Naging kontrobersyal ang UP Fair sa mga dahilang taliwas sa nais nitong ipatampok. Mula nang ianunsyo ang pagbabalik ng UP Fair hanggang sa huling gabi nito, umingay ang maraming isyu sa pagkaka-organisa at sa bawat gabi ng pagtatanghal. Kung may isang salitang maglalarawan sa naging pagresolba sa mga isyung ito, kawalan ang magiging sagot ko.Â
Isa lamang ang puna sa pagkaka-organisa ng isang linggong advocacy concert sa sanga-sangang mga isyung matagal nang pumapalibot sa UP Fair. Kung babasahin ang mga naging komento sa Facebook page ng UP Fair, may ilang nakapagsabing wag nang haluan ng protesta ang UP Fair. Maraming tumuligsa sa ganitong pananaw online, anila, wag nang dumalo sa UP Fair kung ayaw sa protesta.
Â
Nailathala noong ika-5 ng Marso 1981, sa Philippine Collegian. Isa ito sa mga UP Fair na idinaos noong panahon ng Batas Militar. Sa apat na araw na UP Fair, itinayo ng mga estudyante ang kanilang mga effigy bilang paggiit sa pambansang soberanya ng bansa.
Â
Kung makikiusyoso sa Sunken Garden ang isang taong hindi malay sa kasaysayan ng UP Fair, tila isang pangkaraniwang gig ng mga banda at musikero lamang ito para sa kanya. May ibang porma ng protestang nais iparating ang UP Fair na iba sa inisyal nating inaasahan sa mga pagkilos sa lansangan. Tila inilagay na lang sa dulo at isiningit nang ilang minuto ang mga representante ng batayang sektor upang makapagsalita sa UP Fair.
Kung babalikan ang kasaysayan, nag-umpisa ang UP Fair bilang porma ng protesta ng mga estudyante noong rehimeng Marcos Sr. Binuksan din ito para sa lahat upang palawakin pa ang hanay ng mga taong nagkakaisa sa panawagang bitbit ng mga protestang idinaraos.
Â
Nailathala noong ika-26 ng Pebrero 1981, sa Philippine Collegian. Dahil ipinapakete bilang fair, nakaiwas ang mga estudyante sa panghuhuli at marahas na pagbuwag ng kapulisan sa mga protesta.
Â
Ngayon, matataas na ang pader sa Sunken Garden. Naging mahirap at komplikado na rin ang pagbili ng ticket, maging para sa mga miyembro ng komunidad ng UP. At kung ikukumpara sa FebFair ng UP Los Baños, kung saan nagkaroon pa ng snake rally at iginiit sa bawat gabi ang panawagan ng mga sektor, halos sa iilang bahagi na lang ng fairgrounds mamamataan ang mga placard ng mga sektor at advocacy groups.
Tali sa usaping komersyo at protesta ang UP Fair. Sa layuning mas mapalawak ang naaabot na publiko, hamon sa bawat night handler kung paano lilikom ng kita para sa mga benepisyaryo sa kailapan ng nakararami pagdating sa usaping protesta. Gayunpaman, ang diwa ng pagpoprotesta at pagpapatampok sa mga bitbit nitong adbokasiya ang dapat higit na matimbang tuwing inoorganisa ang UP Fair.
Mahalaga sa panahon ngayon kung paano kakasangkapin ng mga lider-estudyante ang UP Fair upang igiya sa mas malalim na kamulatan sa iba’t ibang mga kampanya ang publiko–maging ang ating mga sarili. Kinikilala natin ang kahingian para sa mas puspusang pagkilos dahil kinakailangan na ng pagbabalikwas sa mga kondisyong kinahaharap natin. At kasama rito ang pagtunggali sa mga institusyon at korporasyong nakikinabang sa paghihirap ng mga mamamayan.
Sa kabila ng kampanya laban sa inhustisya at administrasyong Marcos-Duterte, nakababahalang nanalo ang Upsilon Sigma Phi fraternity, bilang isa sa mga night handlers. Isa ang Upsilon sa mga fraternity na sangkot sa mga insidente ng frat-related violence sa UP.Â
Isang pagkilala sa kanilang kakulangan ang pagpapaabot ng UP Fair core team at UP Diliman University Student Council ng paumanhin sa pagkakaroon ng tsansang maging handler ang Upsilon. Ngunit higit dito, maghalagang kakitaan ng konkretong aksyon ang konseho sa ipinapangako nitong pagtaguyod sa ligtas na espasyo at palaban sa kawalan ng hustisya sa unibersidad. Isa sa mga hakbang, na kanila rin namang ipinangako, ang pagkakaroon ng bukas na konsultasyon sa buong komunidad ng UP at pagkonsidera sa pagtanggal ng bidding process ng UP Fair.
Maraming usapin at isyu na kritikal para sa pamantasan ang hindi iginiit sa mga nagdaang gabi. Kung dati’y may sariling espasyo ang mga advocacy groups sa UP Fair, ngayon ay nasa 10 mga booth na lang ang nailaan para sa kanila. At bagaman kinikilala natin ang inisyatiba ng mga ilang musikero na nagsalita para sa mga sektor, hindi kanais-nais na tila naging backdrop na lamang ang mga grupo habang nagtatanghal ang mga artista.
Paano rin seseryohin ng mga dumalo ang mga panawagan ng mga sektor kung sa parehong linggong ipinanawagan ang pagsasabasura ng Sim Card Registration Act ay ang promosyon ng UP Fair sa mga telco, at pag-udyok na magpa-rehistro ang mga estudyante. At sa halip na langkapan ang pagitan ng mga bandang nagtatanghal ng mga talumpati mula sa mga batayang sektor, halos napuno lamang ng product placement ang mga patalastas.
Â