Ni LOUIS VINCENT AMANTE
Una nating nakilala si Jose Rizal sa piso. At tulad ng karaniwang barya, pamilyar na sa atin ang pambansang bayani, mula pa pagkabata.
Bunsod ng Republic Act (RA 1425) o Batas Rizal, ginawang bahagi ng kurikulum ang pag-aaral tungkol sa pambansang bayani. Pagdating ng high school, natunghayan natin ang mga nboela niyang Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Pati rito sa UP, hindi tayo nilubayan ni Rizal. Mapapa-PI ka nga naman.
Tila kalbaryo ang pag-aralan at unawain si Rizal at ang kanyang mga akda. Subalit, anu’t anoman, itinakda na siya’y pumaloob at umiiral sa ating kamalayan.
Paglilitis
Abril 3, 1956 nang ipanukala ang Senate Bill 438—magiging RA 1425—na naglalayong ituro sa mga paaralan ang mga nobela ni Rizal. Bagaman wala namang pagtutol dito ang mayorya ng Senado, naalarma ang Simbahan Katoliko. Anti-Katoliko raw ang mga nobela ni Rizal. Ayon kay Florentino Iñiego Jr., propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (DFPP), “ikalawang paglilitis ito kay Rizal,” lalo pa’t inakusahang “subersibo” ng Simbahan ang mga akdang binanggit.
“Kinakailangan ngayong itanim ang binhi ng nasyonalismo sa mga kabataan,” anila Senador Claro M. Recto at Jose P. Laurel Sr, ang mga pangunahing nagsulong ng Batas Rizal. Tila naayon ang gayong panawagan noong panahong iyon, sapagkat sa lobo at labas ng Senado, umiinit ang panawagang muling sipatin ang relasyong United States (US) at Pilipinas, sampung taon matapos ang “kalayaan” ng ating bansa. Kontrolado ng US ang ating ekonomiya sanhi ng pag-export ng ating mga produktong agrikultural sa ilalim ni Pangulong Ramon Magsaysay. Panahon din ito ng matinding kampanya ng pamahalaan laban sa rebelyong Huk.
Naging mainit ang deliberasyon sa Senado. At noong Hunyo 12, 1956, pinirmahan ni Pangulong Magsaysay ang RA 1425.
Diskurso
Isang tagumpay na sana ng RA 1425 ang muling pagpapakilala kay Rizal. Batid nating nakibaka siya para sa kasarinlan ng bayan. Ngunit sa ganitong antas din dapat himayin ang kanyang pagkabayani, na hindi gaanong napaglilimiang mabuti sa klase.
Hindi maitatangging iginawad ng kolonyalismong Amerikano ang titulo kay Rizal noong 1901, dahil isa siyang tao ng kapayapaan, ayon na rin sa kanyang mga sinulat. Angkop na angkop ang paglalagay kay Rizal sa pedestal bilang kinatawan ng programang “mapagkandiling asimilasyon.” Pabor siya sa pagbabagong pulitikal ng bansa sa pamamgitan ng pagsasagawa ng mga reporma, kahit na dayuhang mananakop ang mag-aapruba at magpapatupad ng mga repormang ito.
Bagaman may mga mapanghimagsik na ideya ang Noli at Fili, hindi siya sumang-ayon sa isinusulong na rebolusyon ng Katipunan.
Ayon sa kanyang sanaysay na “The Philippines: A Century Hence” noong 1998, marahas at mapanganib ang ganitong anyo ng pagbabago “kung ito ay magmumula sa masa.” Magiging “mapayapa at mayaman sa resulta” kung mula ito sa nakaaangat na uri sa lipunan. Kaya’t nang idiin siya ng kolonyalismong Español sa salang rebelyon, tahasan niya itong itinanggi.
Samantala, tinitingala pa rin si Rizal ng marami, kahit noong siya’y nabubuhay pa. Sa katunayan, isa siya sa inspirasyon ng Katipunan sa pagsulong ng rebolusyon. Sa ibang bansa naman gaya ng Tsina, Alemanya, at Espanya, may mga nakatayong bantayog si Rizal bilang pagkilala sa kanyang kaisipan at mga nagawa para sa ating bayan.
Lihis
Napakarami pang maaaring matutunan ukol kay Rizal, ngunit hindi matatalos ng kurso ang ganitong mga bagay kung dispalinghado ang pagtuturo.
Lahat nga ng paaralan sa bansa ay may kursong Rizal. Subalit nauuwi ito madalas sa pagkabisa ng mga datos ukol sa kanyang buhay at mga akda, at pagtatanghal sa klase ng matamis na suyuan nian Ibarra at Maria Clara, at ng pagkabaliw ni Sisa. Ayon kay Choy Pangilinan, nagtuturo ng PI 100 sa UP Baguio, “pinapatay ang kabataan ng kursong Rizal” dahil sa ganitong de-kahong lapit. Hindi nito nailalapat sa kasalukuyang panahon ang mga kaisipan ni Rizal, lalo na ang pagiging makabayan.
Lumalabnaw at lumilihis sa orihinal na sentimyento at layunin ng Noli at Fili ang pagkalat ng mga pinadali at pinagaang bersyon ng mga ito. Ipinatanggal ng Simbahan ang mararahas na anti-Katolikong pahayag sa mga nobela ukol sa sigalot ng mga orden at pagbabayad para sa kaligtasan sa kabilang buhay.
Marami rin sa mga kolehiyo at unibersidad sa bansa ang nagtuturo ng kursong ito sa Ingles, tulad ng Rizal Technological University at Jose Rizal University. Taliwas at kakatwa ito sa tinuturan ng ating bayani sa kanyang tulang “Sa Aking mga Kababata” at ng kanyang tauhang si Simoun ng Fili ukol sa pagmamahal sa sariling wika.
Ayon kay Dr. Bienvenido Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining at iskolar ng panitikan at kulturang Filipino, ang paggamit ng Ingles sa mga asignaturang gaya nito ay pagtugon sa pangangailangan ng mga bansang may maunlad na teknolohiya at industriya. At dapat tayong umakma sa wika ng industriyalisasyon upang diumano’y makasabay tayo sa kalakaran ng daigdig.
Isa rin sa kakatwang rekisito ng ibang guro ng kurso ay ang field trips sa Bundok Banahaw, pugad ng sektang Rizalista. Ayon kay Prop. Ramon Guillermo ng DFPP, bahagi lamang ng ating folklore ang ganitong pagsamba sa bayani at wala itong kaugnayan sa mga akda ni Rizal. Nauuwi lamang ang ganitong mga paglalakbay sa mistisismo ni Rizal, isang paghihintay sa ikalawang pagbabalik ng isang pinaniniwalaang mesias.
Dahil sa ganitong mga paggamit kay Rizal, nababansot ang dapat na damdaming makabayan ng mga mamamayan. Naluluoy na lang si Rizal bilang bahagi ng nakaraan - na lumipas na’t aksaya ng panahon kung babalikan pa’t uuriratin.
Sa labas ng paaralan, kung gagamitin man ang mga tinuruan ni Rizal, madalas ang mga ito’y lihias sa nais niyang ipahatid. Nang ideklara ni Marcos ang Batas Militar, kinasangkapan niya ang linyang “sa ikauunlad ng bayan, disiplina ang kailangan” ni Rizal. Maging noong Disyembre 30, 2003, nangako ang Pangulong Arroyo sa harap ng rebulto ni Rizal sa Baguio na hindi tatakbo sa eleksyong 2004—na isa diumanong sakripisyo para sa bayan. Binabaluktok ng mga personaheng ito mula sa nakaaangat na uri ang mga pahayag ng bayani.
Sa lahat ng ito’y naibabalik tuloy sa hukay ng paglimot si Rizal dahil sa ganitong mga pagsipat. Nagiging isang karaniwang mukha na lamang siya sa bumabagsak nating piso: patuloy na lumiliit, nawawalan ng kinang, at ng silbi. ●
Maraming salamat kay Prop. U Z. Eliserio ng DFPP sa kanyang tulong para rito.
Nailathala sa isyu ng Kulê noong ika-21 ng Hulyo, 2006, gamit ang pamagat na “RIZALOHIYA: Si Rizal sa loob at labas ng klasrum.”