Ang bawat pagpalaot ng mga mangingsida ng Zambales sa West Philippine Sea ay pagbaybay sa peligro. Tangan ang kawil at pana, sinisikap nilang sumuong sa malawak na katubigan upang may maiuwi kahit na kakarampot na huli sa pamilya. Binabalot ng pangamba ang mga lumalayag tuwing papalapit sa pampang ng Scarborough Shoal, kung saan nakapalibot ang malalaking barko ng Tsina.
Oktubre noong nakaraang taon, iniulat ng Philippine Coast Guard ang presensya ng apat na coast guard ship at dalawang militia vessel ng Tsina sa Scarborough Shoal. Sa parehong buwan, hinarang ng mga dayuhan ang mga mangingisda at pinigilang makalapit sa bahura.
Proteksyon sa mga mangingisda at pagpapaalis sa mga dayuhang barko ang inasahang paninindigan ni Ferdinand Marcos Jr. sa bisita niya sa Tsina noong Enero 2023. Ngunit dumulo ang usapan ng dalawang pangulo sa pagpapahintulot ng Tsina na makapaghanapbuhay ang mga mamamalakaya sa karagatang pagmamay-ari ng Pilipinas.
Kinukunsinti ni Marcos ang di pagrespeto ng Tsina sa hatol ng arbitral tribunal noong 2016, na nagtatakdang teritoryo ng Pilipinas ang West Philippine Sea, ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), organisasyon ng mga lokal na mangingisda. Pareho sa pamamalakad ni Rodrigo Duterte na itinatwa ang halaga ng arbitral ruling, ang kawalan ng matibay na paninindigan ng administrasyon para depensahan ang soberanya ng Pilipinas ay nagpapatindi sa unos na kinalulugmukan ng mga mangingisda ng Zambales.
Litaw sa patakarang panlabas ni Marcos ang patuloy na pagkakatali ng Pilipinas sa Tsina at pawang pagpapaubaya sa kanila ng kapangyarihang gamitin at ariin ang likas-yaman ng Pilipinas. Kalakip ng kompromiso sa ating katubigan ang nagpapatuloy na banta sa mga mangingisdang matagal nang pineperwisyo ng presensya ng dayuhang panghihimasok sa Scarborough Shoal.
Tangay ng Mabalasik na Daloy
Ang pagtataboy sa mga mangingisda ng Zambales mula sa sariling teritoryo ay usapin ng buhay at kamatayan. Dahil sa pagkakait sa kanila ng pagkakataong makapaghanapbuhay sa Scarborough Shoal, umabot na sa 70 porsyento ang naging tapyas sa kita ng mga mangingisda mula 2020, ani Fernando Hicap, pambansang pangulo ng Pamalakaya.
Tinatayang 12 porsyento ng taunang huli ng mga isda sa mundo ay nanggagaling sa West Philippine Sea, ngunit hindi mga Pilipino ang nakikinabang dito dahil sa kabiguan ng pamahalaang itaguyod ang karapatan sa teritoryo. Iligal na humahango ang Tsina ng 240,000 kilong isda araw-araw mula sa West Philippine Sea, ayon sa Homonhon Environmental Rescue Organization.
Ang malawakang pagkuha ng malalaking tulya at pagtatayo ng Tsina ng mga artipisyal na isla ay nagdulot ng pagkawala ng P33.1 bilyon dahil sa pagkasira ng reef ecosystem sa bahura, ayon sa University of the Philippines Marine Science Institute. Dahil dito, ilang daantaon pa ang kinakailangan para maghilom ang mga nasirang likas na yaman, at kakabit nito ang banta sa seguridad sa pagkain ng Pilipinas at pagkawala ng hanapbuhay para sa 627,000 mangingisda.
Taong 2012 pa lang ay nakararanas na ng panganib ang mga Pilipinong nangingisda sa bandang Scarborough Shoal nang magtayo ng mga harang ang Tsina sa lagusan tungong lagoon nito. Nangyari ito ilang buwan pagkatapos ng tinaguriang Scarborough Shoal standoff kung saan nagpadala ang Pilipinas ng naval ship upang arestuhin ang mga Tsinong iligal na nangingisda roon. Ngunit rumesponde ang dalawang barko ng Tsina kung saan nagtapatan ang dalawang panig, nang kalaunan ay unang umurong ang Pilipinas. Naging hudyat ito ng “de facto ownership” ng Tsina sa teritoryo, ayon kay Enrico Gloria, propesor ng international relations sa Unibersidad ng Pilipinas.
Kaya sa tuwing tatangkain ng mga mangingisdang pumasok sa Scarborough Shoal, nakatatanggap sila ng pananakot at babalang papalapit sila sa teritoryo ng Tsina. Dati na silang inatake ng mga naka-istasyong Tsino gamit ang water cannon na sumira sa kanilang mga bangka. Batay sa ibinahagi ni Hicap sa Collegian, kadalasan ay dalawa sa mga barko ang nasa loob ng teritoryo: dalawa sa bungad, habang ang dalawa pa ay pumapalibot sa labas ng erya.
Itinuturing na pahingahan ng mga mangingisda ang lagoon ng Scarborough Shoal kapag may nagbabadyang masamang panahon, kaya mahalaga sa kanila ang akses roon. “Ngayon nakapalibot na ang mga Chinese coast guards, di na sila nakakapasok doon. Imbes na doon sila pupunta sa loob ng lagoon kapawag masama ang panahon, obligado silang umuwi kasi wala silang tataguan. Kaya may mga report sa amin na nalunod at nawawala, inabot ng malakas na bagyo sa gitna habang pauwi,” salaysay ni Hicap.
Bunsod ng ganitong mga pandarahas, nakapagpadala na ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng 461 mga diplomatikong protesta sa Tsina simula 2016. Ngunit di pa rin tumigil ang mga abuso. Mula sa 287 araw na pagpatrol ng China coast guard sa Scarborough Shoal noong 2020, tumaas ito sa 344 araw noong 2022, ulat ng Asia Maritime Transparency Initiative of the Center for Strategic and International Studies (AMTI-CSIS). Ayon sa AMTI-CSIS, itong pinatinding panghihimasok ng Tsina ay indikasyon ng kanilang determinasyong angkinin ang West Philippine Sea.
Hindi rin nakatulong sa mga mangingisda na sila mismo ay binubusalan ng estado ng Pilipinas. Isa sa mga lider ng Pamalakaya sa Zambales ang pinuntahan ng kinatawan ng Philippine Navy upang pagbawalan na magsalita laban sa presensya ng Tsina.
Para sa mga mangingisda ng Zambales, ang pamamalakad ni Marcos ay walang kaiibahan sa nagdaang administrasyon. At nangangahulugan ito ng paglubha ng kanilang katayuan sa mga darating na mga taon.
Pamamangka sa Dalawang Ilog
Sa pagtindi ng tunggalian sa pagitan ng Tsina at Estados Unidos (US), ang pihit ng patakarang panlabas ng pangulo ay may epekto sa mga pagbabago ng kondisyon ng mga mangingisdang naiipit sa girian. Ang kahihinatnan ng rehiyon ay nakabatay sa kung paano iiral ang ugnayan sa pagitan ng dalawang malalaking kapangyarihan sa kasalukuyan at hinaharap, suri ni Gloria.
Sa ilalim ng termino ni Duterte, ang pagkiling noon sa Tsina ay nilangkapan ng retorikang kumokontra umano sa US; ngunit tinanggap ng kanyang administrasyon ang pinakamalaking halaga ng tulong militar sa buong Timog-Silangang Asya mula sa US. Kaya naman hindi malayong gaya ni Duterte, sisikapin ni Marcos na maging malapit sa Tsina habang pinananatili ang relasyon sa US. “It (US-Philippines alliance) has been already an institution in itself that determines our foreign policy direction,” paliwanag ni Gloria.
Ipinahayag ni Hicap ang agam-agam na maaaring maipit ang Pilipinas bilang entablado sa digmaan ng Tsina at US, lalo na kung gagamitin ang isyu ng West Philippine Sea bilang katwiran sa pagsusulong ng giyera. Ikinabahala niya ang naging pagbisita ng bise presidente ng US na si Kamala Harris sa Pilipinas noong Nobyembre dahil sa posibilidad na maudyok ang Tsina na palalain ang gitgitan. Sa pananaw ni Gloria, may batayan ang sentimyentong ni Hicap dahil sa isinagawang negosasyon para sa pagkakaroon ng dagdag na lugar na paglulunsaran ng mga pagsasanay-militar ng Pilipinas at US alinsunod sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Kinumpirma ng parehong panig noong ikalawa ng Pebrero ang pagpayag ng Pilipinas para sa apat na panibagong lokasyong maaring pasukin ng militar ng US.
“It’s an arms race type of scenario, racing to increase your arms until the situation becomes very insecure because there’s just so much securitization going on. Our actions, our security or military action, EDCA, will be responded by equivalent security or military action on the part of China.”
Sa parehong linggo ng pagbisita ni Harris sa Pilipinas, nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng Philippine Navy at Chinese Coast Guard. Dalawang beses na hinarang ng Chinese vessel ang Philippine naval boat bago sapilitang kinuha ang mga durog na labi ng rocket na nakalap ng mga Pilipino mula sa Thitu Island.
Bilang pagtalima ni Marcos sa linya na kaibigan ang Pilipinas ng lahat, malapit din siyang umuugnay sa Tsina sa tabing ng diplomatikong pagdepensa ng interest ng bansa sa West Philippine Sea. Salungat sa prinsipyo ng pagkakaibigan na nakabatay sa pantay na relasyon, nakataguyod ang samahan ng dalawang bansa sa dominasyon ng Tsina na binabalewala ang karapatan at soberanya ng Pilipinas.
Katangi-tangi sa patakarang panlabas ng administrasyon ni Marcos ang pagtataguyod ng direktang linya ng komunikasyon sa pagitan ng DFA ng Pilipinas at Ministry of Foreign Affairs ng Tsina, sabi ni Gloria. At kung sakali mang matagpuan niyang tunay ang mga insidenteng ito, balak niyang magpadala ng grupo sa Beijing upang talakayin ang isyu na ito kasama ang mga opisyal ng Tsina.
Ngunit di tiyak na mareresolba ang isyu ng mga mangingisda sa pagkakaroon ng direktang linya ng dalawang bansa, lalo pa’t sinabi ni Marcos na wala nang iba pang magagawa ang Pilipinas kundi manood na lamang muna sa nangyayaring pandarahas sa Scarborough Shoal.
“Regardless of the alignment strategy we adopt, the optimal alignment strategy is to hedge between these two major powers. Such is the fate of any small power in international politics, you cannot pick a side because picking a side would entail more losses on your end,” paliwanag ni Gloria.
Pagsalungat sa Karaniwang Agos
Kailangang pairalin ang pamamalakad na di umaasa sa parehong US at China nang sa gayon ay mga Pilipino mismo ang makinabang sa kanilang yaman, ani Hicap. Tahasang pagtanggi ito na gamitin ang Pilipinas bilang kasangkapan sa tensyon ng ibang mga bayan habang nakikinabang sa pakikipagkalakalan ayon sa pangangailangan ng sariling bansa. Kakabit nito ang pagtataguyod ng nagsasariling patakarang panlabas.
Maaari pa ring makapagtaguyod ng produktibong ugnayang pang-ekonomiko sa Tsina nang di binabalewala ang soberanya ng sariling bansa, ayon kay retired Supreme Court senior justice Antonio Carpio. Banggit ang Vietnam bilang halimbawa, posibleng magkaroon ng malakas na ugnayang pangkalakalan sa Tsina habang sinisigurong protektado ang teritoryo ng sariling bansa, sa pamamagitan ng pagpapadala ng coast guards sa kanilang exclusive economic zones para makipagharapan sa Tsina.
Upang lutasin ang pagdurusa ng mga mamamalakaya ng Zambales, dapat igiit ng administrasyon ni Marcos na pagmamay-ari ng Pilipinas ang teritoryo, sa halip na bumuntot sa kumpas ng Tsina. “Hanggang nananatili ang presensya ng Chinese coast guards at commercial fishing vessels sa West Philippine Sea, walang kapayapaan at katahimikan ang mga mangingisdang Pilipino,” sabi ni Hicap.
Inilapit din ng Pamalakaya sa pamahalaan ang kampanya para sa tunay na rehabilitasyon ng mga katubigan, taliwas sa mga mapanganib na proyekto at gawain ng Tsina na sumisira sa likas na yaman ng mga isla. Upang mapatunayan ang pampulitikang kapasyahan na ipagtanggol ang interes ng mga mangingisda, dapat na singilin ng pamahalaan ang Tsina sa lahat ng pagkasirang idinulot ng kanilang okupasyon.
Kailangang baklasin ang sabwatan sa pagitan ng mga dayuhan at pamahalaan ng Pilipinas na nagdudulot ng paghihirap sa mga mangingisda. Nangangahulugan ito ng pagputol sa mga di pantay na kasunduan at pagtataguyod ng sariling industriya at depensa ng soberanya. “Itigil na ni Marcos ang pagbebenta ng ating teritoryo, soberanya, at iyong yaman ng ating pangisdaan, mga mineral, at kalikasan,” panawagan ni Hicap.
Umaasa ang mga mangingisdang Pilipino na darating ang araw na muli nilang mababaybay ang mayayamang katubigan ng bansa at makababagtas pauwi nang may tiyak na maipapakain sa pamilya. Matatalunton lamang ng Pilipinas ang tunguhing ito kung masidhing paninindigan ng pangulo ang pagdepensa sa teritoryo at pagtalikod sa mga mapang-aping ugnayan. ●