By HILDA ROSCA NARTEA
Lagi akong umuuwi sa madaling araw dahil malaki at marami at mabigat ang laman ng bag ko. Halos hindi ko mabuhat ang aking dala-dala—lalo pa tuwing umuuwi ako ng maaga pa ang gabi. Tuwing sinusubukan ko naming bawasan ang laman, lagi akong nabibigo. Hindi ko nga maintindihan. Dahil bukod sa ibang bagay na itinuturing kong sikreto, walang ibang laman ang bag ko kundi mga tula lang naman. Mga tula sa kani-kanilang mga uniberso.
Kapag umuuwi ako ng madaling-araw, hindi sa sinasabi kong nababawasan ang bagahe ko at gumagaan—pero sabihin na nating nakakayanan naman. Isinasabit ko ito sa aking kanang balikat, kumakagat ang strap sa ’king balat. Hindi ako nagta-taxi. Gusto kong mapag-isa, nakakapag-isip ako nang malalim, pero ayoko naming walang kasama sa biyahe.
Humahagibis ang dyip sa kumikinang na aspalto ng Quezon Avenue. Iniisip ko, kung dudura ako sa bintana, aabot ang laway ko sa Fairview. Iniisip ko rin lagi ang tuksong itapon na lang ang lahat ng laman ng bag ko at paliparin sa labas ng bintana. Pero hindi ko naman nagagawa. Malamang kasi, kasama ng mga tula, kakalat ang utak ko sa kalsada.
Humahampas ang hangin sa mukha ko—nasa harap pa naman naming ang nakapilang mga trak ng basura. Tumatagos ang lamig sa buto ko. Malamlam ang ilaw sa dyip. Kumikirot ang kanang balikat ko. Sa loob-loob ko, huwag kang magreklamo. Sampung bote ng beer ang nasa lasing na nahihimbing sa tabi ko. Dalawampung kilong galunggong ang nasa pagitan ng mga hita ng tindera. Dalawang timba ng taho ang pinagkasya sa harapan ng mama. Tatlong buwang damit ang kalong ng katapat kong bagong salta sa Maynila. Dalawang sanggol ang yakap-yakap ng naglayas na ina. Sambakol na problema ang nakaguhit sa mukha nung pinakamagara ang bihis sa aming lahat na tila magsisimba. Tatlong icepick naman ang nasa bulsa ng binatilyo sa bandang kaliwa ko.
Sabi nila, ang lakas ng loob ko, kababae kong tao. Pero iniisip ko, wala naman atang dapat ikakaba. Tanghaling tapat noong madukutan ako ng walong daan. Hapon naman nang mahablutan yung katabi ko ng pitaka. Alas-siyete ng gabi nang minsang matutukan ako ng baril sa may Katipunan. Pero ngayon, alas-tres ng umaga, itong binatilyong manghoholdap sana ay tila nawalan na ng gana. Pagbaba ko ng dyip, parang nais ko tuloy magpaliwanag. Mabuhay kayo, mga kasama. Malupit ang panahon at mabigat ang ating mga dala-dala. Pero hindi nagtatapos ang lahat sa aking simpatya. Nagbi-biyahe tayo ng madaling araw dahil mangahas tayo’t nagbabakasakali—na sa ngayon, makikibuhat ko sa inyong araw-araw na pakikibaka; na balang araw, makikita rin ang ating balintanaw.
Pero naiintindihan ko naman ang mga nag-aalala, kaya pasensya na. Umiingit ang pinto tuwing binubuksan ko ito. Pasensya na, sa lahat ng naiistorbo. Tinanggal ko ang putikan kong sapatos pagpasok. Iino mako ng tubig. Huhugasan ko kung may natitirang plato sa lababo. Nakayapak akong papasok sa kwarto. Mapapailing ako, lagi na lang akong kinakapos sa oras. Pero umuuwi pa rin ako kahit madaling araw, umuuwi kahit delikado, kahit pwede pa naming ipagpabukas, kahit malamig at nag-iisa. Dahil kapag umuwi ako ng madaling araw, umuuwi akong hapô, at ipipikit ang mga mata ko—sa mga panaginip na lang ako susuko. Dahan-dahan at buong pag-iingat, ilalapag ko sa wakas ang mabigat kong bag. ●
Para kina Eman, Isagani, Gael, Joaquin at Anton—pasensya na kung ang mga nanay ninyo’y inuumaga. Unang nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-5 ng Pebrero 2004.