Bago magpandemya, hindi nagtatapos ang araw ng isang estudyante sa UP sa kanyang huling klase. Madalas, sa mga tambayan sa Vinzons Hall at sa malalawak na espasyo ng bawat gusali sa iba’t ibang kolehiyo, mamamataan ang mga estudyante kahit pasado alas singko ng hapon.
Makikita pa nga ang ilan sa kanilang nagbibilang ng kita mula sa pagtitinda ng mga red velvet crinkles at graham balls—mga patok na produktong para sa income generating project (IGP) ng mga organisasyon sa UP upang pondohan ang kanilang mga proyekto at benepisyaryo. Ang iba naman, paikot na nakaupo sa sahig habang nagkukwentuhan; nagpa-plano ng mga pakulo sa mga ilulunsad nilang aktibidad.
Nang magpandemya, online ang naging birtwal na espasyo ng lahat upang magtrabaho at mag-aral. Umusbong ang mga paraan ng paggamit ng internet upang ipagpatuloy ang buhay nating mga estudyante, kabilang ng mga org sa UP. Natali tayong magdamag sa mga iskrin, nangapa sa kada Zoom call kung nakikinig pa ba ang kausap o hindi, at nahirapan sa pagharap nang mag-isa sa tambak ng sari-sariling gawain.
At bagaman unti-unting nang nanunumbalik sa pisikal na setup ang mga klase at aktibidad sa unibersidad, sadyang mahirap isabuhay ang dating gawi o pre-pandemic na “org culture” sa UP. Ipinakita ng nagdaang krisis ang hindi maiiwasang pagbabago ng mga samahang pang-mag-aaral sa gitna ng unos, gayundin ang panahon kung saan higit itong kailangan sa buhay ng mga iskolar ng bayan.
Orye
Imposible na walang org ang hindi nakapukaw sa kuryosidad ng isang iskolar ng bayan sa kahabaan ng kanyang danas-kolehiyo. Lahat ng espasyo sa UP, maging kasulok-sulokan ng mga gusali, pasyalan, at kainan ay nagsilbi nang tambayan ng mga ito.
Miyembro man o hindi, madalas ding bukas sa estudyante ang imbitasyon ng mga engrandeng pakain, educational discussions, at forum na pinangungunahan ng isang org.
Ngunit bago ang dekada ‘60, konserbatibo at eksklusibong pang-akademiko ang motibasyon ng pagtatatag ng mga organisasyon sa UP. Halimbawa na lamang ang University of the Philippines Student Catholic Action (UPSCA) na pinangunahan ni Fr. John Delaney, isang parish priest sa UP Diliman na may hayag na pagtuligsa sa komunismo.
Nang matunghayan ng mga estudyante ang tahasang panggigipit ng pamahalaan sa kalayaan sa loob at labas ng pamantasan, napagpasyahan ng mga estudyante na lisanin ang kumikitid nang espasyo ng UP upang mag-organisa kasama ng mas malawak na masa.
Sa pangunguna naman ng Student Cultural Association of the University of the Philippines (SCAUP) na itinatag ni Jose Maria Sison, nakabuo ng alyansa ng kabataan upang magsagawa ng malawakang protesta laban sa Commission on Anti-Filipino Activities ng pamahalaan noong 1961. Ang matagumpay na tagpong ito ang nag-udyok sa pagkabuo ng Kabataang Makabayan, kung saan si Sison din ang unang naging tagapangulo.
Mahihinuha sa kasaysayan ng mga org sa UP noong dekada ‘60 ang mahigpit na pagkilala ng mga estudyante na karapat-dapat ang bawat isa na umunlad mula sa lipunan. Mula rito, sumibol ang masikhay na partisipasyon ng kabataan sa pagkilos lampas sa pansariling motibasyon.
Sa pagdaan ng panahon, sumibol sa pamantasan ang mga kalipunang may sari-sariling adhikain. Itinayo ang mga provincial org para sa mga estudyanteng mula sa probinsya, avocational org para sa mga estudyanteng may parehong hilig na aktibidad, at cause-oriented org para sa mga estudyanteng mayroong partikular na adhikang nais isulong.
Magkaiba man ang paggana at ang komunidad nitong binubuo, iisang tunguhin ang lumilitaw sa mga organisasyon sa UP: ang makapagmulat ng nakararami sa mga isyu at adbokasyang kakabit nito.
Sa ating paglahok sa mga katipunang kapanalig sa interes at paniwala, iginaganyak natin ang ating mga sarili na makisangkot. Sa pisikal na pakikisalamuha at pakikipagdiskurso, mas lumalalim ang ating pagpapahalaga sa pangangailangang magkaisa.
Ito ang mahalagang katangian ng mga organisasyon sa UP na nawala noong sumambulat ang krisis ng pandemya sa bansa.
App Process
Mahalaga sa org ang sama-samang pagkilos. Dala nito, kahingian ang personal na pagkilala sa mga taong nakakatrabaho. Ngunit nang dumating ang pandemya, maging ang pisikal na pagsasama-sama ay naging suliranin para isagawa ito.
Ang pagpapatibay sa communality o pagkakapit-bisig ng isang komunidad ang unti-unting nawawala sa bawat org bunsod ng pandemya, ayon sa pag-aaral ni Iva Melissa Magsalin mula sa Ateneo de Manila University. Pinatunayan lamang ng pag-aaral na ito ang naging karanasan ng mga organisasyon sa UP nang magpandemya.
“Talagang nangangapa kami sa isa’t isa. Nung pandemic, pagkapasok mo sa org sumalang kaagad sa org work, eh. Hindi muna nagkapalagayan ng loob,” ayon kay Edrian Divinaflor, estudyante ng BS Psychology at kasalukuyang pangulo ng COPE UP, samahang itinatag noong 2017 na may layong magsulong ang mental-health awareness sa unibersidad.
Tulad ng mga opisina at klase, napilitang manatiling online ang mga transaksyon at pagtitipon ng mga organisasyon sa UP. Gamit ang mga social media tulad ng Facebook at Discord, naging espasyo ang internet upang mapanatili ang ugnayan ng mga miyembro sa isa’t isa.
Naging malikhain ang mga org sa paghahanap ng bagong pamamaraan upang ilunsad ang mga aktibidad na ginagawa na nila pre-pandemic. Kasama rito ang pagpapalawig ng kanilang saklaw na audience. Naging flagship project ng termino ni Divinaflor noong nakaraang taon ang COPE Caravan, isang buwan na pambansang kaganapan na bukas para sa lahat ng nais matuto tungkol sa mental health awareness.
Gayunman, sa kabila ng paggamit sa teknolohiyang mas nagpapadali ng komunikasyon, higit namang humirap ang konsolidasyon ng trabaho at komunikasyon sa mga kasamahan noong pandemya dala ng online fatigue. Sa samut-saring impormasyong nagpabalisa sa mga tao noong pandemya, maging ang patong-patong na gawain sa klase, nakadagdag ang orgwork sa pagkapagal ng mga estudyante.
“Sobrang dormant ng mga online platforms [for communication] … Dumami man ang members, kaunti lang ang active at participative. Hindi rin masyadong nagkakilanlan ang mga members, at mas tinuturing lang ang mga kasamahan bilang kasama sa trabaho,” ayon naman kay Marco Cuadra, kasalukuyang pangulo ng UP Physics Association, akademikong samahan na itinatag noong 1980.
Tulad ng suliraning hinarap nina Divinaflor at Cuadra noong pandemya, nakaapekto rin sa mga aktibidad ng UP Harong ang mababang partisipasyon at membership, ani Carlo Salcedo pangulo ng UP Harong, provincial org ng Camarines Sur na itinatag noong 1995. Aniya, maging ang kalidad ng trabahong inaasahan ay hindi madaling matamo.
Bagaman unti-unting nagbabalik ang pisikal na mga klase at aktibidad ang UP, umusbong ang panibagong problema sa mga org tulad ng humihinang partisipasyon ng mga “pandemic babies,” o mga estudyanteng hindi na nakaranas ng pre-pandemic na buhay sa UP, at sa muling pagpapakilala sa kanila sa dating “org culture” sa UP.
“Marami silang hindi na naabutan tungkol sa mga org sa UP. Hindi nila alam kung ano’ng meron sa Vinzons hill, yung dating IGP ng halos lahat ng org na red velvet crinkles … Maging on-the-ground participation ay mas kaunti na. Not just rallies and educational discussions but kahit yung mga alternative classroom learning experience sa UP,” ani Divinaflor.
Malaking bigwas ang paghina ng partisipasyon ng mga estudyante sa mga aktibidad at adbokasyang inoorganisa ng mga organisasyon sa UP. Kaya sa muling pagbabalik ng mga estudyante sa unibersidad, kahingian ngayon kung paano muling bubuhayin ang aktibo at mayamang org culture sa UP.
Culmination Night
Maaaring mag-umpisa sa mga simplistikong dahilan ang pagsali natin sa ano mang samahan. Gayunman, nagkakaroon tayo ng pagpapahalaga sa nilahukang org sa pagtagal ng panahong nakikiisa tangang adbokasya ng kalipunan.
Para kina Divinaflor, ipinakita ng dalawang taong online setup ang posibilidad na resolbahin ang iilang suliraning kinakaharap ng mga org noong pre-pandemic. Liban kasi sa kakulangan ng espasyo para sa sariling tambayan, matagal na ring suliranin ang burnout at matrabahong application process.
“We try to know the commitment level of each members, kung light tasks lang ba or heavy workload yung kaya nila … Ngayon talaga, mas mahalaga yung understanding sa members at may sense na marunong magsaluhan sa mga bagay-bagay. At syempre, ma-feel nila na nasa safe space sila sa organization,” ani Divinaflor.
Ngayong tila nanunumbalik na sa dati ang buhay sa pamantasan, pagkakataon ng mga organisasyon sa UP na bawiin ang mahabang panahon na watak-watak ang “org culture” sa unibersidad dulot ng pandemya.
Sumailalim man sa pagbabago ang mga organisasyon sa UP sa gitna ng unos na nangyayari sa ating lipunan, laging sisibol ang pakikisangkot ng mga estudyante sa mga organisayon sa UP. Kung may pinatunayan man ang nagdaang pandemya, ito’y ang patuloy na kabuluhan ng mga organisasyon para sa mga estudyante ng UP.
Maaaring may ilang tradisyon sa org culture na hindi na ipagpapatuloy. Mabisa man o hindi, parte lamang ito ng hamong umangkop upang mapaunlad pa ang mga samahan, pagsusuma ni Magsalin. Samakatuwid, mahalaga na nasisigurong kaisa ang bawat miyembro sa layunin at adbokasyang bitbit ng bawat organisasyon sa UP.
Napagtagumpayan na dati ng mga organisasyon sa UP na maging isa sa mga tagapanguna ng pagkilos para sa pagbabagong panlipunan. Kaya imposibleng hindi natin muling mahanap ang ating lugar upang isulong ang ninanais na bukas, sa loob o labas man ng pamantasan. ●