Kritikal para sa mga manggagawa ng UP ang pagkahalal ni Danilo Concepcion noong 2016, lalo’t nasa direksyon na sila kung saan kanila nang napagtagumpayan ang mga benepisyo para sa mga kontraktwal, dagdag pa ang pagpirma ng UP sa kay tagal na nilang ikinakampanya na collective negotiation agreements (CNA).
Gayunpaman, nang humarap na sa komunidad ng UP si Concepcion noong 2017, ipinangako ng kanyang administrasyon na higit pang pagsilbihan ang mga sektor ng UP: mula sa pagtanggap sa puna ng mga estudyante, pag-ibayo sa mga programang magpapaunlad sa kaguruan, at pagsulong sa regularisasyon ng mga kawani sa UP.
Sa pagkakataong iyon, ipinakita ni Concepcion na maaaring maging kaagapay ng mga sektor ng UP ang kanyang administrasyon sa pagsulong ng kanilang mga karapatan.
Subalit ang pagtalikod sa gayong panata sa pamamagitan ng pagtindig ng mga pader sa pagitan ng UP at ng mga sektor nito ang magiging legasiya ni Concepcion sa panunungkulan niya sa UP. Dahil sa pagdami ng nagtatayugang gusaling kanyang ipinatayo, malinaw na kinalimutan niya na ang tindig ng sektor ng mga manggagawa—sa kabila ng kanyang pangangailangan sa kanila upang bigyang-buhay ang UP.
At sa pagtatapos ng termino ni Concepcion, iiwan niya ang pangunahing pwersa ng UP nang bigo’t patuloy na binibigo ng napalsong pangako ng pagsusulong ng administrasyon sa mga bitbit nilang panawagan. Sa gayong paggiba sa tagumpay ng mga manggagawa sa UP ipinamalas ni Concepcion ang kanyang ambag: ang makailang ulit na pagbansot sa boses ng kanyang mga nasasakupan.
Hindi madali bago matamo ng mga sektor sa UP ang mga panawagan na kanilang iginigiit sa pamantasan, kaya ano mang negosasyong pumapabor sa mga mangagawa’y hudyat ng bumubuting kundisyon ng kanilang trabaho at ng mas makataong paggawa sa loob ng unibersidad.
Gayunpaman, iba ang tumambad nang dumating ang krisis ng pandemya. Sa pagdatal ng COVID-19, halos 25 porsyento ng kawani ng UP ang nagkasakit. Subalit sa halip na agad na sumaklolo ang UP, kahit man lang sa pagkuha ng benepisyo tulad ng enhanced hospitalization program, naging pahirap pa ito dahil sa mga limitasyon ng maaaring tulungan ng programa.
Kasagsagan din ng unang semestre noong 2020, kung kailan higit na kinailangan ang internet, tanging P1,500 lamang bawat buwan ang natanggap na internet subsidy ng ilang kaguruan at REPS. Kalunos-lunos pang pagkaraan ng isang taong pagpapadala ng sulat ng mga hinaing sa tanggapan ni Concepcion, maraming empleyado ang naiwang mag-isa sa pagtataguyod ng gastos sa trabaho’t pagpapagamot tuwing magkakasakit.
Habang ikinakampanya ng mga unyon ang health and wellness package, kasabay ang P25,000 economic assistance para sa mga empleyadong nasa health break bunsod ng quarantine, idinadahilan ng UP na limitado ang maaari nitong gawin sapagkat dapat pang dumaan sa tanggapan ng Commission of Audit ang ano mang kaugnay sa pagdaragdag ng benepisyo sa mga empleyado. Ngunit kung batas lang din ang pagbabatayan, malinaw na sa ilalim ng Section 13 (K) ng UP Charter of 2008 ay may kapangyarihan ang UP–lalo si Concepcion–na taasan ang sahod at benepisyo ng mga empleyado nito.
Maiiugat ang mga suliranin ng mga manggagawa noong pandemya sa kapabayaan ng UP na resolbahin ang mga isyung matagal nang idinudulog sa pamantasan. Paano’t isang taon pa lamang nang maupo, ipinaramdam niya nang tanging mga salita lamang sa hangin ang kanyang kayang bitawan noong kampanya sa pagkapangulo. Hindi na nga nagkunwari si Concepcion na wala sa prayoridad niya ang mga manggagawa sa UP.
Kaya taong 2017, itinigil ng UP ang pagbibigay ng benepisyo sa mga non-UP contractual workers. At nang humiling naman ng diyalogo ang mga manggagawa upang pag-usapan ang kanilang hawak na CNA, hindi sinipot ni Concepcion ang mga unyon.
Nilalaman ng CNA ang lahat ng kasunduan ng mga unyon at UP na napagtagumpayan sa tulong ng pakikipagnegosasyon at militansya. Kaya naman sa pagtalikod at pagbabalewala ni Concepcion sa CNA, hindi na lamang niya isinawalang-bahala ang legalidad ng mga karapatan ng mga manggagawa sa UP. Bagkus, lalong pinahirapan ang kanilang mga kundisyon sa mga sumunod pang taon.
Lampas 40 porsyento na ng mga manggagawa sa UP ang kontraktwal, ayon sa Alliance of Contractual Employees in UP. Mula sa dating 1,841 bilang ng kontraktwal noong 2016, tumaas ng 672 ang bilang ng mga kontraktwal sa UP nitong Hunyo 2022. Katumbas ng mga numerong ito ang libo-libong manggagawa sa UP na taon-taong nasa bingit ng pagkatanggal sa trabaho. At bagaman ilang taon na silang nagseserbisyo sa UP, ang pamantasan pa ang nagpapahirap sa kanila dulot ng mabagal at mababang pasahod, dagdag pa ang deka-dekadang tagal bago maging regular ang mga manggagawa.
Hindi bumaba sa P13 bilyon ang pondo ng UP mula nang maupo si Concepcion. Sa katunayan, noong 2021, nakita ang pinakamataas na badyet ng UP sa buong kasaysayan ng pamantasan. Kasama pa ang natatanggap na pera ng UP mula sa gobyerno at ang kinikita nito sa komersyo gaya ng rentang nakokolekta mula sa UP-Ayala TechnoHub, UP Town Center, at kasunduan sa mga pribadong kumpanya, maipagpapalagay na maaaring higit pa, kundi man labis, ang pantustos ng pamantasan para sa operasyon nito.
Sa kabila nito, kritikal ang naging pagkapangulo ni Concepcion dahil lantaran nitong ipinakita na isinasantabi pa rin ang hinanaing ng mga kawani sa unibersidad—gaya ng kalakhang danas ng mga manggagawa sa bansa. Sapagkat halip na tumaliwas ang UP sa pagkabigo ng dating administrasyong Duterte na buwagin ang kontraktwalisasyon, lalo pang tumalima’t pinaigting ng pamunuan ni Concepcion ang kontraktwalisasyon sa UP.
Bilang pangulo ng UP, nangyari sana na kinasangkapan ni Concepcion ang awtonomiyang mayroon ang pamantasan upang mapabuti ang kalagayan ng mga manggagawa sa unibersidad. Dahil kaiba sa idiniin niyang adbokasya upang hubugin ang UP bilang bukal ng pampublikong serbisyo, sinalamin ng kahabaan ng kanyang pamunuan ang lugmok na realidad ng mga komunidad ng UP.
Ngayon pa lang, kailangan nang tanggapin ng darating na administrasyon ni Angelo Jimenez na ang tunay na nagpapatakbo’t nagpapagana sa pamantasan ay ang mga sektor na bumubuo nito. Kaya asahan nilang sa pagharap sa mas kritikal at nagkakaisang hanay ng mga sektor sa UP, patuloy na ititindig ang hustisya para sa uring anakpawis. ●