Ni MARY JOY T. CAPISTRANO
Mula sa malayo, matatanaw ang malaking kastilyo na napapalibutan ng mataas na bakod. Sa tuktok nito, may mga parol na isinabit bilang paghahanda sa Pasko. Tuwing gabi, nagliliwanag ang mga puno dahil napapalamutian ng maraming christmas lights ang paligid. Mukha mang kastilyo, hindi mga hari at reyna ang matatagpuan sa loob. Kung sisilipin ang looban ng kastilyo, makikitang halos iisang kulay lang suot ng mga tao—kahel.
Ito ang Bilibid Prison, kung saan nakapiit ang mga bilanggo mula sa iba’t ibang lugar sa Luzon bilang kabayaran sa kanilang mga kasalanan. Sa loob, inaasahan ring makatutulong ang pagkakakulong sa mga bilanggo upang makapag-bagong buhay. Kabilang sa mga bilanggo ng Bilibid si Mang Nestor*. Matapos ang higit sa limang taong pagkakabilanggo, inaasahan ni Nestor na lalaya na siya sa susunod na taon. Ito na marahil ang pinakamagandang regalong natanggap ng mga tulad ni Nestor na nananabik na muling makasama ang pamilya tuwing Pasko.
Krimen
Nakatira si Nestor, 37 taong gulang, sa Pinyahan, Quezon City, kasama ang kanyang asawa at anim na anak. Dati siyang drayber bago makulong sa salang Frustrated Homicide. Ikinulong siya dahil muntik na niyang mapatay ang kapitan ng kanilang barangay. Aniya, nais lamang niyang iganti ang kanyang kapatid na binugbog umano ng kapitan. Bago ilipat sa Bilibid, labing-anim na buwang tumigil sa Gumaca Quezon City Jail si Nestor.
Masipag magtrabaho at responsableng ama si Nestor. Sa kakarampot na kinikita sa pagmamaneho, nairaraos niya ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanyang pamilya at napag-aaral ang kanyang mga anak. Bunsod ng isang pagkakamali, nabago ang takbo ng kanyang buhay higit lalo ng kanyang pamilya. Naiwan niya ang kanyang asawa at anim na anak na walang masasandalan kaya naman sising-sisi siya sa pangyayari.
Bago makulong, masayang ipinagdiriwang ni Nestor ang Pasko kasama ang kanyang pamilya, may handa man silang noche buena o wala. Sama-samang nagsisimba at bumibisita sa mga kamag-anak ang pamilya ni Nestor. Simula nang makulong, mga kapwa preso na lamang ang kapiling ni Nestor tuwing Pasko.
Hatol
Sa loob ng isang maliit at masikip na selda ginugol ni Nestor ang mga lumipas na taon. Ayon sa kanya, walang kasing lungkot ang buhay sa loob. Noong una’y halos ayaw na niyang kumain at kumilos dala marahil ng pangungulila at paninibago sa lugar na ni sa hinagap ay hindi niya naisip na kasasadlakan niya.
Pangunahing kulungan sa Pilipinas ang New Bilibid Prison na 70 taon nang nagsisilbing tahanan ng mga bilanggo. Sa lumalaking populasyon ng mga bilanggo, hindi na sapat ang Bilibid para mabigyan ng maayos na lugar ang mga preso. Kaya’t marami talaga ang nagtitiis lalo na sa pagkain. May ilan na matinding hirap ang pinagdaanan sa loob ng mga rehas bago makamit ang kalayaan o nlilisan na lamang ang mga piitan nang walang buhay. Walang nagbago sa Bilibid, na tahanan ng mahigit 20,000 mga bilanggo, mula ng itayo ito noong 1940.
Sa loob ng selda, naranasan niyang kumain ng pagkaing hindi niya kinakain noon. Bukod sa tipid na tipid ang mga bilanggo sa ulam, hindi pa umano maintindihan ang lasa ng kanilang pagkain. Minsan, napipilitan sina Nestor na sikmurain ang bulok na gulay na inihahain sa kanila.
Ngayong pasko, habang abala at nagkakasiyahan ang mga tao sa labas sa pagpili ng kakainin sa pasko, nananalangin naman ang mga preso para sa maayos na pagkain ngayong darating na noche buena. Sobra-sobrang biyaya na para sa kanila ang makakain ng manok.
Sa loob ng kulungan, may isyu rin tungkol sa antas at sa tagal ng pamamalagi sa loob. Kadalasang inaapi ng mga grupong naghahari-harian sa loob ang mga bagong preso. Bunsod nito, pinipilit ng ilan na makasali sa grupo ng mga beteranong preso para sa sariling proteksyon.
Malaki ang naging pagbabago sa takbo ng kanyang buhay. Noon, may kalayaan siyang gumising ng maaga, pumili ng pagkain at gawin ang mga bagay na gusto niya. Ngunit bilang isang preso, kailangang sumunod sa mga nakatakdang batas – kapag nagkamali, bartolina ang bagsak. Kung matinding pagkakamali ang nagawa, malamang na mas mabigat ang parusa na tinatawag na Takal, o ang pagpalo gamit ang malapad na kahoy sa katawan.
Malamig ang pasko sa loob kahit na may ilang programa katulad ng palaro, sayawan at kantahang inihanda ang mga tagapangasiwa. Tuwing Pasko, ang tanging inaabangan ni Nestor ay ang kanyang pamilyang nananabik kumustahin siya at makasabay sa pagkain.
Parole
Kapana-panabik para kay Nestor ang darating na pasko dahil inaasahan niyang ito na ang huling Pasko niya sa kulungan.
May tatlong uri ng preso: ang maximum, o ang mga hinatulan ng 20 taon pataas na pagkabilanggo, mga medium o 20 taon pababa ang sentensiya at ang minimum na 3 taon lamang ang hatol at may oportunidad na maging isang living-out prisoner. Binibigyan ng parole ang mga living-out o ang pansamantalang kalayaan na nangangailangan ng buwanang pagrereport upang lubusang makamit ang kalayaan.
Kulay lila ang uniporme ni Mario Narcora o Nestor sa Bilibid. Isa na siyang living-out prisoner
at inaasahang lalaya na sa 2011. Matapos ang dalawang taon nabigyan siya ng pagkakataong maging living-out prisoner. Pinagtratrabaho siya ngayon bilang orderly ng Bilibid museum.
Ayon sa kanya, mas maayos ang buhay ng isang living-out kaysa sa mga minimum na nasa loob ng rehas. Bilang isang living-out, may sarili siyang kubo sa mismong likod ng museum. May kalayaan siyang gawin ang bagay na nais niya at alam niya ang mga limitasyon ng mga ito.
Sa bawat taong lumilipas, isa lamang ang natatanging aginaldo na nais makamit ng mga bilanggo. Ang aginaldong maging malaya at maipagdiwang ang Pasko kasama ang pamilya. Maaaring malapit na ang kanyang paglaya mula sa kastilyo ng Bilibid, ngunit hindi pa man ito dumarating, may suliranin na siyang kahaharapin sa labas. Sa ngayon, umaasa si Nestor sa pag-asang dala ng Pasko para sa kanya at kanyang pamilya. ●
*Hindi tunay na pangalan.
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-17 ng Disyembre 2010, gamit ang pamagat na “Pait ng Piitan.”