Dinadaluyong ang Pilipinas ngayon ng pagbugso-bugsong hampas ng mapaniil na palisiyang pumipigtal sa mga serbisyong panlipunan, makatarungang paglilitis, at malayang pamamahayag—pawang mga ugat na dinadaluyan ng buhay ng mamamayan.
Magiging pahirapan para sa mga mamamahayag na makabalik sa pagbabalita ngayong ang sinumang maging kritiko ng gobyerno ay maaaring sikilin sa pamamagitan ng kasalukuyang ipinatutupad na Anti-Terror Law (ATL). Kasabay ng lahat nang ito ang patuloy at mabilis na pagbulusok ng kaguluhan sa bansa dahil sa lalong pagkalat ng sakit na COVID-19.
Matapos ang apat na taong pagtitiis sa mga pagbabanta ng pangulo, nagbabalik ang pinakamatandang istasyon sa Pilipinas na Alto Broadcasting System-Chronicle Broadcasting Network (ABS-CBN) sa bangungot noong batas militar—ang harapin ang alimpuyo ng gobyerno upang ipagtanggol ang prangkisang pundasyon ng kanilang operasyon.
Iniinda ng istasyon sa ngayon ang pagkaputol ng kanilang kableng dumadaloy sa mga telebisyon at radyo nang magkaisa ang Kongreso sa botong 70-11-2 na harangin ang paggagarantiya sa ABS-CBN ng kanilang panibagong prangkisa.
Sa mga kondisyong hinihinang ng pandemya at ATL, lumundo ang isang makapangyarihang kumpanya katulad ng ABS-CBN. Hindi malayong kung pag-iibayuhin pa ng gobyerno ang pinamumuo nitong ligalig sa bansa, mailalagay rin sa bingit ng panganib ang malaon nang nagdarahop na mga tagapagbalita sa kanayunan.
Pambubulahaw
Halaw mula sa salitang ‘tribune’, nagsisilbing taliba ngayon ang publikasyong Tribuna sa malayang pamamahayag sa pamamagitan ng paglalathala ng mga kwentong nakukubli sa rehiyon ng Bikol. Mula noong Pebrero kung kailan simulang maging opisyal ang pahayagan, humahawan na ng panibagong klima ang Tribuna sa pagbabalita—pagbalikwas sa nakalulunod na alon ng mga balitang nakaangkla sa limpak-limpak na kita.
Tulad ng lahat ng nagsisimulang publikasyon, kinakaharap din ng Tribuna ang kahirapan sa pagpaparami ng manunulat bilang nasalubong nito ang pandemya sa gitna ng pagpapayabong. Madalas nasesentro ang sandamakmak na trabaho sa iisang tao, dahilan upang bumagal ang proseso para makapaglingguhan. Gayunding maraming mag-aaral pa lamang sa kanilang kasapian, kung kaya ang pondong kanilang gagamitin upang makapagsulat ay manggagaling din sa kanilang sariling bulsa.
Ito ay kahit nababatid ng publikasyong kasama nilang nararamdaman ang epekto ng palalang krisis pang-ekonomya at pangkalusugan bunsod ng pandemya. Pasanin sa kanila ang magtagpo ang grupo para makapagpanayam dahil sa kakulangan ng transportasyon. Kahit bahagyang pinapayagan na muli sa daanan ang mga sasakyan ngayon, limitado pa rin ang kanilang nagiging galaw, at mas lalo pang gumagastos para lamang matapos ang kani-kanilang mga isinusulat.
Parehong ring hinahamon ng kasalukuyang mga pangyayari ang iba pang mga publikasyon mula sa Bikol katulad ng The Weekly Digest, Bicol Chronicle, Dyaryo Bikol, Mayon Times, Newslink Bicol at Albay Journal. Bagaman lingguhan ang paglalabas ng dyaryo ng mga pahayagang ito kumpara sa dalawang beses kada buwan ng Tribuna, tinatayang P100,000 ang nakakaltas sa kanilang kita buwan-buwan dahil sa pagtigil ng trabaho ng mga nagnenegosyo at ilang bahagi ng gobyerno sa bansa na kumukuha ng espasyo sa kanilang dyaryo para sa pagpapatalastas.
Isinagad nito ang pahayagang Dyaryo Bikol na magtimpla ng panibagong hitsura para sa kanilang mga isyu sa pamamagitan ng pagpapaliit ng papel at pagbabawas ng kulay ng kanilang dyaryong inilalabas. Kinakailangan nilang panatilihin ang kanilang badyet para masigurong nababayaran pa rin ang mga manunulat at kawani habang lumiliit ang kanilang sirkulasyon—ibig sabihin man nito ay may mga mahahalagang litrato at artikulo hinggil sa nangyayari sa kanilang lugar na liliit, iiksi o mawawala.
Dahil rin sa mga pagkaluging nararanasan ng mga mamamahayag, umaabot hanggang sa 60 porsyento ng kabuuang sirkulasyon ng Bicol Mail, isa pang pahayagang mula naman sa Camarines Norte, ang kailangang tagpasin kung kaya hindi na umaabot sa ibang probinsya ang mga dyaryo, higit lalo sa mga liblib na pamayanan.
“Kaiba sa mga publikasyon sa Bicol na hinahawakan ng mga pulitiko at negosyante, hirap ang Tribuna na tipirin ang personal nitong kapital para gumana nang regular ngunit kinakaya sa kasalukuyan. Pansamantalang libre ang akses sa lahat ng materyal na inilalabas ng publikasyon—mula sa subskripsyon online hanggang sa nakalimbag nitong mga isyu,” ani Tribuna.
Masalimuot ang kalagayan ng mamamahayag sa kanayunan na ito ay pawang dulot ng sistematikong pagwawalang bahala ng mga administrador sa kalubhaan ng kanilang masusi at lantarang hindi pagkilala sa esensya ng pandemya at ang epekto nito sa paggana ng mga dyaryo sa buong bansa.
Pananalanta
Noon pa mang walang ATL na naghahasik ng takot sa bansa, walang patid na ang opensiba ng gobyerno laban sa mga mamamahayag sa kanayunan, liban pa sa mga intimidasyon at pananakot sa mga pahayagan sa social media nang lumipat ang kalakhan sa online na plataporma bilang tugon sa restriksyon ng pandemya.
Ipinag-aalala ng Tribuna ang kanilang seguridad nang biglaang sumulpot ang samu’t saring dummy accounts na nakapangalan sa kanilang mga miyembro pati ang pagdagsa ng trolls sa mga ipinapaskil na mga artikulo at sining sa kanilang Facebook page.
Hindi na bago ang nararanasan ng Tribuna sa social media pagkat laganap na sa buong mundo ang paggamit ng troll armies bilang armas ng pagpapakalat ng disimpormasyon at pekeng balita. Bukod sa Pilipinas, nakikitaan din ng pagtaas sa bilang ng aktibong trolls ang mga bansang tulad Vietnam, Russia, at India, ayon sa Reporters Without Borders (RSF), isang international media watchdog na nakabase sa Paris.
“Noong nagkaroon ng usapin hinggil sa dummy Facebook accounts, hindi naging ligtas kahit ang kawani ng publikasyon sa pagkakaroon nito. Minando ng editorial board ang usapin sa pagpapaliwanag sa kasapian ng mga bagay hinggil sa isyu, dahil may pakiramdam ng seguridad kapag nakakaalam,” pagsasalaysay ng Tribuna.
Sa Bikol, kasama ang karatig rehiyong Silangang Visayas at Negros, ipinatupad ang Memorandum Order No. 32 (MO 32) na naglalayong lipulin ang nagaganap na insurhensiya, Nobyembre 22. Ngunit, hindi lamang ang mga rebolusyonaryong pwersa ang kinitil sa lugar kundi maging ang mga indibidwal sa ilalim ng ligal na organisasyon kasama ang mga mamamahayag sa kanayunan.
Ilan sa mga mamamahayag na naging biktima ng MO 32 si Maureen Japzon na pinaslang sa Leyte noong Oktubre 15, 2019. Bilang dating manunulat sa alternatibong midyang Bulatlat at tagapag-ugnay ng National Union of Journalists of the Philippines sa Eastern Visayas, isa si Japzon sa mga tagapagsulong ng karapatan ng mga mamamahayag laban sa pang-aatake ng mga komersyante at pulitiko sa lugar.
Sa Tacloban, iligal na dinakip naman si Frenchie Mae Cumpio, isang community journalist sa pahayagang Eastern Vista, Pebrero 7. Pinagtuunan ni Cumpio sa kanyang mga panulat at programa sa radyo ang mga pang-aabuso sa karapatang pantao at pagtalakay sa mga isyu ng mga magsasaka at manggagawa sa kanilang probinsya.
Masasalamin sa mga kasong ito ang higit pang papadausdos na kalidad ng pagbabalita sa bansa.
Napunta sa ika-136 sa 180 bansang sinuri ang Pilipinas matapos bumaba ng dalawang pwesto at nananatiling nasa ibabang sangkapat ng inilabas na 2020 Global Press Index ng RSF.
Gayunding nangunguna ang Asya-Pasipiko, kung saan nabibilang ang Pilipinas, sa dami ng mga paglabag sa karapatan ng mga mamamahayag sa gitna ng pandemya batay sa mga nakalap na ulat ng International Press Institute.
Mayroong naitalang 102 pang-aaresto at pagsasampa ng kaso sa Asya-Pasipiko, 37 pandarahas, 29 na represyon ng karapatang makakuha ng pampublikong impormasyon, siyam na kaso censorship, at anim na labis na regulasyon sa mga makatotohanang balita para ituring bilang isang fake news.
Paghambalos
Bagaman hindi pa nasusukat ang magiging epekto ng ATL sa karapatan sa pamamahayag, higit lalo sa mga bulnerableng midya sa kanayunan, matutunton sa mga nagdaang balita sa gitna ng pandemyang mayroong pagbabadya para muling magkaroon ng sigwa laban sa katotohanan.
Sinasamantala ng gobyerno ang luwag ng mga lansangan mula sa publikong hindi makapag-organisa para puntiryahin ang mga mamamahayag sa komunidad na nangangahas na maglantad ng mga suliranin sa kabila ng kaakibat nitong pasanin sa kanilang kalusugan. Sapat nang patunay nito ang pagbawalan ang mga mamamahayag na makapasok sa quarantine facility ng mga OFW, sa mangyayaring SONA, at sa pangangalap ng tunay na bilang ng mga may sakit.
Bumabahag ang buntot ng pamahalaan ngayong pinatatagas ng midya ang kanilang katiwalia’t kapabayaan. Kung kaya’t ibinabaluktot ang ligal, upang gawing iligal ang normatibong batayan sa pamamahayag at takdaan ang pagpapatuloy, kung hindi man pagpapahaba, ng pangulo ng kanyang pamamalakad.
“Sa kasaysayan ng pag-abuso ng iilan sa mga batas, batid ng Tribuna ang pagiging bulnerable ng mamamayan sa kalatas ng ATL. Kung kaya, maninindigan ang Tribuna sa panawagang huwag dahasin ang mga komunidad at wag kasangkapanin ang batas sa ngalan ng ibang interes,” ani Tribuna.
Habang tinatangkang tapalan ng mga namumuno sa pamamagitan ng mga mapanupil na patakaran tulad ng ATL ang kanilang walang bisang pamamalakad sa lumulubog na estado ng Pilipinas, lingid sa kanilang pagtataya, hindi mangunguyom ang mga mamamahayag, kundi lalong uusbong at yayabong sa panahon ng ligalig.
“Nasa yugto ang Tribuna ng pagbibigay-alam sa mga mambabasa nito kung ano ang epekto ng batas—mga hulihan, patayan na talamak sa rehiyon sa panahon ngayon. Naninindigan ang Tribuna na sasandig ito sa tugon ng mamamayan kung ano ang epekto ng batas sa kanilang komunidad, kalakip ang matalas na pagtasa ng publikasyon,” anang patnugutan ng Tribuna.
Sa pagkawala ng mga pahayagang tumatanday sa kita at malakihang produksyon sa mga syudad at kalunsuran, hahalili ang mga maliliit at huling depensa ng pagbabalita—ang mga mamamahayag na nakalubog sa mga pinakatagong komunidad katulad ng Tribuna—patutunayang ang huling yugto ng isang bagyo ay madalas hindi sa mga matataas na gusali ng kapatagan kundi sa pagsalpok nito sa taluktok ng kabundukan sa kanayunan. •
*Reintepretasyon ng kauna-unahang naidokumentong tulang Tagalog na hinggil sa bagyo, paniniwala, at kolonisasyon ni Francisco de San Jose
Unang nailathala noong ika-1 ng Agosto 2020 gamit ang pamagat na “May Bagyo Ma’t May Rilim.”