By WENDELL GUMBAN
May rali, kasama ako ng mga estudyante sa pagmartsa. Pagdating sa lugar na pagdadausan ng demonstrasyon, kailangan ko nang humiwalay sa hanay nila. Kapit-bisig sila, sabay-sabay na sumisigaw ng mga slogan ng protesta at, maya-maya, nagkakaisa pa ring humarap sa mga batuta ng dispersal police. Gusto kong sumanib uli sa hanay, pero hindi ko pwedeng bitawan ang bolpen at notebook ko.
May pulong ang mga tagapangulo ng mga organisasyong nanganganib mawalan ng tambayan sa Vinzons. Ayaw magpatinag ng admin, nagtaas ako ng kamay para ipilit ang karapatan ng bawat isa sa tambayan. Pero binaba ko rin agad ang kamay ko, at nagpatuloy na lang sa pagtala ng mga napag-usapan sa meeting.
May mga residente mula sa isang malapit nang ma-demolish na lugar sa UP na nagmamakaawa sa admin para huwag silang alisan ng bahay. Gusto kong sumabat sa usapan at ipagtanggol ang karapatan nila sa panirahan, pero sa paraang patanong ko na lang ipinahayag ang mga punto ko.
Reporter ako. Dapat daw walang bias.
May mga sumisita sa Kulê na hindi raw objective ang pagbabalita rito, na may mga gustong kampihan ang mga report. Ewan ko kung talaga bang binabasa nila, pero marami pa rin ang nakakulong sa nosyon ng pagiging “objective,” na ang tamang pagbabalita raw ay basta’t ilahad mo lahat ng pangyayari’t pananaw, hayaan na lang ang mambabasa na magbigay ng opinyon. “Katotohanan” lang.
Sa pagbabalita ko sa Kulê, ini-interview ko naman ang bawat panig sa isang isyu, masusing binabantayan ang bawat pangyayari, itinatala ang bawat datos. Siguro nga, sa puntong ito, balanse at obhetibo ko nang maisusulat ang “katotohanan” sa isang balita.
Pero hindi ko ito kaya. Hindi ito ang silbi ko sa dyaryong ito. Dahil kung susuriin ang mga detalye, kung titimbangin ang mga opinyon, at poposisyon sa iba’t ibang anggulo, alam kong may mas malaking katotohanan, mas masalimuot na tunggalian, sa bawat balita ko.
Mas mahalaga na mailahad ko kung gaano katotoo ang hinaing ng mga nagrarali, kung gaano katotoong kailangan nating kumilos at lumaban, at kung gaano ito kahirap. Mas kinakailangan na maisiwalat ko kung paanong sa likod ng kawalan ng sapat na tambayan at pasilidad para sa mga estudyante ay ang maliit na badyet ng UP, ang hindi pagtugon ng gobyerno sa edukasyon, at ang pagsunod nila sa kapangyarihan ng komersyalisasyon. Mas makabuluhan na maipaunawa ko kung paanong dumarami ang mga squatter dahil mahirap magkaroon ng tirahan, na samantalang ang itatayo sa mga gigibain nilang kabahayan ay iyong pakikinabangan na naman ng mayayamang iilan, patuloy na naghihirap ang maraming mamamayan.
Minsan, mahirap talaga tuwing malilimitahan ang mga kilos ko kapag humaharap ako sa isang isyu bilang reporter. Nagpigil akong humanay sa mga nagrarali, o magsalita para sa isang panig. Pero hindi ako pwedeng malimitahan ng mga mapanlinlang na pamantayan sa pagka-obhetibo at pagkabalanse dahil katumbas lang ito ng pagsunod sa umiiral na sistema ng lipunan. Hindi ako pwedeng pigilan ng mga huwad na detalye, mga baling opinyon, at mga represibong pananaw na pilit tumatakip sa bawat kaganapan at isyu sa paligid.
Dahil hindi naman ako makaimik sa mga panahong nagpapaka-”reporter” ako, tinitiyak kong armas ang panulat ko at dugo ang gumuguhit sa bawat titik ng balita ko. At lunsaran ng digmaan ang dyaryong ito.
Pagkat sa bawat balita, kaya kong magpalaya. ●
Inilathala sa isyu ng Kulê noong ika-30 ng Agosto 2004, gamit ang pamagat na “Kumpisal ng Isang Reporter.”
Naging manunulat ng Collegian si Wendell Gumban noong 2003 at nagsilbing managing editor taong 2006. Nang lumaon, tinahak ni Gumban ang landas bilang isang full-time activist at kumilos kahanay ng mga manggagawa. Yumao si Gumban noong July 23, 2016, bilang isang rebolusyonaryo sa Mindanao.