Dinig ang mga bungisngis ng mga nanunuod kapag isang matabang babae ang makikitang tumatakbo, umaalog ang kalamnan, at hinahapo kahit na kasisimula pa lang ng karera. Subalit sa entablado, kita ang panggagalaiti ng lalaking banyaga nang naglakas-loob ang babae na hamunin siya sa karera. Lantad ang kanyang pagkamuhi nang subukin ng babae ang kanyang kapangyarihan.
Ang mga tila modernong isyung ito ay nauugat na mula pa sa panahong kolonya ng Espanya ang bansa. Ito ang kwentong itinanghal sa dulang “Kung Paano Nanalo sa Karera si Rosang Taba” ng Dulaang UP, sa kanilang pagbabalik sa pisikal na teatro matapos ang dalawang taong pagkaantala dahil sa pandemya.
Halaw sa pambatang kwento ni Dean Francis Alfar, isinadula ito sa direksyon nina José Estrella, Issa Manalo Lopez, at Mark Dalacat. Isang penomenal na akdang idiniriin ang mga nagsasangang isyu sa lipunan sa loob ng higit limandaang taon—pang-aaping nakabatay sa pangangatawan, kasarian, at higit, sa uri.
Lalaki Laban sa Babae
“Lakambini” dapat ang pangalan niya. Mula sa alamat, si Lakambini ang babaeng tumutulong sa mga katutubong mabawi mula sa mga magnanakaw na unggoy ang ugat ng mga puno, at pumoprotekta sa kagubatan at bundok. Matalino, malakas, at matulungin sa mga nangangailangan si Lakambini, mga katangiang inaangkin din ni Rosa.
Paglaon, naging Rosa ang Lakambini, parehong babaeng tauhan na ginanapan ni Kiki Baento, dahil pinapalitan ng gobyerno ang kanyang pangalan. Minsan, siya ay nagiging Rosang Taba o Rosang Balyena sa mga kalarong nang-aasar sa malapad niyang katawan. At malayo sa tinitingala at ginagalang na babae, isa sa mga katulong ng gobernadora-heneral si Rosa.
Sa pagkrus ng alamat sa dula, epektibong naipakita ang kultura sa bansa bago ang pagdating ng mga mananakop: may paggalang sa kababaihan at pagkilala sa angkin nilang kalakasan. Taliwas ito sa tinatawag na ignorante’t animal na Indio ni Pietrado, batang kumander na nanguna sa paggapi ng isang grupo ng mga katutubong nag-alsa.
Hindi malayo sa katotohanan ang pambubusabos ng mga Espanyol sa mga kolonya nito. Sa isang tala ni Casimiro Dias, paring Augustinian, tinawag niyang hayop ang mga babae sa bansa, at binigyang-babala ang mga misyonaryo tungkol sa kanila. Gayundin, sa pagpapakalat ng Kristiyanismo sa bansa, itinuring na demonyo, kaaway ang mga babaylan. Tumugon naman si Tamblot, isang babaylan sa Bohol noong ika-16 na siglo, laban sa ganitong panunupil, at namuno ng pagkilos laban sa mga mananakop. Ngunit hindi nag-iisa ang pag-alsang ito ni Tamblot. Makailang-ulit na ring pinatunayan ng kasaysayan ang pagpapasya ng kababaihan makisangkot sa pambansang kalayaan.
Gayundin, nang hindi maatim ang pambubusabos ng Espanyol sa kanyang kababayan, hinamon sa dula ni Rosa si Pietrado na makipagkarera—isang paligsahang hindi hamak na pinapaburan ang lalaki na may matitikas na pangangatawan. Ngunit hindi ininda ni Rosa ang pagkakaiba sa pangangatawan o kasarian, sapagkat ang karera ay hindi lalaki laban sa babae, kundi sa mananakop at nasasakupan.
Mananakop Laban sa Nasasakupan
Malinaw para kay Rosa ang tunguhin ng kanyang karera. Kaya nang malaman ng mga magulang niya ang ginawa niya, ang kanilang galit ay nagmula sa pagsubok ni Rosa na hamunin ang kapangyarihan ng isang dayuhan.
Sa pagdaragdag ng tagpo ng mga magulang ni Rosa sa dula, siyang wala sa orihinal na akda, naging maliwanag ang mensahe ng teatro sa kung paanong napapanatili ang paniniil batay sa kasarian at uri: paulit-ulit na pandarahas, pagkakait, at pangmamaliit sa kakayahan ng mga dehado.
Hindi nagtagal, nanunuot na rin ang ganitong kultura sa loob ng tahanan. Bagaman ang mga magulang ni Rosa ang nagturo na taas-noong humarap sa lahat, anila’y nalimutan na nila ito dahil sa makailang beses na pagdagok ng mga Espanyol.
Ganito rin napapanatili ang paniniil sa mga kababaihan sa bansa. Hindi lang sila inaapi sa paulit-ulit na pagpapahina sa kanila dahil sa pisikal nilang katangian. Pinananatili rin ang pandarahas sa kanila ayon sa kanilang pang-ekonomikong katangian. Ito ang manipestasyon ng pandurusta sa mga mga babae sa Pilipinas—nakabatay sa ugnayan ng uri, pambansa at pangkasariang pang-aapi, ayon kay Leonora Angeles, Pilipinong propesor sa University of British Columbia.
Si Rosa ay inaapi primarya dahil sa kanyang pagiging Indio at katulong, kumpara sa isa pang karakter na si Carmen, ang katutubong asawa ng gobernador-heneral na nakakaiwas sa pangmamaliit ni Pietrado at nagagawang sabihin ang gusto niya dahil sa kanyang katatayuan.
Kung kaya ang pagtindig na anti-kolonyal ang nagtulak sa mga babaeng bayani, gaya ni Tandang Sora o Gabriela Silang, na alpasan ang kanilang kasarian at makisama sa kilusan para sa pambansang kalayaan. Gayundin, ang panghahamon ni Rosa ng karera ay pangunahing nagmumula sa kanyang posisyon bilang katutubo.
Alam ni Rosa na ang pagkapanalo niya sa karera ay hindi nangangahulugan ng paglaya mula sa panunupil na danas ng kanyang kababayan, o kahit ng ibang mga kababaihan. Ngunit hindi naman niya layuning baguhin ang isip ng mga mananakop. Marahil sa panghahamon sa mga dayuhan, ang isip ng mga kababayan niya ang magbago. At nakamit ni Rosa ang tunguhing ito: ang ipakita ang lakas ng sariling lahi sa mga katutubong sumuporta sa kanya sa karera.
Ang Magwawagi
Sa pagsisimula ng karera, nagdilim ang entablado, at ang nananatiling ilaw ay ang makitid na kalyeng daraanan nina Pietrado at Rosa. Hindi lalagpas sa limang pulgada ang kalyeng tinatawag na “Street of Lost Hope,” na taliwas sa pangalan ay nagmistulang lagusang may nag-aabang na liwanag, kalayaan at pag-asa sa dulo.
Habang hindi makaungos si Pietrado sa kabila ng pananabunot, pananadyak kay Rosa nang harangan ng malaki nitong katawan ang landas, nakuha ni Rosa ang tagumpay sa masikip na daanan. Naging instrumento pa sa pagwawagi ni Rosa ang katangiang dating ipinang-aatake sa kanya.
Nabili ni Rosa ang kalayaan nilang pamilya, at nanirahan siya sa bundok kasama ng kanyang asawa at mga supling. Sa pagpapakita sa mga apong tumandang inhinyero, nars, at iba pa, nagkrus ang moderno at nakaraan; inilarawan ng palabas ang mga isyung naranasan ni Rosa na nananalaytay sa kasalukuyan.
Marahil ay may mga tumatawa pa rin sa mga matatabang babae, naiinis sa mga babaeng hindi lumulugar, at binabalewala ang mga residente ng mahihirap na bansa sa tuwing tumitindig sila sa lebel ng mga taga-Kanluran. Ngunit gaya ni Rosa, nananatiling uhaw sa kalayaan ang marami, at may tapang na sumubok sa mga naghahari-harian.
Nakuha ni Rosang Taba ang kanyang kalayaan sa pagtatagumpay sa kanyang karera, ngunit sa pananatili ng mga problema ngayon, pinapatunayan ng dulang hindi sapat ang iisang pagkilos. Kung kaya ang mga karapatan, para sa kababaihan at iba pang dehadong sektor, ay naipapanalo lamang sa sama-samang paglaban ng kabataan, manggagawa, at malawak pang hanay ng masa. Gayunman, di maikakaila ang kahalagahan ng indibidwal na pagpapasyang manghamon gayong ito ang bumubuo sa kolektibo.
Sa pag-abot ni Rosa sa liwanag sa dulo ng kalsada, nagbunyi ang mga katutubo—ang panalo ni Rosa ay pahiwatig sa kanilang kaya ring gawin. ●