magulang ko.
Sa huling araw mo sa bahay, gabi at nag-brownout. Umuulan kaya uminom tayo ng kape sa terrace. Sa itaas, halos walang mapag-uusapan. Naikwento mo na yata ang lahat ng detalye ng buhay mo sa akin, at ganoon din ako sa iyo. May mga bagay na hindi natin pinagkakasunduan pero magkasama pa rin tayo. Hinayaan na lang nating mag-usap ang mga usok ng ating sigarilyo. Umakyat nang may dalang gitara, kinanta ang “Jeepney” ng Sponge Cola. Buti na lang, may kaha tayo ng yosi. Kaya ko pa.
Limang minuto na ngayon simula nang itapon ko ang upos ng sigarilyo. Hindi ko na kayang hawakan, kontrolin, palutangin. Sabay-sabay nang bumabagsak ang mga alalala. Nilulunod na ako ng mga luha. ●
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-22 ng Nobyembre 2004.