Pasensyosong tao si Lhester, pero parang gusto niya na lang umuwi ngayong date nila ni Joylyn. Simula nang magkita sila, hanggang ngayong naglalakad-lakad na sa Riverbank, tahimik at hindi na naglalambing si Joylyn sa kanya. Wala naman siyang atraso kay Lhab. Tiyak rin na walang dapat pagselosan ang dalaga dahil si Lhester na ang pinaka-loyal na lalaking makikilala ni Joylyn sa mundo.
Okay naman sila, staying strong pa nga. Ngunit mula nang mag-viral sa Facebook ang post ni Joylyn noong 7th weeksary nila, nag-umpisa nang maging mailap si Joylyn. Nang pagpyestahan ang mga post ni Joylyn para tawanan at tawagin silang jejemon, hindi na nila napigilan ang mga tao sa Facebook na nagpakalat ng litrato ni Lhester sa likod ng tarpaulin na may bating, “ONE AND ONLY TRU LUV, BY & LHAB @ 7, HAPPY WEEKSARY, LHAB. ”
Wala namang pakialam si Lhester, kahit na siya ang naging tampulan ng biro. Para sa kanya, wala namang halaga ang mga memes at panlalait ng mga tao sa relasyon nila. Mas matimbang para sa kanya ang kasiyahan ni Joylyn noong sinupresa niya ang dalaga.
“Lhab-lhab, picture tayo malapit sa ilog. Tapos ipa-frame natin sa bahay,” paglalambing ni Lhester kay Joylyn. Napatingin si Joylyn sa likod ni Lhester. Bahagyang tinitingnan kung marami bang taong nakapaligid sa kanila. Napailing si Lhester at hinawakan ang magkabilang pisngi ni Joylyn. Nang may kasamang tunog, hinalikan ni Lhester ang mga pisngi, noo, at labi ni Joylyn. Baka sakaling maibsan ang nararamdamang takot niya.
“Wag ka nang mahiya, Lhab. Tsaka, wag kang magpaapekto sa mga ‘yan, hawak ba nila ang relasyon natin? Sila ba ang magbabayad ng pang-date natin?” sunod-sunod na tanong ni Lhester. Gusto pa sanang umiling ni Joyly pero natawa na lang siya at niyakap ang boyfriend na nakakunot na ang noo.
Mula sa bulsa ng kanyang pantalon, kinuha ni Joylyn ang cellphone at binuksan ang camera, “Oh nagagalit na ang By-By ko. Wag nang sumimangot at tumingin ka na dito, By,” asar ni Joylyn. Agad na nalusaw ang inis sa mukha ni Lhester nang makitang tumatawa na muli si Joylyn. Wala nang isinagot si Lhester kundi ang pagyakap nang mahigpit sa dalaga.
Natatawang binati ni Joylyn ang camera, “Hello po, andito kami ngayon sa Riverbank, dito ako dinala ni By para sa weeksary namin. Pang-ilang weeksary na ba natin ‘to, By?”
“Tapos na tayo sa weeksary, Lhab,” humarap si Lhester sa camera, “momentsary na po ang ise-celebrate namin, bawat moment kasi ay espesyal para sa amin.” Nagkatinginan ang magkasintahan at sabay na bumungisngis sa inside joke nilang dalawa. Marami kasing nang-asar sa kanila kung bakit ipinagdiriwang pa nila ang ang bawat linggo bilang magjowa.
Aaminin ni Lhester, napaisip siyang i-delete ang mga post, maging account nila sa Facebook ay naisip niya na ring burahin. Pero kung gagawin niya iyon, para na rin siyang umayon na kahiya-hiya at katawa-tawa ang relasyon nila ni Joylyn.
Hindi naman mga Facebook comments ang yayakap sa kanya tuwing gabi. Hindi rin mga random FB users ang gusto niyang marinig tumawa at makitang ngumiti sa bawat araw niya dito sa mundo. At higit sa lahat, hindi naman nila mahihigitan ang pagmamahal niya kay Joylyn.
Di hamak na mas marami pang mahahalagang bagay na nais paglaanan ng oras at panahon si Lhester, at isa na si Joylyn sa mga iyon.
“Lhab, masaya ka ba sa date natin ngayon? May gusto ka pa bang gawin?” tanong ni Lhester kay Joylyn. Muling tumahimik si Joylyn. Pero ngayon, may maliit na ngiti sa mga labi ng dalaga.
“Wag muna tayo umuwi, By. Dito muna tayo, gusto pa kitang makasama,” sagot ni Joylyn sa boyfriend.
Nagsisimula nang mag-dapithapon, bagay na matagal na nilang gustong sabay masaksihan. Gusto sanang kuhanan ng litrato ni Lhester ang paglubog ng araw, pero hindi na. Walang-wala naman ito, ang lahat ng tumuturing sa kanila bilang katatawanan sa social media, ang mga humahamak sa kanilang pagmamahalan, walang-wala ito sa ngiting nasisilayan ni Lhester ngayon. ●
*pasintabi sa kantang Simpleng Tao ng Gloc-9.